Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Samuel 15:34-16:13

34 Pagkatapos nito'y umuwi si Samuel sa Rama, si Saul naman ay sa Gibea. 35 Mula noon, hindi na siya muling nakipagkita kay Saul; subalit ikinalungkot din niya ang nangyari kay Saul. Si Yahweh naman ay nanghinayang sa pagkapili niya kay Saul bilang hari.

Pinapunta kay Jesse si Samuel

16 Sinabi ni Yahweh kay Samuel, “Hanggang kailan ka malulungkot para kay Saul? Itinakwil ko na siya bilang hari ng Israel. Ngayo'y magdala ka ng langis at pumunta ka kay Jesse na taga-Bethlehem sapagkat pinili ko upang maging hari ang isa sa kanyang mga anak.”

Sumagot si Samuel, “Paano ako pupunta roon? Tiyak na papatayin ako ni Saul kapag nalaman niya ang dahilan ng pagpunta ko roon.”

Sinabi ni Yahweh, “Magdala ka ng isang dumalagang baka at sabihin mong maghahandog ka kay Yahweh. Anyayahan mo si Jesse sa paghahandog at ituturo ko sa iyo kung ano ang gagawin mo at kung sino ang papahiran mo ng langis.”

Sinunod ni Samuel ang utos sa kanya ni Yahweh; nagpunta nga siya sa Bethlehem. Siya'y sinalubong ng matatandang pinuno sa lunsod at nanginginig na nagtanong, “Sa ikabubuti ba namin ang inyong pagparito?”

“Oo,” sagot niya. “Naparito ako upang maghandog kay Yahweh. Ihanda ninyo ang inyong sarili at sumama kayo sa akin.” Pinahanda rin niya si Jesse at ang mga anak nito, at inanyayahan din sila sa paghahandog.

Nang makarating na sila, nakita ni Samuel si Eliab. Pinagmasdan niya ito at sinabi sa sarili, “Ito na nga ang pinili ni Yahweh para maging hari.”

Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, “Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan sapagkat hindi siya ang pinili ko. Si Yahweh'y hindi tumitingin nang katulad ng pagtingin ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit sa puso tumitingin si Yahweh.”

Pagkaraan ni Eliab, tinawag ni Jesse si Abinadab at pinaraan din ito sa harapan ni Samuel. Ngunit sinabi ni Samuel, “Hindi rin siya ang pinili ni Yahweh.” Tinawag ni Jesse si Samma, ngunit sinabi rin ni Samuel na hindi ito ang pinili ni Yahweh. 10 Isa-isang tinawag ni Jesse ang pito niyang anak ngunit wala sa kanila ang pinili ni Yahweh. 11 Kaya't tinanong ni Samuel si Jesse, “Mayroon ka pa bang anak na wala rito?”

“Mayroon pang isa; ang bunso na nagpapastol ng mga tupa,” sagot ni Jesse.

Sinabi ni Samuel, “Ipasundo mo siya. Hindi natin sisimulan ang paghahandog hangga't hindi siya dumarating.”

Pinili si David

12 At sinundo nga ang anak na ito ni Jesse. Siya'y makisig na binatilyo, malusog at maganda ang mga mata.

At sinabi ni Yahweh kay Samuel, “Siya ang pinili ko; buhusan mo siya ng langis.” 13 Kinuha ni Samuel ang sungay na sisidlan ng langis, at binuhusan niya si David ng langis sa harapan ng kanyang mga kapatid. At nilukuban si David ng Espiritu[a] ni Yahweh. Mula noon, sumakanya na ang Espiritu[b] ni Yahweh. Pagkatapos, si Samuel ay bumalik naman sa Rama.

Mga Awit 20

Panalangin Upang Magtagumpay

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

20 Pakinggan ka sana ni Yahweh kapag ika'y nagdurusa!
    At ang Diyos ni Jacob ingatan ka sana.
Mula sa Templo, ikaw sana'y kanyang tulungan,
    at mula sa Zion, ikaw ay kanyang alalayan.
Ang handog mo nawa ay kanyang tanggapin,
    at pahalagahan niya ang lahat ng iyong haing susunugin. (Selah)[a]
Nawa'y ipagkaloob niya ang iyong hangarin,
    at sa iyong mga plano, ika'y pagtagumpayin.
Sa pagtatagumpay mo kami ay magbubunyi,
    magpupuri sa Diyos sa aming pagdiriwang.
Ibigay nawa ni Yahweh ang lahat mong kahilingan.

Ngayon ko nalalaman na si Yahweh ang nagbigay, sa pinili niyang hari, ng kanyang tagumpay!
    Siya'y tinutugon niya mula sa kalangitan,
    mga dakilang tagumpay kanyang makakamtan.
Mayroong umaasa sa karwaheng pandigma,
    at mayroon ding sa kabayo nagtitiwala;
    ngunit sa kapangyarihan ni Yahweh na aming Diyos, nananalig kami at umaasang lubos.
Sila'y manghihina at tuluyang babagsak,
    ngunit tayo'y tatayo at mananatiling matatag.

O Yahweh, ang hari'y iyong pagtagumpayin;
    ang aming panawagan, ay iyong sagutin.

2 Corinto 5:6-10

Kaya't laging malakas ang aming loob. Alam naming habang kami'y narito pa sa katawang-lupa, hindi kami makakapasok sa tahanang inihanda ng Panginoon. Sapagkat namumuhay kami batay sa pananampalataya at hindi sa mga bagay na nakikita. Malakas ang aming loob at mas gusto pa nga naming iwan ang katawang ito na aming tinatahanan ngayon, upang manirahan na sa piling ng Panginoon. Kaya naman, ang pinakananais namin ay maging kalugud-lugod sa kanya, maging nasa katawang-lupa o maging nasa piling na niya. 10 Sapagkat(A) lahat tayo'y haharap sa hukuman ni Cristo at tatanggap ng nararapat ayon sa ating mga gawang mabuti o masama, nang tayo'y nabubuhay pa sa katawang ito.

2 Corinto 5:11-13

Pakikipagkaibigan sa Diyos sa Pamamagitan ni Cristo

11 Kaya nga, dahil may takot kami sa Panginoon, sinisikap naming hikayatin ang mga tao na manumbalik sa kanya. Alam ng Diyos ang tunay naming pagkatao; at inaasahan kong kilalang-kilala rin ninyo ako. 12 Hindi dahil sa nais naming ipagmalaking muli sa inyo ang aming sarili, kundi nais naming bigyan kayo ng dahilan upang kami'y maipagmalaki ninyo, nang sa gayon ay masagot ninyo ang mga taong walang ipinagmamalaki kundi ang mga bagay na panlabas at hindi ang tunay na pagkatao. 13 Kung kami'y parang nasisiraan ng isip, iyon ay alang-alang sa Diyos. At kung matino naman kami, iyan ay para sa kapakanan ninyo.

2 Corinto 5:14-17

14 Ang pag-ibig ni Cristo ang naghahari sa amin, sapagkat natitiyak naming may isang namatay para sa lahat, kung kaya't ang lahat ay maibibilang nang patay. 15 Namatay siya para sa lahat upang ang mga nabubuhay ngayon ay huwag nang mabuhay para sa sarili, kundi para kay Cristo na namatay at muling nabuhay para sa kanila.

16 Kaya ngayon, ang pagtingin namin sa bawat tao ay hindi na batay sa sukatan ng tao. Noong una'y ganoon ang aming pagkakilala kay Cristo, ngunit ngayo'y hindi na. 17 Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago.

Marcos 4:26-34

Ang Talinghaga ng Binhing Tumutubo

26 Sinabi pa ni Jesus, “Ang kaharian ng Diyos ay maitutulad sa isang taong naghasik ng binhi sa kanyang bukid. 27 Natutulog siya kung gabi at bumabangon kung araw. Samantala, ang binhi ay tumutubo at lumalago ngunit hindi alam ng naghasik kung paano. 28 Ang lupa ang nagpapasibol at nagpapabunga sa mga pananim; usbong muna ang lumilitaw, saka ang tangkay; pagkatapos, nahihitik ito sa butil. 29 Kapag(A) hinog na ang mga butil, agad itong ginagapas ng taong naghasik sapagkat panahon na para ito'y anihin.”

Ang Talinghaga ng Butil ng Mustasa(B)

30 “Saan pa natin maihahambing ang kaharian ng Diyos? Anong talinghaga ang gagamitin natin upang mailarawan ito?” tanong ni Jesus. 31 “Ang katulad nito ay butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng binhi. 32 Ngunit kapag itinanim, ito'y lumalago at nagiging pinakamalaki sa lahat ng tanim; ito'y nagkakasanga nang mayabong, kaya't ang mga ibon ay nakakapamugad sa lilim nito.”

Ang Paggamit ng mga Talinghaga

33 Ipinangaral ni Jesus sa mga tao ang mensahe sa pamamagitan ng maraming talinghagang tulad ng mga ito, hanggang sa makakaya pa nilang makinig. 34 Tuwing nangangaral siya sa kanila ay gumagamit siya ng talinghaga, ngunit ipinapaliwanag niya ang mga ito sa kanyang mga alagad kapag sila-sila na lamang.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.