Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 51:1-12

Panalangin ng Paghingi ng Kapatawaran

Awit(A) na katha ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang siya ay pagwikaan ni Propeta Natan tungkol kay Batsheba.

51 Ako'y kaawaan, O mahal kong Diyos,
    sang-ayon sa iyong kagandahang-loob;
mga kasalanan ko'y iyong pawiin,
    ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan,
    at patawarin mo'ng aking kasalanan!

Mga pagkakasala ko'y kinikilala,
    di ko malilimutan, laging alaala.
Sa(B) iyo lang ako nagkasalang tunay,
    at ang ginawa ko'y di mo kinalugdan;
kaya may katuwiran ka na ako'y hatulan,
    marapat na ako'y iyong parusahan.
Ako'y masama na buhat nang isilang,
    makasalanan na nang ako'y iluwal.

Nais mo sa aki'y isang pusong tapat;
    puspusin mo ako ng dunong mong wagas.
Ako ay linisin, sala ko'y hugasan
    at ako'y puputi nang lubus-lubusan.
Sa galak at tuwa ako ay puspusin;
    butong nanghihina'y muling palakasin.
Ang kasalanan ko'y iyo nang limutin,
    lahat kong nagawang masama'y pawiin.

10 Isang pusong tapat sa aki'y likhain,
    bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
11 Sa iyong harapa'y huwag akong alisin;
    iyong banal na Espiritu'y paghariin.
12 Ang galak na dulot ng iyong pagliligtas,
    ibalik at ako po'y gawin mong tapat.

Mga Hukom 6:1-10

Si Gideon

Muling gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh ang mga Israelita, kaya sila'y hinayaan niyang masakop ng mga Midianita sa loob ng pitong taon. Higit na makapangyarihan ang mga Midianita kaysa sa mga Israelita. Kaya't ang mga Israelita ay nagsipagtago sa mga kuweba at sa mga kabundukan. Tuwing magtatanim ang mga Israelita sa kanilang mga bukirin, sinasalakay sila ng mga Midianita, Amalekita, at iba pang mga lipi galing sa disyerto. Nagkakampo ang mga ito sa lupain at sinisira ang mga pananim doon hanggang sa may Gaza. Wala silang itinitirang anuman na maaaring pakinabangan ng mga Israelita sapagkat kinukuha nilang lahat pati ang mga tupa, baka at asno. Dumarating silang parang makapal na balang kasama ang kanilang mga baka, tolda at mga kamelyong hindi mabilang sa dami, at sinisira ang lupain. Walang magawâ ang mga Israelita, kaya humingi sila ng tulong kay Yahweh.

Nang marinig ni Yahweh ang pagdaing ng mga Israelita dahil sa pagpapahirap ng mga Midianita, sila'y pinadalhan niya ng propeta at ipinasabi ang ganito: “Inilabas ko kayo sa Egipto. Iniligtas ko kayo sa kanilang pang-aalipin, at sa lahat ng inyong kaaway. Natalo ninyo sila at ibinigay sa inyo ang kanilang lupain. 10 Sinabi ko na sa inyo na ako si Yahweh na inyong Diyos at hindi kayo dapat sumamba sa mga diyos ng mga Amoreo, sa lupaing inyong tinitirhan ngayon. Ngunit hindi kayo nakinig sa akin.”

Mateo 16:5-12

Ang Pampaalsang Ginagamit ng mga Pariseo at mga Saduseo(A)

Nang tumawid sa ibayo ang mga alagad, nakalimutan nilang magdala ng tinapay. Sinabi(B) ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang kinakalat ng mga Pariseo at mga Saduseo.”

Nag-usap-usap ang mga alagad, “Wala kasi tayong dalang tinapay, kaya sinabi niya iyon.”

Alam ni Jesus ang pinag-uusapan nila kaya't sila'y tinanong, “Bakit ninyo pinag-uusapang wala kayong dalang tinapay? Napakaliit ng inyong pananampalataya! Hindi(C) pa ba ninyo nauunawaan hanggang ngayon? Nakalimutan na ba ninyo ang limang tinapay na pinaghati-hati para sa limanlibong tao? Ilang kaing na tinapay ang lumabis? 10 Gayundin(D) ang pitong tinapay para sa apat na libo. Ilang kaing na tinapay ang lumabis? 11 Hindi tungkol sa tinapay ang sinasabi ko nang sabihin ko sa inyong mag-ingat kayo sa pampaalsang kinakalat ng mga Pariseo at mga Saduseo! Hindi ba ninyo maunawaan ito?” 12 At naunawaan nila na sila'y pinag-iingat niya sa mga katuruan ng mga Pariseo at mga Saduseo, at hindi sa pampaalsang ginagamit sa tinapay.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.