Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 48

Zion, ang Bayan ng Diyos

Awit na katha ng angkan ni Korah.

48 Dakila si Yahweh, dapat papurihan, sa lunsod ng Diyos, bundok niyang banal.
Ang(A) Bundok ng Zion, tahanan ng Diyos ay dakong mataas na nakalulugod;
bundok sa hilaga na galak ang dulot, sa lahat ng bansa nitong sansinukob.
Sa piling ng Diyos ligtas ang sinuman,
    sa loob ng muog ng banal na bayan.

Itong mga hari ay nagtipun-tipon,
    upang sumalakay sa Bundok ng Zion.
Sila ay nagulat nang ito'y mamasdan,
    pawang nagsitakas at nahintakutan.
Ang nakakatulad ng pangamba nila
    ay pagluluwal ng butihing ina.
Tulad ng malaking barkong naglalayag, sa hanging silangan dagling nawawasak.

Sa banal na lunsod ay aming namasid
    ang kanyang ginawa na aming narinig;
    ang Diyos na si Yahweh, Makapangyarihan,
siyang mag-iingat sa lunsod na banal, iingatan niya magpakailanman. (Selah)[a]

Sa loob ng iyong templo, aming Diyos,
    nagunita namin pag-ibig mong lubos.
10 Ika'y pinupuri ng lahat saanman,
    sa buong daigdig ang dakila'y ikaw,
at kung mamahala ay makatarungan.
11     Kayong taga-Zion, dapat na magalak!
At ang buong Juda'y magdiwang na lahat,
    dahilan kay Yahweh sa hatol niyang tumpak.

12 Ang buong palibot ng Zion, lakarin, ang lahat ng tore doon ay bilangin;
13     ang nakapaligid na pader pansinin, mga muog nito'y inyong siyasatin;
upang sa susunod na lahi'y isaysay,
14     na ang Diyos, ay Diyos natin kailanman,
    sa buong panahon siya ang patnubay.

2 Samuel 2:1-11

Si David ay Naging Hari ng Juda

Pagkaraan ng lahat ng ito, sumangguni si David kay Yahweh. “Pupunta po ba ako sa isa sa mga lunsod ng Juda?” tanong niya.

“Lumakad ka,” sagot sa kanya ni Yahweh.

“Saan pong lunsod?” tanong ni David.

“Sa Hebron,” sagot ni Yahweh. Kaya't(A) lumakad si David kasama ang dalawa niyang asawa, sina Ahinoam na Jezreelita, at si Abigail, ang biyuda ni Nabal na taga-Carmel. Isinama rin ni David ang kanyang mga tauhan pati ang kani-kanilang pamilya. Dumating(B) sa Hebron ang mga taga-Juda at binuhusan nila ng langis si David bilang hari ng Juda.

Nang sabihin nila kay David, “Ang mga taga-Jabes-gilead ang naglibing kay Saul,” nagpadala siya ng mga tauhan sa mga taong iyon dala ang pagbating, “Nawa'y pagpalain kayo ni Yahweh sa kagandahang-loob at kabutihang ginawa ninyo sa panginoon ninyong si Saul, nang siya'y inyong ilibing. Kamtan nawa ninyo ang pag-ibig at katapatan ni Yahweh, at ako nama'y handang gumanti sa inyong kabutihang ginawa. Maging matatag at matapang kayo. Patay na ang inyong haring si Saul at ginawa na akong hari ng mga taga-Juda.”

Ginawang Hari ng Israel si Isboset

Samantala, si Isboset[a] na anak ni Saul ay kinuha ni Abner na anak ni Ner, pinuno ng hukbo ni Saul. Siya'y dinala sa Mahanaim, sa kabilang ibayo ng Jordan. Doo'y ginawang hari ni Abner si Isboset upang mamuno sa Gilead, sa mga Asureo, sa Jezreel, sa Efraim, sa Benjamin at sa buong Israel. 10 Si Isboset na anak ni Saul ay apatnapung taon noon at dalawang taóng naghari sa Israel, ngunit si David ang kinilalang hari ng lipi ni Juda. 11 Naghari si David roon sa loob ng pito't kalahating taon habang siya'y nanirahan sa Hebron.

1 Corinto 4:8-13

Kayo pala'y nasisiyahan na! Mayayaman na pala kayo! Kayo pala'y mga hari na, at kami'y hindi. Sana nga'y naging hari na kayo upang kami man ay maghari ding kasama ninyo. Sa palagay ko, kaming mga apostol ang ginawa ng Diyos na pinakahamak sa lahat ng tao. Ang katulad namin ay mga taong nahatulan ng kamatayan; isang panoorin para sa sanlibutan, ng mga anghel at ng mga tao. 10 Kami'y mga hangal alang-alang kay Cristo; kayo nama'y marurunong dahil kay Cristo! Mahihina kami; kayo nama'y malalakas. Hinahamak kami; kayo nama'y pinaparangalan! 11 Hanggang sa oras na ito, kami'y nagugutom, nauuhaw, at halos hubad; kami'y pinapahirapan at walang matirhan. 12 Nagpapakahirap(A) kami at nagbabanat ng buto para kumita ng ikabubuhay. Idinadalangin namin ang mga lumalait sa amin; kapag kami'y inuusig, nagtitiis kami. 13 Kapag kami'y sinisiraan, mahinahon kaming sumasagot. Hanggang ngayon, kami'y parang maruming basahan, pinakahamak sa lahat ng tao sa mundo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.