Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Pagpupuri
Katha ni David.
27 Si Yahweh ang ilaw ko at kaligtasan;
sino pa ba ang aking katatakutan?
Si Yahweh ang muog ng aking buhay,
sino pa ba ang aking kasisindakan?
2 Kung buhay ko'y pagtangkaan ng taong masasama,
sila'y mga kalaban ko at mga kaaway nga,
mabubuwal lamang sila at mapapariwara.
3 Kahit isang hukbo ang sa aki'y pumalibot,
hindi pa rin ako sa kanila matatakot;
salakayin man ako ng mga kaaway,
magtitiwala pa rin ako sa Maykapal.
4 Kay Yahweh ay isang bagay lang ang aking hiniling,
iisa lamang talaga ang aking hangarin:
ang tumira sa Templo niya habang buhay,
upang kagandahan ni Yahweh'y aking mapagmasdan,
at doo'y humingi sa kanya ng patnubay.
5 Itatago niya ako kapag may kaguluhan,
sa loob ng kanyang Templo ako'y iingatan;
sa ibabaw ng batong malaki ako'y ilalagay.
6 Matatalo ko ang mga nakapaligid kong kaaway.
Sa Templo'y sisigaw nang may kagalakan, habang mga handog ko'y iniaalay;
aawitan ko si Yahweh at papupurihan.
7 Pakinggan mo ako, Yahweh, sa aking panawagan,
sagutin mo ako at iyong kahabagan.
8 Nang sabihin mo, Yahweh, “Lumapit ka sa akin,”
sagot ko'y, “Nariyan na ako at kita'y sasambahin.”
9 Huwag ka sanang magagalit sa akin;
ang iyong lingkod, huwag mo sanang palayasin.
Tinulungan mo ako, Diyos ng aking kaligtasan,
huwag mo po akong iwan, at huwag pabayaan!
10 Itakwil man ako ng aking ama at ina,
si Yahweh ang sa akin ay mag-aaruga.
11 Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kagustuhan,
sa ligtas na landas ako'y iyong samahan,
pagkat naglipana ang aking mga kaaway.
12 Sa mga kaaway ay huwag akong ipaubaya,
na kung lumulusob ay mga pagbabanta at kasinungalingan ang dalang sandata.
13 Naniniwala akong bago ako mamatay,
kabutihan ni Yahweh'y aking masasaksihan.
14 Kay Yahweh tayo'y magtiwala!
Manalig sa kanya at huwag manghinawa.
Kay Yahweh tayo magtiwala!
Binasbasan ni Melquisedec si Abram
17 Sa pagbabalik ni Abram, pagkatapos niyang talunin si Haring Kedorlaomer at ang iba pang mga haring kasama nito, sinalubong siya ng hari ng Sodoma sa Libis ng Save, na tinawag ding Libis ng Hari. 18 Dinalhan(A) siya ni Melquisedec, hari ng Salem at pari ng Kataas-taasang Diyos, ng tinapay at alak, 19 at binasbasan,
“Pagpalain ka nawa, Abram, ng Kataas-taasang Diyos,
na lumikha ng langit at lupa.
20 Purihin ang Kataas-taasang Diyos,
na nagbigay sa iyo ng tagumpay!”
At ibinigay ni Abram kay Melquisedec ang ikasampung bahagi ng lahat ng kanyang nasamsam buhat sa labanan.
21 Sinabi ng hari ng Sodoma kay Abram, “Iyo na ang lahat ng bagay na nakuha mo, subalit ibalik mo sa akin ang lahat ng mga tauhan ko.”
22 Ngunit sumagot si Abram, “Sumumpa ako sa harapan ni Yahweh, ang Kataas-taasang Diyos na lumikha ng langit at lupa. 23 Nangako akong hindi kukuha ng anuman sa iyo, kahit kaputol na sinulid o tali ng sandalyas, para wala kang masabi na ikaw ang nagpayaman kay Abram. 24 Wala akong kukuning anuman para sa sarili ko. Ang mga nagamit lamang ng aking mga tauhan ang aking tatanggapin, at ang bahaging nauukol sa aking mga kakampi. Hayaan ninyong kunin nina Aner, Escol at Mamre ang bahaging nauukol sa kanila.”
17 Mga(A) kapatid, magkaisa kayong tumulad sa halimbawang ipinakita ko sa inyo. Pag-ukulan din ninyo ng pansin ang lahat ng sumusunod sa aming halimbawa. 18 Sapagkat tulad ng madalas kong sinasabi sa inyo noon at ngayo'y luhaang inuulit ko, marami ang namumuhay bilang mga kaaway ng krus ni Cristo. 19 Kapahamakan ang kahihinatnan nila sapagkat ang dinidiyos nila ay ang hilig ng kanilang katawan. Ikinararangal nila ang mga bagay na dapat sana nilang ikahiya, at wala silang iniisip kundi ang mga bagay na may kinalaman sa mundong ito. 20 Subalit sa kabilang dako, tayo ay mga mamamayan ng langit. Mula roo'y hinihintay nating may pananabik ang Panginoong Jesu-Cristo, ang ating Tagapagligtas.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.