Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Exodo 34:29-35

Bumabâ sa Bundok si Moises

29 Mula(A) sa Bundok ng Sinai, bumabâ si Moises na dala ang dalawang tapyas na batong kinasusulatan ng mga utos. Hindi niya namamalayan na dahil sa pakikipag-usap niya kay Yahweh ay nagniningning pala ang kanyang mukha. 30 Nang makita ito ni Aaron at ng mga Israelita, natakot silang lumapit. 31 Ngunit tinawag sila ni Moises. Lumapit naman si Aaron at ang mga namumuno sa Israel at sila'y nag-usap. 32 Pagkaraan noon, lumapit kay Moises ang lahat ng Israelita at sinabi niya sa kanila ang mga utos na ibinigay sa kanya ni Yahweh sa Bundok ng Sinai. 33 Pagkasabi nito, tinalukbungan ni Moises ang kanyang mukha. 34 Tuwing makikipag-usap at haharap siya sa presensya ni Yahweh, inaalis niya ang takip ng kanyang mukha. Paglabas dito, sinasabi niya sa mga tao kung ano ang iniuutos ni Yahweh, 35 at makikita na naman nila na nagniningning ang kanyang mukha. Kaya't tatakpan niya muli ito hanggang sa muli niyang pakikipag-usap kay Yahweh.

Mga Awit 99

Si Yahweh ang Kataas-taasang Hari

99 Si(A) Yahweh ay naghahari kaya't sa takot ay,
    mga tao'y nanginginig,
trono'y sa ibabaw ng mga kerubin,
    kaya daigdig ay nayayanig.
Si Yahweh'y dakilang tunay, sa Zion o sa mga bansa,
    si Yahweh ang naghahari sa lahat ng mga nilikha.
Purihin natin ang banal at dakila niyang ngalan,
    si Yahweh ay banal!

Ikaw ay dakilang Hari, umiibig sa katuwiran,
    ang dulot mo sa Israel ay ganap na katarungan;
    ang dulot mo sa kanila ay pagtinging pantay-pantay.
Si Yahweh na ating Diyos ay lubos na parangalan;
    sa harap ng kanyang trono, tayo ay manambahan!
    Si Yahweh ay banal!

Si Moises at si Aaron, na mga pari niya;
    at si Samuel nama'y lingkod na sa kanya ay sumamba;
    nang si Yahweh'y dalanginan, dininig naman sila.
Si(B) Yahweh ay nagsalita sa isang haliging ulap;
    sila naman ay nakinig, utos niya ay tinupad.

O Yahweh na aming Diyos, sinagot mo sila agad,
    at ikaw ay nakilalang Diyos na mapagpatawad;
    ngunit pinagdurusa mo kung ang gawa'y hindi tumpak.
Ang Diyos natin na si Yahweh, dapat nating parangalan,
    sa banal na bundok niya sambahin ang kanyang ngalan!
Si Yahweh na ating Diyos ay banal!

2 Corinto 3:12-4:2

12 Dahil sa pag-asa naming iyan, malakas ang aming loob. 13 Hindi(A) kami tulad ni Moises na nagtalukbong ng mukha para hindi makita ng mga Israelita ang paglipas ng kaluwalhatiang iyon. 14 Ngunit naging matigas ang kanilang ulo kaya't hanggang ngayo'y nananatili ang talukbong na iyon habang binabasa nila ang lumang tipan. Maaalis lamang ang talukbong na iyon sa pakikipag-isa kay Cristo. 15 Hanggang ngayon, may talukbong pa ang kanilang isip tuwing binabasa nila ang mga aklat ni Moises. 16 Ngunit(B) kapag lumapit ang tao sa Panginoon, naaalis ang talukbong. 17 Ang Panginoong binabanggit dito ay ang Espiritu, at kung nasaan ang Espiritu ng Panginoon ay mayroong kalayaan. 18 At ngayong naalis na ang talukbong, nagniningning sa ating mga mukha ang kaluwalhatian ng Panginoon. At ang kaluwalhatiang iyan na nagmumula sa Panginoon, na siyang Espiritu, ang siyang magbabago sa atin mula sa isang antas ng kaluwalhatian hanggang tayo'y maging kalarawan niya.

Kayamanang Espirituwal sa Sisidlang Yari sa Putik

Dahil sa habag ng Diyos, ibinigay niya sa amin ang paglilingkod na ito kaya't hindi humihina ang aming loob. Tinalikuran namin ang lahat ng lihim at kahiya-hiyang gawain. Hindi kami nanloloko ng mga tao, at hindi namin pinipilipit ang salita ng Diyos. Sa halip, hayagan naming ipinapangaral ang katotohanan. Kaya't maaari kaming suriin ninuman sa harapan ng Diyos.

Lucas 9:28-36

Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(A)

28 Makalipas(B) ang halos walong araw pagkatapos sabihin ni Jesus ang mga ito, umakyat siya sa bundok upang manalangin. Isinama niya sina Pedro, Juan at Santiago. 29 Habang siya'y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha at ang kanyang kasuotan ay nagningning sa kaputian. 30 Biglang may lumitaw na dalawang lalaki na nakikipag-usap sa kanya, sina Moises at Elias, 31 na nagpakitang may kaningningan. Pinag-usapan nila ang pagpanaw ni Jesus na malapit na niyang isakatuparan sa Jerusalem.

32 Natutulog sina Pedro noon at paggising nila ay nakita nila si Jesus na nakakasilaw ang anyo at may dalawang lalaking nakatayo sa tabi niya. 33 Nang papaalis na ang mga lalaki, sinabi ni Pedro, “Panginoon, mabuti po at nandito kami. Magtatayo po kami ng tatlong tolda, isa para sa inyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.”—ngunit hindi niya nalalaman ang kanyang sinasabi. 34 Nagsasalita pa siya nang liliman sila ng ulap, at natakot sila nang matakpan sila nito. 35 May isang(C) tinig na nagsalita mula sa ulap, “Ito ang aking Anak, ang aking Hinirang.[a] Pakinggan ninyo siya!” 36 Nang mawala ang tinig, nakita nilang nag-iisa na si Jesus. Hindi muna ipinamalita ng mga alagad ang kanilang nakita.

Lucas 9:37-43

Pinagaling ang Sinasaniban ng Masamang Espiritu(A)

37 Kinabukasan, bumabâ sila mula sa bundok at si Jesus ay sinalubong ng napakaraming tao. 38 Mula sa karamihan ay may isang lalaking sumigaw, “Guro, nakikiusap ako sa inyo, tingnan po ninyo ang kaisa-isa kong anak na lalaki! 39 Sinasaniban siya ng isang espiritu at bigla na lamang siyang nagsisisigaw at nangingisay hanggang sa bumula ang bibig. Lubha po siyang pinapahirapan at halos ayaw nang tigilan nito. 40 Nakiusap po ako sa inyong mga alagad na palayasin nila ito ngunit hindi nila magawa.”

41 Sumagot si Jesus, “Lahing napakasama at walang pananampalataya! Hanggang kailan pa ako dapat manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan?” At sinabi niya sa lalaki, “Dalhin ninyo rito ang iyong anak.”

42 Nang papalapit na ang bata, pinangisay na naman ito ng demonyo at bumagsak sa lupa. Ngunit sinaway ni Jesus ang masamang espiritu at pinagaling ang bata; pagkatapos ay ibinigay sa ama nito. 43 At namangha ang mga tao sa nakita nilang kapangyarihan ng Diyos.

Muling Binanggit ni Jesus ang Kanyang Kamatayan(B)

Hangang-hanga ang lahat ng mga tao sa ginawa ni Jesus, ngunit sinabi niya sa kanyang mga alagad,

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.