Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Jeremias 17:5-10

Kay Yahweh lamang Magtiwala

Sinasabi ni Yahweh,
“Susumpain ko ang sinumang tumatalikod sa akin,
at nagtitiwala sa kanyang kapwa-tao,
    sa lakas ng mga taong may hangganan ang buhay.
Ang katulad niya'y halamang tumubo sa disyerto,
    sa lupang tuyo at maalat, na walang ibang tumutubo;
walang mabuting mangyayari sa kanya.

“Mapalad ang mga taong nagtitiwala kay Yahweh,
    pagpapalain ang umaasa sa kanya.
Katulad(A) niya'y isang punongkahoy na nakatanim sa tabi ng batisan;
    ang mga ugat ay patungo sa tubig;
hindi ito manganganib kahit dumating ang tag-init,
    sapagkat mananatiling luntian ang mga dahon nito,
kahit hindi umulan ay wala itong aalalahanin;
    patuloy pa rin itong mamumunga.

“Sino ang makakaunawa sa puso ng tao?
    Ito'y mandaraya at walang katulad;
    wala nang lunas ang kanyang kabulukan.
10 Akong(B) si Yahweh ang sumisiyasat sa isip
    at sumasaliksik sa puso ng mga tao.
Ginagantimpalaan ko ang bawat isa ayon sa kanyang pamumuhay,
    at ginagantimpalaan ayon sa kanyang ginagawa.”

Mga Awit 1

UNANG AKLAT

Ang Tunay na Kagalakan

Mapalad ang taong hindi nakikinig sa payo ng masama,
    at hindi sumusunod sa masama nilang halimbawa.
    Hindi siya nakikisama sa mga kumukutya
    at hindi nakikisangkot sa gawaing masama.
Sa halip, kasiyahan niyang sumunod sa kautusan ni Yahweh.
    Binubulay-bulay niya ito sa araw at gabi.
Katulad(A) niya'y punongkahoy sa tabi ng isang batisan,
    laging sariwa ang dahon at namumunga sa takdang panahon.
Ano man ang kanyang gawin, siya'y nagtatagumpay.

Hindi gayon ang sinumang gumagawa ng masama,
    ito ay tulad ng ipa, hangin ang siyang nagtatangay.
Sa araw ng paghuhukom, parusa niya'y nakalaan
    siya'y ihihiwalay sa grupo ng mga banal.
Sa taong matuwid, si Yahweh ang pumapatnubay,
    ngunit ang taong masama, kapahamakan ang hantungan.

1 Corinto 15:12-20

Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay

12 Ngayon, kung ipinapangaral naming si Cristo'y muling nabuhay, bakit sinasabi ng ilan sa inyo na hindi bubuhaying muli ang mga patay? 13 Kung totoo iyan, lilitaw na hindi muling binuhay si Cristo. 14 At kung si Cristo'y hindi muling binuhay, walang kabuluhan ang aming pangangaral at walang katuturan ang inyong pananampalataya. 15 Kung ganoon, lilitaw na kami'y mga sinungaling na saksi ng Diyos dahil pinatotohanan namin na muling binuhay ng Diyos si Cristo ngunit hindi naman pala, kung talagang walang muling pagkabuhay ng mga patay. 16 Kung hindi muling binubuhay ang mga patay, hindi rin muling binuhay si Cristo. 17 At kung hindi muling binuhay si Cristo, kayo'y nananatili pa sa inyong mga kasalanan at walang katuturan ang inyong pananampalataya. 18 Hindi lamang iyan, lilitaw pa na ang lahat ng mga namatay na sumampalataya kay Cristo ay napahamak. 19 Kung ang pag-asa natin kay Cristo ay para lamang sa buhay na ito,[a] tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng tao.

20 Ngunit sa katunayan si Cristo'y muling binuhay at ito'y katibayan na muli ngang bubuhayin ang mga patay.

Lucas 6:17-26

Nagturo at Nagpagaling si Jesus(A)

17 Pagbaba ni Jesus kasama ang mga apostol, nadatnan nila sa isang patag na lugar ang marami sa kanyang mga alagad, kasama ang napakaraming taong buhat sa Judea, Jerusalem, at mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon. 18 Pumaroon sila upang makinig, at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Pinagaling nga sila ni Jesus, pati na rin ang mga pinapahirapan ng masasamang espiritu. 19 Sinisikap ng lahat ng maysakit na makahawak man lamang sa kanya, sapagkat may kapangyarihang nanggagaling sa kanya na nagpapagaling sa lahat.

Ang Pinagpala at ang Kahabag-habag(B)

20 Tumingin si Jesus sa mga alagad, at sinabi,

“Pinagpala kayong mga dukha,
    sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos!
21 “Pinagpala kayong mga nagugutom ngayon,
    sapagkat kayo'y bubusugin.
“Pinagpala kayong mga tumatangis ngayon,
    sapagkat kayo'y magsisitawa!

22 “Pinagpala(C) kayo kung dahil sa inyong pagsunod sa Anak ng Tao ay kinapopootan kayo, ipinagtatabuyan at nilalait ng mga tao, at pinaparatangang kayo ay masama. 23 Magalak(D) kayo at lumukso sa tuwa kung gayon ang mangyari sa inyo, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.

24 “Ngunit kahabag-habag kayong mga mayayaman ngayon,
    sapagkat natamasa na ninyo ang kaginhawahan.
25 “Kahabag-habag kayong mga busog ngayon,
    sapagkat kayo'y magugutom!
“Kahabag-habag kayong mga tumatawa ngayon,
    sapagkat kayo'y magdadalamhati at magsisitangis!

26 “Kahabag-habag kayo, kung kayo'y pinupuri ng lahat ng tao, sapagkat gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga huwad na propeta.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.