Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 138

Panalangin ng Pagpapasalamat

Katha ni David.

138 Yahweh, ako'y buong pusong aawit ng pasalamat,
    sa harap ng ibang diyos, pupurihin kitang ganap.
Sa harap ng iyong templo ay yuyukod at gagalang,
    pupurihin kita roon, pupurihin ang iyong ngalan;
dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
    ika'y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
    sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.

Dahilan sa pangako mong narinig ng mga hari,
    pupurihin ka ng lahat at ika'y ipagbubunyi;
ang lahat ng ginawa mo ay kanilang aawitin,
    at ang kadakilaan mo ay kanilang sasambitin.
Kung ang Diyos mang si Yahweh ay dakila at mataas,
    hindi niya nililimot ang abâ at mahihirap;
    kumubli ma'y kita niya ang hambog at ang pasikat.
Kahit ako'y nagdaranas ng maraming suliranin,
    ako'y walang agam-agam, panatag sa iyong piling.
Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway,
    ligtas ako sa piling mo, sa lakas na iyong taglay.
O Diyos, mga pangako mo'y tinutupad mo ngang lahat,
    ang dahilan nito, Yahweh, pag-ibig mo'y di kukupas,
    at ang mga sinimulang gawain mo'y magaganap.

1 Samuel 4

Nalupig ang Israel

Dumating ang araw na nakipagdigmaan ang mga Israelita laban sa mga Filisteo. Sa Ebenezer nagkampo ang mga Israelita at sa Afec naman ang mga Filisteo. Sumalakay ang mga Filisteo, at pagkalipas ng isang matinding labanan ay natalo nila ang mga Israelita; sila'y nakapatay ng halos apatnalibong kawal ng Israel. Nang makabalik na ang mga nakaligtas sa kanilang kampo, nagtanungan ang matatandang namumuno sa Israel, “Bakit kaya pinabayaan ni Yahweh na matalo tayo ng mga Filisteo ngayon? Ang mabuti pa'y kunin natin sa Shilo ang Kaban ng Tipan upang samahan tayo ni Yahweh. Siguro kung nasa atin iyon ay ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway.” At(A) kinuha nga nila sa Shilo ang Kaban ng Tipan, na kung saan si Yahweh ay nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin. Sumama sa kanila ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas.

Napasigaw sa tuwa ang mga Israelita nang dalhin sa kanilang kampo ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. Halos nayanig ang lupa sa lakas ng kanilang sigawan. Nang marinig ito ng mga Filisteo, itinanong nila, “Bakit kaya napakaingay sa kampo ng mga Hebreo?”

Nang malaman nilang nasa kampo ng mga Israelita ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, natakot sila. Sinabi nila, “May dumating na mga diyos sa kampo ng mga Israelita. Nanganganib tayo ngayon! Ngayon lamang nangyari ito sa atin! Kawawa tayo! Sino ngayon ang makakapagligtas sa atin sa mga makapangyarihan nilang diyos? Ito ang mga diyos na nagpahirap sa mga Egipcio sa pamamagitan ng iba't ibang salot. Mga kababayan, lakasan natin ang ating loob. Magpakalalaki tayo upang hindi tayo matalo at maalipin ng mga Hebreo, tulad ng pang-aalipin natin sa kanila. Lumaban tayo!”

10 Lumaban nga ang mga Filisteo at ang mga Israelita ay natalo na naman. Ang napatay sa kanila ay 30,000 at nagkanya-kanyang takas pauwi ang mga natira. 11 Nakuha ng mga Filisteo ang Kaban ng Diyos, at kanilang pinatay ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas.

Ang Pagkamatay ni Eli

12 Nang araw ring iyon, isang Benjaminita ang patakbong dumating sa Shilo mula sa labanan. Bilang tanda ng kalungkutan, pinunit niya ang kanyang damit at nilagyan niya ng lupa ang kanyang ulo. 13 Si Eli ay nakaupo noon sa kanyang upuan sa tabing daan, nakatanaw sa malayo at naghihintay ng balita. Nag-aalala siya dahil sa Kaban ng Diyos. At nang ibalita ng Benjaminita ang nangyari, nag-iyakan ang lahat ng taga-lunsod ng Shilo. 14 Narinig ito ni Eli at itinanong niya, “Bakit nag-iiyakan ang mga tao?”

Lumapit kay Eli ang Benjaminita at ibinalita ang nangyari. 15 Noon ay siyamnapu't walong taon na si Eli at hindi na siya nakakakita. 16 Sinabi ng Benjaminita kay Eli, “Ako po'y galing sa labanan. Mabuti na lang po at nakatakas ako.”

“Kumusta naman ang labanan, anak?” tanong ni Eli.

17 Sumagot ang lalaki, “Natalo po ang mga Israelita, at napakarami pong namatay, kabilang ang inyong mga anak na sina Hofni at Finehas. At ang Kaban po ng Diyos ay kanilang naagaw.”

18 Nang marinig ni Eli ang tungkol sa Kaban ng Diyos, siya'y nabuwal sa may pintuan. Nabali ang kanyang leeg sapagkat siya'y mabigat at matanda na. Namatay si Eli pagkatapos ng apatnapung taóng pamamahala sa Israel.

Namatay ang Asawa ni Finehas

19 Kabuwanan noon ng asawa ni Finehas. Nang malaman niyang nakuha ang Kaban ng Diyos, namatay ang kanyang biyenan, at napatay ang kanyang asawa, biglang sumakit ang kanyang tiyan at napaanak nang di oras. 20 Malubha ang kanyang kalagayan. Sinabi ng mga hilot sa kanya, “Lakasan mo ang iyong loob, lalaki ang anak mo.” Ngunit hindi siya umimik.

21 Ang bata ay pinangalanan niyang Icabod[a] na ang kahuluga'y “Umalis na ang kaluwalhatian ng Diyos sa Israel.” Ang tinutukoy niya'y ang pagkakuha sa Kaban ng Diyos at iniisip niya ang pagkamatay ng kanyang biyenan at ng kanyang asawa. 22 Inulit niya, “Ang kaluwalhatian ng Diyos ay wala na sa Israel sapagkat ang Kaban ng Diyos ay nakuha ng mga Filisteo.”

1 Pedro 4:7-19

Ang Mabuting Pangangasiwa sa mga Kaloob ng Diyos

Malapit na ang wakas ng lahat ng bagay, kaya't maging mapagtimpi kayo at panatilihing malinaw ang inyong pag-iisip upang kayo'y makapanalangin. Higit(A) sa lahat, magmahalan kayo nang tapat, sapagkat ang pagmamahal ay pumapawi ng maraming kasalanan. Buksan ninyo para sa isa't isa ang inyong mga tahanan at gawin ninyo ito nang hindi mabigat sa loob. 10 Bilang mabubuting katiwala ng iba't ibang kaloob ng Diyos, gamitin ninyo sa kapakinabangan ng lahat ang kakayahang tinanggap ng bawat isa sa inyo. 11 Ang nangangaral ay dapat salita ng Diyos ang ipangaral. Ang naglilingkod ay dapat maglingkod gamit ang lakas na kaloob sa iyo ng Diyos upang sa lahat ng bagay siya'y papurihan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kapangyarihan at karangalan magpakailanman! Amen.

Ang Pagtitiis ng Cristiano

12 Mga minamahal, huwag na kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na inyong dinaranas na para bang ito'y di pangkaraniwan. 13 Sa halip, magalak kayo sa inyong pakikibahagi sa mga paghihirap ni Cristo upang maging lubos ang inyong kagalakan kapag nahayag na ang kanyang kaluwalhatian. 14 Pinagpala kayo kung kayo'y kinukutya dahil kay Cristo, sapagkat sumasainyo ang Espiritu ng kaluwalhatian, ang Espiritu ng Diyos. 15 Huwag nawang mangyaring magdusa ang sinuman sa inyo dahil siya'y mamamatay-tao, magnanakaw, salarin o pakialamero. 16 Ngunit kung kayo'y magdusa dahil sa pagiging Cristiano, huwag ninyong ikahiya ito; sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos sapagkat taglay ninyo ang pangalan ni Cristo.

17 Dumating na ang panahon ng paghuhukom, at ito'y magsisimula sa sambahayan ng Diyos. At kung sa atin ito magsisimula, ano kaya ang magiging wakas ng mga hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Diyos? 18 Tulad(B) ng sinasabi ng kasulatan,

“Kung ang taong matuwid ay napakahirap maligtas,
    ano kaya ang kahihinatnan ng mga makasalanan at hindi kumikilala sa Diyos?”

19 Kaya nga, ang mga nagdurusa ayon sa kalooban ng Diyos ay dapat magtiwala sa Lumikha, at magpatuloy sa paggawa ng mabuti. Ang Diyos ay laging tapat sa kanyang pangako.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.