Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 20

Panalangin Upang Magtagumpay

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

20 Pakinggan ka sana ni Yahweh kapag ika'y nagdurusa!
    At ang Diyos ni Jacob ingatan ka sana.
Mula sa Templo, ikaw sana'y kanyang tulungan,
    at mula sa Zion, ikaw ay kanyang alalayan.
Ang handog mo nawa ay kanyang tanggapin,
    at pahalagahan niya ang lahat ng iyong haing susunugin. (Selah)[a]
Nawa'y ipagkaloob niya ang iyong hangarin,
    at sa iyong mga plano, ika'y pagtagumpayin.
Sa pagtatagumpay mo kami ay magbubunyi,
    magpupuri sa Diyos sa aming pagdiriwang.
Ibigay nawa ni Yahweh ang lahat mong kahilingan.

Ngayon ko nalalaman na si Yahweh ang nagbigay, sa pinili niyang hari, ng kanyang tagumpay!
    Siya'y tinutugon niya mula sa kalangitan,
    mga dakilang tagumpay kanyang makakamtan.
Mayroong umaasa sa karwaheng pandigma,
    at mayroon ding sa kabayo nagtitiwala;
    ngunit sa kapangyarihan ni Yahweh na aming Diyos, nananalig kami at umaasang lubos.
Sila'y manghihina at tuluyang babagsak,
    ngunit tayo'y tatayo at mananatiling matatag.

O Yahweh, ang hari'y iyong pagtagumpayin;
    ang aming panawagan, ay iyong sagutin.

1 Samuel 9:15-27

15 Isang araw bago dumating doon si Saul, nagpakita kay Samuel si Yahweh at sinabi, 16 “Bukas nang ganitong oras, may darating sa iyong isang lalaking taga-Benjamin. Pahiran mo siya ng langis bilang pinuno ng aking bayang Israel. Siya ang magtatanggol sa mga Israelita laban sa mga Filisteo. Naaawa na ako sa nakikita kong paghihirap ng aking bayan at narinig ko ang kanilang karaingan.”

17 Nang dumating si Saul, sinabi ni Yahweh kay Samuel, “Iyan ang lalaking sinasabi ko sa iyo na maghahari sa Israel.”

18 Lumapit si Saul kay Samuel at nagtanong, “Saan po ba nakatira ang manghuhula?”

19 Sumagot si Samuel, “Ako ang manghuhula. Sumama ka sa akin sa altar sa burol at magsasalo tayo sa pagkain. Bukas ka na ng umaga umuwi pagkatapos kong sabihin sa iyo ang gusto mong malaman. 20 Huwag mo nang alalahanin ang mga asnong hinahanap mo sapagkat nakita na ang mga iyon. Sino ba ang pinakamimithi ng Israel kundi ikaw at ang sambahayan ng iyong ama?”

21 Sumagot si Saul, “Ako po'y mula sa lipi ni Benjamin, ang pinakamaliit na lipi sa Israel at ang aming angkan ang pinakamahirap sa aming lipi. Bakit po ninyo sinasabi sa akin iyan?”

22 Si Saul at ang kanyang katulong ay isinama ni Samuel sa handaan at pinaupo sa upuang pandangal. May tatlumpu ang naroong panauhin. 23 Sinabi ni Samuel sa tagapagluto, “Ihain mo rito ang bahaging ipinatabi ko sa iyo.” 24 Inilabas ng tagapagluto ang pigi at hita ng handog, at inihain kay Saul.

Sinabi ni Samuel, “Narito ang bahaging ibinukod para sa iyo. Kainin mo sapagkat iyan ay inilaan sa iyo sa pagkakataong ito.”

Nang araw na iyon, kumain nga si Saul kasalo ni Samuel. 25 Pagbalik nila sa lunsod, may nakahanda nang higaan sa ibabaw[a] ng bahay para kay Saul. Doon siya natulog nang gabing iyon.

Binuhusan ng Langis si Saul

26 Kinabukasan ng madaling araw, nilapitan siya ni Samuel at ginising, “Bangon na at nang makalakad na kayo.” Bumangon nga si Saul at silang dalawa ni Samuel ay lumabas sa lansangan.

27 Nang palabas na sila ng lunsod, sinabi ni Samuel, “Paunahin mo na ang katulong mo at mag-usap tayo sandali. Sasabihin ko sa iyo ang ipinapasabi ng Diyos.”

Mga Hebreo 2:5-9

Ang Nagsagawa ng Pagliligtas sa Atin

Hindi sa mga anghel ipinamahala ng Diyos ang daigdig na kanyang lilikhain—ang daigdig na aming tinutukoy. Sa(A) halip ay ganito ang sinasabi ayon sa isang bahagi ng Kasulatan:

“Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan,
    o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?
Sandaling panahong siya'y ginawa mong mas mababa kaysa mga anghel,
    pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati, [ginawa mo siyang tagapamahala ng lahat ng iyong nilikha][a]
    at ipinasakop mo sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay.”

Nang ipinasakop ng Diyos ang lahat ng bagay sa kapangyarihan ng tao,[b] walang bagay na di ipinailalim sa kanya. Sa kasalukuyan, hindi pa natin nakikitang napapailalim sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay. Subalit alam nating si Jesus, kahit na sa kaunting panaho'y ginawang mas mababa kaysa mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kaluwalhatian dahil sa pagdurusa niya sa kamatayan. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa atin, niloob niyang si Jesus ay makaranas ng kamatayan para sa lahat.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.