Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 105:1-15

Awit sa Paggunita sa Kasaysayan ng Bansang Israel(A)

105 Dapat na si Yahweh, ating Panginoon, ay pasalamatan,
    ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa'y dapat ipaalam.
Siya ay purihin, handugan ng awit, ating papurihan,
    ang kahanga-hangang mga gawa niya'y dapat na isaysay.
Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya,
    ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila,
    lahat ng may nais maglingkod kay Yahweh, dapat na magsaya.
Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan,
    siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
Ating gunitain ang kahanga-hanga niyang mga gawa,
    ang kanyang paghatol, gayon din ang kanyang ginawang himala.
Ito'y nasaksihan ng mga alipi't anak ni Abraham,
    gayon din ng lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.

Ang Diyos na si Yahweh ang Panginoon, siya ang ating Diyos,
    sa kanyang paghatol ang nasasaklaw, buong sansinukob.
Ang tipang pangako'y laging nasa isip niya kailanman,
    ang mga pangakong kanyang binitiwan sa lahat ng angkan.
Ang(B) tipan ng Diyos ay unang ginawa niya kay Abraham,
    at may pangako ring ginawa kay Isaac na lingkod na mahal;
10 sa(C) harap ni Jacob, ang pangakong ito'y kanyang pinagtibay,
    para sa Israel, ang tipan na ito ay pangwalang-hanggan.
11 Sinabi ng Diyos, “Ang lupang Canaa'y ikaw ang kukuha,
    bilang bahagi mo sa aking pangako na ipapamana.”

12 Nang panahong iyon sila ay iilan, hindi pa marami,
    kaya sa lupaing tinirhan nila'y hindi nanatili.
13 Tulad nila noon ay taong lagalag na palipat-lipat,
    kung saang lupalop, mga kaharian sila napasadlak.
14 Sinuman(D) ay hindi niya tinulutang sila'y alipinin,
    ang haring magtangka na gumawa nito ay pananagutin.
15 Ang sabi ng Diyos di dapat apihin ang kanyang hinirang,
    ang mga propetang mga lingkod niya'y hindi dapat saktan.

Mga Awit 105:16-41

16 Sa(A) lupain nila'y mayroong taggutom na ipinarating
    itong Panginoon, kung kaya nagdahop sila sa pagkain.
17 Subalit(B) ang Diyos sa unahan nila'y may sugong lalaki,
    tulad ng alipin, ibinenta nila ang batang si Jose;
18 mga(C) paa nito'y nagdanas ng hirap nang maikadena,
    pinapagkuwintas ng kolyar na bakal pati leeg niya.
19 Hanggang sa dumating ang isang sandali na siya'y subukin nitong si Yahweh,
    na siyang nangakong siya'y tutubusin.
20 Ang(D) ginamit ng Diyos ay isang hari upang lumaya,
    pinalaya siya nitong haring ito na namamahala.
21 Doon(E) sa palasyong tahanan ng hari pinapamahala,
    sa buong lupain, si Jose'y ginawa niyang katiwala.
22 Siya'ng sinusunod ng mga prinsipe doon sa palasyo,
    siya ang pag-asa ng mga matandang ang gawa'y magpayo.

23 Sa(F) bansang Egipto, itong si Israel ay doon nagpunta,
    sa lupain ni Ham, ang nunong si Jacob ay doon tumira.
24 Ginawa(G) ni Yahweh ay kusang pinarami ang kanyang hinirang,
    pinalakas ito, higit pa sa lakas ng mga kaaway.
25 Tinulutan niyang doon sa Egipto sila ay itakwil,
    ipinabusabos at pinahirapan nang gawing alipin.

26 Saka(H) inutusan itong si Moises, sinugo ng Diyos,
    sinugo rin niya pati si Aaron, ang piniling lingkod.
27 Sa bansang Egipto'y maraming himalang ginampanan sila,
    sa utos ng Diyos, maraming himalang doon ay nakita.
28 Ang(I) isang ginawa niya'y pinadilim sa buong lupain,
    ang ginawang ito'y hindi inintindi ni hindi pinansin.
29 Ang(J) ilog at batis ay kanyang ginawang dugong dumadaloy,
    pawang nangamatay ang lahat ng isdang doo'y lumalangoy.
30 Napuno(K) ng mga palakang kay rami ang buong lupain,
    maging mga silid ng mahal na hari ay may palaka rin.
31 Sa(L) utos ng Diyos ay maraming niknik ang biglang sumipot,
    sa lahat ng dako kay rami ng langaw, gayon din ng lamok.
32 Sa(M) halip na tubig, ay maraming yelo ang nagsilbing ulan,
    ang kulog at kidlat ay sala-salabat nilang nasaksihan.
33 Ang mga ubasan, mga punongkahoy katulad ng igos,
    ay kanyang nilagas, mga bunga nito'y hindi na nahinog.
34 Isang(N) utos lamang at biglang dumating ang maraming balang,
    langit ay nagdilim sa dinami-rami ay hindi mabilang.
35 Lahat ng gulayin at mga halaman sa buong lupain,
    sinira ng balang, mga bunga nito'y kanilang kinain.
36 Ang(O) mga panganay sa buong Egipto ay kanyang pinatay,
    kaya sa Egipto, noon ay naubos ang mga panganay.

37 Pagkatapos(P) nito, ang bayang Israel kanyang inilabas,
    malulusog sila't lumabas na dala'y mga ginto't pilak.
38 Pawang nangatuwa ang mga Egipcio nang sila'y umalis,
    pagkat natakot na sa mga pahirap nilang tinitiis.
39 Ang(Q) naging patnubay nila sa paglakad, kung araw ay ulap,
    at kung gabi naman ay haliging apoy na nagliliwanag.
40 Nang(R) sila'y humingi niyong makakain, pugo ang nakita,
    at buhat sa langit, sila ay binusog ng maraming manna.
41 Sa(S) bitak ng bato, bumukal ang tubig nang sila'y mauhaw,
    pinadaloy niyang katulad ay ilog sa gitna ng ilang.

Mga Awit 105:42

42 Nagunita ng Diyos ang kanyang ginawang mahalagang tipan,
    ang pangako niya sa tapat na lingkod niyang si Abraham.

Mga Bilang 14:10-24

10 Ngunit binantaang babatuhin ng taong-bayan sina Josue at Caleb. Kaya't ipinakita ni Yahweh ang kanyang kaluwalhatian sa ibabaw ng Toldang Tipanan.

Nanalangin si Moises para sa Bayan

11 Itinanong ni Yahweh kay Moises, “Hanggang kailan ako hahamakin ng mga taong ito? Kailan pa sila maniniwala sa akin samantalang nasaksihan naman nilang lahat ang mga himalang ginawa ko para sa kanila? 12 Padadalhan ko sila ng salot at aalisan ng karapatan sa mana. At ikaw ang gagawin kong ama ng isang bansang higit na marami at makapangyarihan kaysa kanila.”

13 Sumagot(A) si Moises, “Malalaman ng mga Egipcio ang gagawin ninyong iyan. Alam pa naman nila na ang Israel ay inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan. 14 At(B) kung ito'y sabihin nila sa mga taga-Canaan, alam din ng mga iyon na ang Israel ay pinapatnubayan ninyo. Alam nilang kayo ay harap-harapang nagpapakita sa Israel at ang bayang ito'y inyong pinapatnubayan sa pamamagitan ng haliging ulap kung araw at haliging apoy kung gabi. 15 Kung lilipulin ninyo sila, sasabihin ng lahat na 16 nilipol ninyo ang Israel sa ilang sapagkat hindi ninyo sila kayang dalhin sa lupaing ipinangako ninyo sa kanila. 17 Kaya nga, isinasamo kong minsan pa ninyong ipakita ang inyong kapangyarihan tulad ng sinabi ninyo noong una, 18 ‘Si Yahweh ay hindi madaling magalit, mahabagin at handang magpatawad. Subalit hindi niya ipinagwawalang-bahala ang kasamaan, sapagkat ang kasalanan ng mga magulang ay kanyang sisingilin hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.’ 19 Isinasamo ko nga, Yahweh, patawarin na ninyo ang mga taong ito at patnubayan sila tulad ng inyong ginagawa mula nang sila'y ilabas ninyo sa Egipto, sapagkat kayo ay Diyos ng pag-ibig, at handang magpatawad sa mga nagkasala.”

20 Sinabi ni Yahweh, “Dahil sa panalangin mo, pinapatawad ko na sila. 21 Ngunit(C) ito ang tandaan mo: hanggang ako'y buháy at nalulukuban ng aking kaluwalhatian ang buong mundo, 22-23 isa man sa mga nakakita ng himalang ginawa ko ay hindi makakapasok sa lupaing ipinangako ko sa inyong mga ninuno. Paulit-ulit nila akong sinusubok at hindi nila ako sinusunod. 24 Ngunit(D) si Caleb na aking lingkod ay naiiba sa kanila. Sumunod siya sa akin nang buong katapatan, kaya makakapasok siya sa lupaing iyon, pati ang kanyang angkan.

1 Corinto 10:1-13

Mga Babala Laban sa Diyus-diyosan

10 Mga(A) kapatid, nais kong malaman ninyo ang nangyari sa ating mga ninuno noong panahon ni Moises. Silang lahat ay naliliman ng ulap sa kanilang paglalakbay at sa pagtawid sa Dagat na Pula. Sa gayon, nabautismuhan silang lahat[a] sa ulap at sa dagat bilang mga tagasunod ni Moises. Kumain(B) silang lahat ng iisang pagkaing espirituwal, at uminom(C) din ng iisang inuming espirituwal, sapagkat uminom sila sa batong espirituwal na sumubaybay sa kanila, at ang batong iyon ay si Cristo. Gayunman,(D) hindi kinalugdan ng Diyos ang marami sa kanila, kaya't nagkalat ang kanilang mga bangkay sa ilang.

Ang(E) lahat ng mga nangyaring iyon ay babala sa atin upang huwag tayong maghangad ng masasamang bagay, gaya ng ginawa nila. Huwag(F) kayong sasamba sa mga diyus-diyosan, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila. Ayon sa nasusulat, “Umupo ang mga tao upang magkainan at mag-inuman, at tumayo upang magsayaw.” Huwag(G) tayong makikiapid, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila, kaya't dalawampu't tatlong libong tao ang namatay sa loob lamang ng isang araw. Huwag(H) nating susubukin si Cristo,[b] gaya ng ginawa ng ilan sa kanila; dahil sa ginawa nila, pinuksa sila ng mga ahas. 10 Huwag(I) din tayong magreklamo, tulad ng ilan sa kanila, kaya't nilipol naman sila ng anghel na namumuksa.

11 Nangyari iyon sa kanila bilang babala sa iba, at isinulat upang tayo namang nabubuhay ngayong mga huling araw ay maturuan.

12 Kaya't mag-ingat ang sinumang nag-aakalang siya'y nakatayo, at baka siya mabuwal. 13 Wala(J) pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng ibang tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipapahintulot na kayo'y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang makayanan ito at ng paraan upang malampasan ito.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.