Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 115

Awit para sa Iisa at Tunay na Diyos

115 Tanging sa iyo lamang, Yahweh, ang dakilang karangalan,
    hindi namin maaangkin, pagkat ito'y iyo lamang;
    walang kupas iyong pag-ibig, natatanging katapatan.

Ganito ang laging tanong sa amin ng mga bansa:
    “Nasaan ba ang inyong Diyos?” ang palaging winiwika.
Ang Diyos nami'y nasa langit, naroroon ang Diyos namin,
    at ang kanyang ginagawa ay kung ano ang ibigin.
Ginawa(A) sa ginto't pilak ang kanilang mga diyos,
    sa kanila'y mga kamay nitong tao ang nag-ayos.
Totoo nga at may bibig, ngunit hindi makapagsalita,
    at hindi rin makakita, mga matang pinasadya;
di rin naman makarinig ang kanilang mga tainga,
    ni hindi rin makaamoy ang ginawang ilong nila.
Totoo nga na may kamay ngunit walang pakiramdam,
    mga paa'y mayroon din ngunit hindi maihakbang,
    ni wala kang naririnig kahit munting tinig man lang.
Ang gumawa sa kanila at pati ang nagtiwala,
    lahat sila ay katulad ng gayong diyos na ginawa.
Ikaw, bayan ng Israel, kay Yahweh lang magtiwala,
    siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
10 Kayong mga pari, kay Yahweh ay magtiwala,
    siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
11 Kay Yahweh ay magtiwala, kayong may takot sa kanya,
    siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.

12 Ang Diyos ay magpapala, hindi tayo lilimutin,
    pagpapala'y matatamo nitong bayan ng Israel;
    pati mga pari'y may pagpapalang kakamtin.
13 Sa(B) lahat ng mayro'ng takot kay Yahweh, lahat mapagpapala,
    kung magpala'y pantay-pantay, sa hamak man o dakila.

14 Sana kayo'y paramihin, kayo at ang inyong angkan,
    anak ninyo ay dumami, lumaki ang inyong bilang.
15 Pagpalain sana kayo, pagpalain kayong lubos,
    pagpalain ng lumikha ng langit at sansinukob.

16 Si Yahweh ang may-ari ng buong sangkalangitan,
    samantalang ang daigdig, sa tao niya ibinigay.
17 Di na siya mapupuri niyong mga taong patay,
    niyong mga nahihimlay sa malamig na libingan.
18 Tayo ngayong nabubuhay ang dapat magpasalamat,
    siya'y dapat na purihin, mula ngayon, hanggang wakas.

Purihin si Yahweh!

Isaias 8:1-15

Babala at Pag-asa

Sinabi sa akin ni Yahweh, “Kumuha ka ng isang malapad na tapyas ng bato at isulat mo sa malalaking letra ang mga sumusunod: ‘Kay Maher-salal-has-baz.’[a] Ikuha mo ako ng dalawang saksing mapagkakatiwalaan: ang paring si Urias at si Zacarias na anak ni Jeberequias.”

Sinipingan ko ang aking asawa. Siya'y naglihi at nanganak ng isang lalaki. At sinabi sa akin ni Yahweh: “Ang ipangalan mo sa kanya'y Maher-salal-has-baz. Sapagkat bago pa siya matutong tumawag ng ‘Tatay’ o ‘Nanay,’ ang kayamanan ng Damasco at ang mga nasamsam ng Samaria ay dadalhin ng hari ng Asiria.”

Sinabi pa sa akin ni Yahweh:

“Sapagkat tinanggihan ng bayang ito ang tubig ng Siloe na umaagos nang banayad,
    at nangangatog[b] sila sa harapan ni Rezin, at ng anak ni Remalias;
ipadadala sa kanila ng Panginoon ang hari ng Asiria at ang kanyang mga hukbo,
    na lulusob tulad ng malakas na agos ng Ilog Eufrates.
Parang baha ito na aagos sa Juda,
    tataas ang tubig nang hanggang leeg, at lalaganap ito sa buong lupain mo, O Emmanuel.”

Magsama-sama man kayo mga bansa ay mawawasak din kayo!
    Makinig kayo, mga bansang nasa malalayong dako.
Maghanda man kayo sa pakikipaglaban ay matatakot din kayo.
10 Magplano man kayo, tiyak na kayo'y mabibigo;
    magpulong man kayo, wala ring mangyayari,
    sapagkat ang Diyos ay kasama namin.

Binalaan ni Yahweh ang Propeta

11 Sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan, binalaan ako ni Yahweh
    na huwag kong sundan ang mga landas na dinadaanan ng mga taong ito.
12 Sinabi(A) niya, “Huwag kayong maniwala sa sabwatan na sinasabi ng bansang ito;
    huwag kayong matakot sa kanilang kinatatakutan.
13 Ngunit si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang dapat ninyong kilalanin bilang Banal.
    Siya ang dapat ninyong igalang at dapat katakutan.
14 Sa(B) dalawang kaharian ng Israel,
    siya'y magiging isang santuwaryo, isang batong katitisuran;
    bitag at patibong para sa mga naninirahan sa Jerusalem.
15 Dahil sa kanya, marami ang babagsak, mabubuwal at masusugatan;
    marami rin ang masisilo at mahuhulog sa bitag.”

Lucas 5:27-32

Ang Pagtawag kay Levi(A)

27 Pagkatapos nito'y lumabas si Jesus at nakita niya si Levi, isang maniningil ng buwis, na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.” 28 Tumayo nga si Levi, iniwan ang lahat, at sumunod kay Jesus.

29 Si Jesus ay hinandugan ni Levi ng isang malaking handaan sa kanyang bahay. Kasalo niya roon ang maraming maniningil ng buwis at iba pang mga tao. 30 Kaya't(B) nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga kasamahan nilang tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila sa mga alagad ni Jesus, “Bakit kayo kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?”

31 Sinagot sila ni Jesus, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. 32 Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan upang sila'y magsisi.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.