Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 35:11-28

11 Ang mga masama'y nagpapatotoo,
    at nagpaparatang ng hindi totoo, sa pagkakasalang walang malay ako.
12 Sa gawang mabuti, ganti ay masama;
    nag-aabang sa akin at nagbabanta.
13 Kapag sila'y may sakit, ang ginagawa ko,
    nagdaramit-luksa at nag-aayuno;
at nananalangin na yuko ang ulo.
14     Para bang ang aking idinadalangin ay isang kapatid na mahal sa akin;
Lumalakad ako na ang pakiramdam,
    wari'y inulila ng ina kong mahal.

15 Nagagalak sila kapag ako'y may dusa;
    sa aking paligid nagtatawanan pa.
Binubugbog ako ng di kakilala,
    halos walang tigil na pagpaparusa.
16 Natutuwa silang ako'y maghinagpis;
    sa galit sa akin, ngipi'y nagngangalit.

17 Hanggang kailan pa kaya, O Yahweh, maghihintay ako sa mahal mong tulong?
    Iligtas mo ako sa ganid na leon;
    sa paglusob nila't mga pagdaluhong.
18 At sa gitna niyong mga kapulungan, ikaw, O Yahweh, pasasalamatan;
    pupurihin kita sa harap ng bayan.

19 Huwag(A) mong tutulutang ang mga kaaway,
    magtawanan sa aking mga kabiguan;
gayon din ang may poot nang walang dahilan,
    magalak sa aking mga kalumbayan.

20 Sila, kung magwika'y totoong mabagsik,
    kasinungalingan ang bigkas ng bibig,
    at ang ginigipit, taong matahimik.
21 Ang paratang nila na isinisigaw:
    “Ang iyong ginawa ay aming namasdan!”
22 Ngunit ikaw, Yahweh, ang nakababatid,
    kaya, Panginoon, huwag kang manahimik;
    ako'y huwag mong iiwan sa paghihinagpis!
23 Ikaw ay gumising, ako'y ipagtanggol,
    iyong ipaglaban ako, Panginoon.
24 O Yahweh, aking Diyos, sadyang matuwid ka, kaya ihayag mong ako'y walang sala;
    huwag mong ipahintulot sa mga kaaway, na sila'y magtawa kung ako'y mamasdan.
25 Huwag mong pabayaang mag-usap-usapan,
    at sabihing: “Aba! Gusto nami'y ganyan!”
Huwag mong itutulot na sabihin nilang:
    “Siya ay nagapi namin sa labanan!”

26 Silang nagagalak sa paghihirap ko,
    lubos mong gapii't bayaang malito;
silang nagpapanggap namang mas mabuti,
    hiyain mo sila't siraan ng puri.
27 Ang nangagsasaya, sa aking paglaya
    bayaang palaging sumigaw sa tuwa;
“Dakila si Yahweh, tunay na dakila;
    sa aking tagumpay, siya'y natutuwa.”

28 Aking ihahayag ang iyong katuwiran,
    sa buong maghapon ay papupurihan!

Exodo 35:1-29

Ang mga Tuntunin sa Araw ng Pamamahinga

35 Tinipon ni Moises ang buong Israel at kanyang sinabi, “Ito ang iniuutos sa inyo ni Yahweh: Anim(A) na araw kayong magtatrabaho, ngunit ang ikapitong araw ay Araw ng Pamamahinga na nakalaan sa akin. Papatayin ang sinumang magtrabaho sa araw na iyon. Sa Araw ng Pamamahinga, huwag kayong magsisindi ng apoy sa lahat ng inyong mga tahanan.”

Ang mga Handog para sa Santuwaryo(B)

Sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Ito ang iniuutos ni Yahweh: Maghandog kayo kay Yahweh. Ito ang maaari ninyong ihandog: ginto, pilak at tanso; lanang kulay asul, kulay ube, at kulay pula. Gayundin ng pinong sinulid na lino, at balahibo ng kambing, balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, mainam na balat, at kahoy na akasya, langis para sa ilawan, pabangong panghalo sa langis na pampahid at sa insenso. Maghahandog din sila ng mga alahas na kornalina at mamahaling alahas na pampalamuti sa efod at sa pektoral ng pinakapunong pari.”

Ang mga Kagamitan sa Toldang Tipanan(C)

10 “Tipunin mo ang lahat ng mahuhusay na manggagawa at sila ang pagawin 11 ng tabernakulo, ng tolda at ng mga tabing nito, ng mga kawit at ng mga patayo at pahalang na balangkas, ng mga tukod at ng mga patungan nito. 12 Sila rin ang gagawa ng Kaban ng Tipan at ng mga pasanan nito, gayundin ng Luklukan ng Awa at ng tabing nito. 13 Sila rin ang gagawa ng mesa, ng mga paa at lahat ng kagamitan nito, ng lalagyan ng tinapay na ihahandog sa Diyos, 14 ng ilawan, ng mga kagamitan nito, ng mga ilaw at langis para rito. 15 Sila rin ang gagawa ng altar na sunugan ng insenso, pati ang mga pasanan nito, ang langis na pampahid, ang mabangong insenso at ng kurtinang ilalagay sa pintuan ng tabernakulo, 16 ng altar na sunugan ng mga handog, ng parilyang tanso, ng mga pasanan at ng mga kagamitang kasama ng altar, ng palanggana at ng patungan nito. 17 Sila rin ang gagawa ng mga tabing ng bulwagan, ng mga tukod na pagkakabitan, at ng mga patungan ng tukod pati ng kurtina sa pintuan. 18 Sila rin ang gagawa ng tulos, ng mga lubid na gagamitin sa tabernakulo at sa mga tabing, 19 ng mamahaling kasuotan ng mga pari na gagamitin pagpasok nila sa Dakong Banal—ng mga damit na gagamitin ni Aaron at ng kanyang mga anak sa kanilang paglilingkod sa akin bilang mga pari.”

Dinala ang mga Handog

20 Ang mga Israelita'y nagbalikan na sa kani-kanilang tolda. 21 Lahat ng nais tumulong ay naghandog kay Yahweh ng inaakala nilang magagamit sa paggawa ng Toldang Tipanan, ng mga kagamitan sa pagsamba at ng kasuotan ng mga pari. 22 Babae't lalaki ay naghandog. May nagdala ng pulseras, hikaw, singsing, kuwintas at iba pang alahas na ginto. Dinala ng bawat isa ang kanyang alahas na ginto at inihandog kay Yahweh. 23 May naghandog din ng lanang kulay asul, kulay ube at pula, ng telang lino, telang yari sa balahibo ng kambing, pinapulang balat ng tupa at balat ng kambing. 24 Ang iba nama'y naghandog ng pilak o tansong kagamitan, at ng kahoy na akasya para sa tabernakulo. 25 Ang mga babae namang marunong sa pagsisinulid ay gumawa ng sinulid na lanang asul, kulay ube at pula, gayundin ng pinong lino, at ito ang kanilang ipinagkaloob. 26 May gumawa rin ng sinulid mula sa balahibo ng kambing. 27 Ang mga pinuno ay naghandog ng kornalina, mga alahas na ipapalamuti sa efod at sa pektoral ng pinakapunong pari. 28 May nagdala naman ng langis para sa ilawan, ng pabangong ihahalo sa langis na pantalaga at sa insenso. 29 Lahat ng Israelita, lalaki at babae na handang tumulong ay nagdala ng handog kay Yahweh para sa ipinagagawa niya kay Moises.

Mga Gawa 10:9-23

Kinabukasan,(A) samantalang naglalakbay at malapit na sa Joppa ang mga inutusan ni Cornelio, si Pedro nama'y umakyat sa bubungan[a] upang manalangin. Bandang tanghali na noon. 10 Siya'y nagutom at gusto na niyang kumain. Ngunit habang naghihintay siyang maihanda ang pagkain, nagkaroon siya ng isang pangitain. 11 Nabuksan ang langit at nakita niyang ibinababâ sa lupa ang isang parang malaking kumot na nakabitin sa apat na sulok. 12 Naroon sa kumot ang lahat ng uri ng hayop, mga lumalakad, gumagapang, at lumilipad. 13 Narinig niya ang isang tinig, “Pedro! Tumindig ka, magkatay ka at kumain.”

14 Ngunit sumagot si Pedro, “Hindi ko po magagawa iyan, Panginoon! Kailanma'y hindi ako kumain ng anumang marumi o di karapat-dapat kainin.”

15 Muli niyang narinig ang tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos.” 16 Tatlong ulit na nangyari ito, at pagkatapos ay kaagad na iniakyat sa langit ang kumot na iyon.

17 Habang pinag-iisipan ni Pedro kung ano ang kahulugan ng pangitaing iyon, dumating naman ang mga isinugo ni Cornelio. Ipinagtanong nila ang bahay ni Simon at noon ay nasa may pintuan na sila.

Ang Kahulugan ng Pangitain

18 Itinanong nila kung doon nga nanunuluyan si Simon na tinatawag ding Pedro. 19 Pinag-iisipan pa ni Pedro ang kahulugan ng pangitain nang sabihin sa kanya ng Espiritu, “Tingnan mo, may tatlong[b] lalaking naghahanap sa iyo sa ibaba. 20 Bumabâ ka't huwag mag-atubiling sumama sa kanila dahil ako ang nagsugo sa kanila.”

21 Nanaog nga si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ba ang sadya ninyo?”

22 Sumagot ang mga lalaki, “Pinapunta po kami dito ni Cornelio, isang kapitan ng hukbo. Siya'y isang mabuting tao, may takot sa Diyos, at iginagalang ng mga Judio. Sinabi sa kanya ng isang anghel na ipasundo kayo upang marinig niya ang sasabihin ninyo.” 23 Pinatuloy sila ni Pedro at doon pinatulog nang gabing iyon.

Kinabukasan, siya'y sumama sa kanila, gayundin ang ilang kapatid na taga-Joppa.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.