Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang mga Tuntunin tungkol sa Unang Bunga at Ikasampung Bahagi ng mga Ani
26 “Kapag nasakop na ninyo ang lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, at matiwasay na kayong naninirahan doon, 2 kumuha(A) kayo ng unang bunga ng inyong mga pananim. Ilagay ninyo iyon sa isang basket at dalhin sa lugar na pipiliin ng Diyos ninyong si Yahweh na kung saan ay sasambahin ang kanyang pangalan. 3 Haharap kayo sa paring nakatalaga roon at inyong sasabihin, ‘Kinikilala ko ngayon sa harap ni Yahweh na ako'y nakarating na sa lupaing ipinangako niya sa aming mga ninuno.’
4 “Kukunin naman ng pari ang basket at ilalagay sa harap ng altar. 5 Pagkatapos ay bibigkasin ninyo ang mga salitang ito sa harapan ni Yahweh:
‘Isang pagala-galang Arameo ang aking ninuno. Dinala niya ang kanyang pamilya sa Egipto upang manirahan doon. Kakaunti lamang sila nang magpunta doon, ngunit sila'y dumami nang dumami at naging isang malaki at makapangyarihang bansa. 6 Pinagmalupitan kami at inalipin ng mga Egipcio. 7 Kaya't humingi kami ng tulong kay Yahweh, ang Diyos ng aming mga ninuno. Dininig niya kami at nakita niya ang aming pagdurusa, kahirapan at kaapihang dinaranas. 8 Inilabas kami ni Yahweh mula sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, ng mga kakila-kilabot na gawa at mga kababalaghan 9 at dinala sa lupaing ito na mayaman at sagana sa lahat ng bagay. 10 Kaya, narito ngayon, Yahweh, ang unang bunga ng aming mga pananim sa lupaing ibinigay mo sa amin.’
“Pagkasabi noon, ilapag ninyo ang inyong dala sa harap ng altar, saka kayo luluhod upang sambahin si Yahweh. 11 Dahil sa kabutihan niya sa inyo, kayong lahat ay magdiriwang, kasama ang buong sambahayan, ang mga Levita, at ang mga nakikipamayan sa inyo.
Ang Diyos ang Mag-iingat sa Atin
91 Siyang naghahangad ng pagkupkop ng Kataas-taasan,
at nananatili sa pagkalinga ng Makapangyarihan,
2 ay makakapagsabi kay Yahweh:
“Muog ka't kanlungan,
ikaw ang aking Diyos, ang Diyos na tangi kong pinagtiwalaan.”
9 Sapagkat si Yahweh ang iyong ginawang tagapagsanggalang,
at ang pinili mong mag-iingat sa iyo'y Kataas-taasan.
10 Di mo aabuting ika'y mapahamak; di mararanasan
kahit anong uring mga paghihirap sa iyong tahanan.
11 Sa(A) kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin,
saan mang dako maparoon, tiyak kang iingatan.
12 Sa(B) kanilang mga kamay, ika'y aalalayan,
nang sa mga bato, paa mo'y hindi masasaktan.
13 Iyong(C) tatapakan kahit mga ahas o leong mabagsik,
di ka maaano sa mga serpiyente't leong mababangis.
14 Ang sabi ng Diyos, “Ililigtas ko ang mga tapat sa akin,
at iingatan ko ang sinumang taong ako'y kikilanlin.
15 Kapag sila'y tumawag, laging handa ako na sila'y pakinggan,
aking sasamahan at kung may problema ay sasaklolohan;
aking ililigtas at ang bawat isa ay pararangalan.
16 Sila'y bibigyan ko't gagantimpalaan ng mahabang buhay,
at nakakatiyak, tatamuhin nila aking kaligtasan!”
8 Sapagkat ganito ang sinasabi, “Malapit sa iyo ang mensahe, nasa iyong bibig at nasa iyong puso.” Ang tinutukoy dito'y ang salitang ipinapangaral namin tungkol sa pananampalataya. 9 Kung ipahahayag ng iyong bibig na si Jesus ay Panginoon at buong puso kang sasampalataya na siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka. 10 Sapagkat sumasampalataya ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso at sa gayon ay itinuturing na matuwid ng Diyos. Nagpapahayag naman siya sa pamamagitan ng kanyang bibig at sa gayon ay naliligtas. 11 Sinabi(A) nga ng kasulatan, “Ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.” 12 Kaya't walang pagkakaiba ang katayuan ng Judio at ng Hentil. Iisa ang Panginoon ng lahat at siya'y masaganang nagbibigay sa lahat ng tumatawag sa kanya, 13 dahil(B) sinasabi sa kasulatan, “Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon.”
Ang Pagtukso kay Jesus(A)
4 Mula sa Jordan, bumalik si Jesus na puspos ng Espiritu Santo. Dinala siya ng Espiritu sa ilang 2 at sa loob ng apatnapung araw ay tinukso siya ng diyablo. Hindi siya kumain ng anuman sa buong panahong iyon, kaya't siya'y nagutom.
3 Sinabi sa kanya ng diyablo, “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, iutos mong maging tinapay ang batong ito.”
4 Ngunit(B) sinagot ito ni Jesus, “Nasusulat, ‘Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao [kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos].[a]’”
5 Dinala siya ng diyablo sa isang mataas na lugar, at sa isang saglit ay ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa daigdig. 6 Sinabi ng diyablo, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapangyarihan at kadakilaan ng mga ito. Ipinagkaloob ang lahat ng ito sa akin, at maaari kong ibigay kung kanino ko gusto. 7 Kaya't kung ako'y sasambahin mo, magiging iyo na ang lahat ng ito.”
8 Sumagot(C) si Jesus, “Nasusulat,
‘Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin,
at siya lamang ang dapat mong paglingkuran.’”
9 Dinala siya ng diyablo sa taluktok ng Templo sa Jerusalem at sinabi sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka 10 dahil(D) nasusulat,
‘Sa kanyang mga anghel, ika'y ipagbibilin,
sila'y uutusan upang ikaw ay ingatan,’
11 at
‘Aalalayan ka ng kanilang mga kamay,
nang sa mga bato, paa mo'y hindi masaktan.’”
12 Subalit(E) sinagot siya ni Jesus, “Nasusulat, ‘Huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos!’”
13 Pagkatapos tuksuhin si Jesus sa lahat ng paraan, umalis na ang diyablo at naghintay ng ibang pagkakataon.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.