Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Isaias 55:1-9

Ang Habag ng Diyos

55 Sinabi(A) ni Yahweh,

“Narito ang tubig, kayong mga nauuhaw.
Ang mga walang salapi ay lumapit din dito,
    bumili kayo ng pagkain at ito'y kainin ninyo!
Bumili kayo ng alak at gatas
    kahit walang salaping pambayad.
Bakit(B) gumugugol kayo ng salapi sa mga bagay na hindi nakakabusog?
    Bakit ninyo inuubos ang perang kinita sa mga bagay na sa inyo ay hindi nagbibigay kasiyahan?
Makinig kayong mabuti sa akin at sundin ang utos ko,
    at matitikman ninyo ang pinakamasasarap na pagkain.
Makinig(C) kayo at lumapit sa akin.
    Sundin ninyo ako at magkakaroon kayo ng buhay!
Isang walang hanggang kasunduan ang gagawin natin;
    pagtitibayin ko ang aking walang hanggang pag-ibig kay David.
Masdan ninyo! Ginawa ko siyang saksi sa mga bansa,
    pinuno at tagapagmana sa mga bayan.
Iyong tatawagin ang mga bansang hindi mo kilala,
    mga bansang hindi ka kilala'y sa iyo pupunta.
Darating sila alang-alang sa iyong Diyos na si Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel,
    sapagkat pinaparangalan ka niya.”

Hanapin mo si Yahweh habang siya'y matatagpuan,
    manalangin ka sa kanya habang siya'y malapit pa.
Dapat nang talikuran ang mga gawain ng taong masama,
    at dapat magbago ng pag-iisip ang taong liko.
Sila'y dapat manumbalik, at lumapit kay Yahweh upang kahabagan;
    at mula sa Diyos, makakamit nila ang kapatawaran.
Ang sabi ni Yahweh,
“Ang aking kaisipa'y hindi ninyo kaisipan,
    ang inyong kaparaanan ay hindi ko kaparaanan.
Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa lupa,
    ang aking kaparaanan ay higit kaysa inyong kaparaanan,
    at ang aking kaisipan ay hindi maaabot ng inyong kaisipan.

Mga Awit 63:1-8

Pananabik sa Presensya ng Diyos

Awit(A) ni David, nang siya'y nasa ilang ng Juda.

63 O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap;
    ang uhaw kong kaluluwa'y tanging ikaw nga ang hangad;
    para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas.
Hayaan mong sa santuwaryo ika'y aking mapagmasdan,
    at ang likas mong kaluwalhatian at kapangyarihan.
Ang wagas na pag-ibig mo'y mainam pa kaysa buhay,
    kaya pupurihin kita, O Diyos, at pararangalan.
Habang ako'y nabubuhay, ako'y magpapasalamat,
    at ako ay dadalangin na kamay ko'y nakataas.
Itong aking kaluluwa'y tunay na masisiyahan,
    magagalak na umawit ng papuring iaalay.

Laman ka ng gunita ko samantalang nahihimlay,
    magdamag na ang palaging iniisip ko ay ikaw;
    ikaw ang sa aki'y tumutulong sa tuwina,
kaya sa iyong pagkupkop ligaya kong awitan ka.
Itong aking kaluluwa'y sa iyo lang nananalig,
    kaligtasan ko'y tiyak, dahil sa iyo'y nakasandig.

1 Corinto 10:1-13

Mga Babala Laban sa Diyus-diyosan

10 Mga(A) kapatid, nais kong malaman ninyo ang nangyari sa ating mga ninuno noong panahon ni Moises. Silang lahat ay naliliman ng ulap sa kanilang paglalakbay at sa pagtawid sa Dagat na Pula. Sa gayon, nabautismuhan silang lahat[a] sa ulap at sa dagat bilang mga tagasunod ni Moises. Kumain(B) silang lahat ng iisang pagkaing espirituwal, at uminom(C) din ng iisang inuming espirituwal, sapagkat uminom sila sa batong espirituwal na sumubaybay sa kanila, at ang batong iyon ay si Cristo. Gayunman,(D) hindi kinalugdan ng Diyos ang marami sa kanila, kaya't nagkalat ang kanilang mga bangkay sa ilang.

Ang(E) lahat ng mga nangyaring iyon ay babala sa atin upang huwag tayong maghangad ng masasamang bagay, gaya ng ginawa nila. Huwag(F) kayong sasamba sa mga diyus-diyosan, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila. Ayon sa nasusulat, “Umupo ang mga tao upang magkainan at mag-inuman, at tumayo upang magsayaw.” Huwag(G) tayong makikiapid, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila, kaya't dalawampu't tatlong libong tao ang namatay sa loob lamang ng isang araw. Huwag(H) nating susubukin si Cristo,[b] gaya ng ginawa ng ilan sa kanila; dahil sa ginawa nila, pinuksa sila ng mga ahas. 10 Huwag(I) din tayong magreklamo, tulad ng ilan sa kanila, kaya't nilipol naman sila ng anghel na namumuksa.

11 Nangyari iyon sa kanila bilang babala sa iba, at isinulat upang tayo namang nabubuhay ngayong mga huling araw ay maturuan.

12 Kaya't mag-ingat ang sinumang nag-aakalang siya'y nakatayo, at baka siya mabuwal. 13 Wala(J) pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng ibang tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipapahintulot na kayo'y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang makayanan ito at ng paraan upang malampasan ito.

Lucas 13:1-9

Magsisi Upang Hindi Mapahamak

13 Dumating noon ang ilang tao at ibinalita kay Jesus na ipinapatay ni Pilato ang ilang mga taga-Galilea habang ang mga ito'y naghahandog sa Diyos. Sinabi niya sa kanila, “Akala ba ninyo, dahil sa sinapit nilang iyon, higit silang masama kaysa sa ibang mga taga-Galilea? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong tulad nila. At ang labingwalong namatay nang mabagsakan ng tore sa Siloe, sa akala ba ninyo'y higit silang makasalanan kaysa sa ibang naninirahan sa Jerusalem? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong tulad nila.”

Ang Talinghaga ng Puno ng Igos

Sinabi pa sa kanila ni Jesus ang talinghagang ito. “May isang taong may tanim na puno ng igos sa kanyang ubasan. Minsan, tiningnan niya kung may bunga ang puno, ngunit wala siyang nakita. Dahil dito, sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tatlong taon na akong pumaparito at naghahanap ng bunga sa punong ito, ngunit wala akong makita. Putulin mo na't nakakasikip lang iyan!’ Ngunit sumagot ang tagapag-alaga, ‘Huwag po muna nating putulin ngayon. Huhukayan ko po ang palibot at lalagyan ng pataba, baka sakaling mamunga na sa susunod na taon. Kung hindi pa, saka po ninyo ipaputol.’”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.