Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 20

Panalangin Upang Magtagumpay

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

20 Pakinggan ka sana ni Yahweh kapag ika'y nagdurusa!
    At ang Diyos ni Jacob ingatan ka sana.
Mula sa Templo, ikaw sana'y kanyang tulungan,
    at mula sa Zion, ikaw ay kanyang alalayan.
Ang handog mo nawa ay kanyang tanggapin,
    at pahalagahan niya ang lahat ng iyong haing susunugin. (Selah)[a]
Nawa'y ipagkaloob niya ang iyong hangarin,
    at sa iyong mga plano, ika'y pagtagumpayin.
Sa pagtatagumpay mo kami ay magbubunyi,
    magpupuri sa Diyos sa aming pagdiriwang.
Ibigay nawa ni Yahweh ang lahat mong kahilingan.

Ngayon ko nalalaman na si Yahweh ang nagbigay, sa pinili niyang hari, ng kanyang tagumpay!
    Siya'y tinutugon niya mula sa kalangitan,
    mga dakilang tagumpay kanyang makakamtan.
Mayroong umaasa sa karwaheng pandigma,
    at mayroon ding sa kabayo nagtitiwala;
    ngunit sa kapangyarihan ni Yahweh na aming Diyos, nananalig kami at umaasang lubos.
Sila'y manghihina at tuluyang babagsak,
    ngunit tayo'y tatayo at mananatiling matatag.

O Yahweh, ang hari'y iyong pagtagumpayin;
    ang aming panawagan, ay iyong sagutin.

Mga Bilang 6:22-27

Ang Pagbebendisyon ng mga Pari

22 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 23 “Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak na ang mga salitang ito ang bibigkasin nila sa pagbabasbas nila sa mga Israelita:

24 Pagpalain ka nawa at ingatan ni Yahweh;
25 kahabagan ka nawa at subaybayan ni Yahweh;
26 lingapin ka nawa at bigyan ng kapayapaan ni Yahweh.

27 “Ganito nila babanggitin ang pangalan ko sa pagbabasbas sa mga Israelita at tiyak ngang pagpapalain ko sila.”

Marcos 4:21-25

Walang Lihim na Hindi Mabubunyag(A)

21 Nagpatuloy(B) si Jesus ng pagsasalita. Sinabi niya, “Sinisindihan ba ang ilawan upang itago sa ilalim ng takalan,[a] o kaya'y sa ilalim ng higaan? Hindi ba't kapag nasindihan na ay inilalagay ito sa talagang patungan ng ilaw? 22 Walang(C) natatagong di malalantad, at walang lihim na di mabubunyag. 23 Makinig ang may pandinig!”

24 Idinugtong(D) pa niya, “Unawain ninyong mabuti ang inyong naririnig.[b] Ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo, at higit pa roon. 25 Sapagkat(E) ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.