Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 56

Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos

Katha(A) ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa tono ng “Isang Tahimik na Kalapati sa Malayong Lugar”. Isang Miktam,[a] nang siya'y dakpin ng mga Filisteo sa Gat.

56 Maawa ka, Panginoon, ako'y iyong kahabagan,
    lagi akong inuusig, nilulusob ng kaaway;
nilulusob nila ako, walang tigil, buong araw,
    O kay rami nila ngayong sa akin ay lumalaban.
Kapag ako'y natatakot, O aking Diyos na Dakila;
    sa iyo ko ilalagak, pag-asa ko at tiwala.
Pangako niyang binitiwa'y pinupuri ko nang lubos,
    tanging sa iyo, umaasa't nananalig ako, O Diyos;
    sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.
Ang lahat ng kaaway ko'y lagi akong ginugulo,
    ang palaging iniisip ay kanilang saktan ako;
Lagi silang sama-sama sa kublihan nilang dako,
    naghihintay ng sandali upang kitlin ang buhay ko.
Sa masama nilang gawa, O Diyos, sila'y parusahan,
    sa tindi ng iyong galit gapiin mo silang tunay!

Ang taglay kong sulirani'y nababatid mo nang lahat,
    pati mga pagluha ko'y nakasulat sa iyong aklat.
Kapag sumapit ang sandaling tumawag ako sa iyo,
    tiyak na malulupig ang lahat ng kalaban ko;
pagkat aking nalalamang, “Ang Diyos ay nasa panig ko.”
10     May tiwala ako sa Diyos, pangako niya'y iingatan,
    pupurihin ko si Yahweh sa pangakong binitiwan.
11 Lubos akong umaasa't may tiwala ako sa Diyos;
    sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.

12 Ang anumang pangako ko'y dadalhin ko sa iyo, O Diyos,
    ang alay ng pasalamat ay sa iyo ihahandog.
13 Pagkat ako'y iniligtas sa bingit ng kamatayan,
    iniligtas mo rin ako sa ganap na kasiraan.
Upang ako ay lumakad sa presensya mo, O Diyos,
    sa landas nitong liwanag na ikaw ang nagdudulot!

2 Mga Hari 5:1-14

Pinagaling ang Ketong ni Naaman

Sa(A) Siria ay may isang pinuno ng hukbo na nagngangalang Naaman. Mataas ang pagtingin sa kanya ng hari sapagkat sa pamamagitan niya'y pinapagtatagumpay ni Yahweh ang Siria sa mga labanan. Si Naaman ay isang magiting na mandirigma ngunit siya'y may sakit na ketong. Minsan, ang mga taga-Siria ay nakabihag ng isang dalagitang Israelita. Naging katulong ang dalagitang ito ng asawa ni Naaman. Sinabi nito sa kanyang panginoon, “Kung ang asawa ninyo ay lalapit sa propeta na nasa Samaria, tiyak na pagagalingin siya niyon.” Nang marinig ito ni Naaman, pumunta siya sa hari at ibinalita ang sinabi ng dalagitang Israelita.

Sinabi naman ng hari, “Sige, pumunta ka at magpapadala ako sa iyo ng sulat para sa hari ng Israel.”

Pumunta nga si Naaman na may dalang 350 kilong pilak, anim na libong pirasong ginto at sampung magagarang kasuotan. Dala rin niya ang sulat para sa hari ng Israel. Ganito ang sabi sa sulat: “Mahal na hari, ang may dala nito'y si Naaman na aking lingkod. Nais ko sanang pagalingin mo siya sa kanyang ketong.”

Nang mabasa ito ng hari ng Israel, pinunit niya ang kanyang damit at sinabi, “Ako ba'y Diyos na maaaring pumatay at bumuhay? Bakit sa akin niya pinapunta ang taong ito para pagalingin sa kanyang sakit? Baka naman humahanap lang siya ng dahilan para magdigmaan kami?”

Nang mabalitaan ni Eliseo ang ginawa ng hari, ipinasabi niya, “Bakit kayo nababahala? Papuntahin ninyo siya sa akin upang malaman nilang may propeta rito sa Israel.”

Nalaman ito ni Naaman kaya sumakay siya sa kanyang karwahe, at pumunta sa bahay ni Eliseo, kasama ang marami niyang kawal na nakasakay sa kabayo at mga karwahe. 10 Ipinasabi sa kanya ni Eliseo: “Pumunta ka sa Ilog Jordan. Lumubog ka ng pitong beses at magbabalik sa dati ang iyong katawan. Gagaling ang iyong ketong.”

11 Nang marinig ito, galit na umalis si Naaman. Sinabi niya, “Akala ko pa nama'y sasalubungin niya ako, tatayo sa harap ko, tatawagan ang Diyos niyang si Yahweh, at ikukumpas ang kanyang mga kamay sa tapat ng aking ketong at ako'y pagagalingin. 12 At bakit hindi na lang sa mga ilog ng Damasco tulad ng Abana at ng Farfar na mas malinis kaysa alinmang ilog sa Israel? Hindi ba puwedeng doon na lang ako maligo para gumaling?”

13 Ngunit lumapit sa kanya ang kanyang mga lingkod at sinabi, “Ginoo, kung mas mahirap pa riyan ang ipinagagawa sa inyo ng propeta, di ba't gagawin ninyo iyon? Gaano pa iyang pinaghuhugas lang kayo para luminis?” 14 Kaya, pumunta rin si Naaman sa Ilog Jordan, at naglublob ng pitong beses gaya ng ipinagbibilin ng propetang si Eliseo. Nagbalik nga sa dati ang kanyang laman at kuminis ang kanyang balat, tulad ng kutis ng bata.

1 Corinto 14:13-25

13 Dahil dito, kailangang manalangin ang nagsasalita ng iba't ibang mga wika na bigyan din siya ng kaloob na makapagpaliwanag nito. 14 Kung nananalangin ako sa wikang iyan, nananalangin nga ang aking espiritu ngunit hindi nakikinabang ang aking pag-iisip. 15 Ano ang dapat kong gawin? Mananalangin ako sa pamamagitan ng aking espiritu, ngunit gagamitin ko rin ang aking pag-iisip sa aking pananalangin. Ako'y aawit sa pamamagitan ng espiritu, ngunit gagamitin ko rin ang aking pag-iisip sa aking pag-awit. 16 Kung nagpapasalamat ka sa Diyos sa pamamagitan ng espiritu lamang, paanong makakapagsabi ng “Amen” ang isang taong naroroon ngunit walang gayong kaloob, kung hindi niya nauunawaan ang iyong sinasabi? 17 Mabuti ang iyong pagpapasalamat, ngunit hindi nakakapagpatibay sa iba.

18 Nagpapasalamat ako sa Diyos sapagkat ako'y nakapagsasalita sa iba't ibang mga wika, higit kaysa sa inyong lahat. 19 Ngunit sa pagtitipon ng iglesya, mas gusto ko pang magsalita ng limang katagang mauunawaan at makakapagturo sa iba, kaysa libu-libong salitang wala namang nakakaunawa.

20 Mga kapatid, huwag kayong maging isip-bata. Maging tulad kayo ng mga batang walang muwang sa kasamaan, ngunit maging tulad kayo ng matatanda sa inyong pang-unawa. 21 Ganito(A) ang nakasulat sa Kautusan:

“Sinabi ng Panginoon,
    ‘Magsasalita ako sa bayang ito, sa pamamagitan ng mga taong may ibang wika,
sa pamamagitan ng labi ng mga banyaga,
    ngunit hindi pa rin nila ako papakinggan.’”

22 Kung gayon, ang kaloob na makapagsalita sa iba't ibang mga wika ay isang himala para sa mga hindi sumasampalataya at hindi para sa mga mananampalataya. Ngunit ang kaloob na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos ay himala para sa mga sumasampalataya at hindi sa mga di-mananampalataya.

23 Kaya't kung sa pagtitipon ng iglesya ay nagsasalita ng iba't ibang mga wika ang lahat, at may dumating na mga taong walang gayong kaloob o hindi sumasampalataya, hindi kaya nila sasabihing nababaliw kayo? 24 Ngunit kung ang lahat ay nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos, at dumating doon ang isang taong walang gayong kaloob o hindi sumasampalataya, malalaman niyang siya'y makasalanan, hahatulan siya ng lahat ng kanyang naririnig, 25 at mabubunyag ang mga lihim ng kanyang puso. Kaya't luluhod siya, sasamba sa Diyos, at sasabihin niyang tunay ngang kasama ninyo ang Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.