Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Samuel 5:1-5

Naghari si David sa Israel at Juda(A)

Nagkaisa ang lahat ng lipi ng Israel na pumunta sa Hebron upang makipagkita kay David. Sinabi nila, “Kami'y laman ng iyong laman at dugo ng iyong dugo. Nang si Saul pa ang hari namin, pinangunahan mo ang mga kawal ng Israel sa pakikipagdigma. Ipinangako sa iyo ni Yahweh na ikaw ang magiging pastor ng Israel at ikaw ang mamumuno sa kanyang bayan.” Lahat ng pinuno ng Israel ay nagpunta nga sa Hebron at doo'y nakipagkasundo sa kanya sa harapan ni Yahweh. Binuhusan nila ng langis si David at kinilalang hari sa Israel. Tatlumpung(B) taon na noon si David nang siya'y magsimulang maghari, at naghari siya sa loob ng apatnapung taon. Sa Hebron, pitong taon at kalahati siyang namuno sa Juda. Sa Jerusalem naman ay tatlumpu't tatlong taon siyang naghari sa buong Israel at Juda.

2 Samuel 5:9-10

Doon tumira si David sa kuta at tinawag na Lunsod ni David. Pinalawak niya ang lunsod mula sa Millo sa gawing silangan ng burol. 10 Habang tumatagal ay lalong nagiging makapangyarihan si David sapagkat sumasakanya si Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat.

Mga Awit 48

Zion, ang Bayan ng Diyos

Awit na katha ng angkan ni Korah.

48 Dakila si Yahweh, dapat papurihan, sa lunsod ng Diyos, bundok niyang banal.
Ang(A) Bundok ng Zion, tahanan ng Diyos ay dakong mataas na nakalulugod;
bundok sa hilaga na galak ang dulot, sa lahat ng bansa nitong sansinukob.
Sa piling ng Diyos ligtas ang sinuman,
    sa loob ng muog ng banal na bayan.

Itong mga hari ay nagtipun-tipon,
    upang sumalakay sa Bundok ng Zion.
Sila ay nagulat nang ito'y mamasdan,
    pawang nagsitakas at nahintakutan.
Ang nakakatulad ng pangamba nila
    ay pagluluwal ng butihing ina.
Tulad ng malaking barkong naglalayag, sa hanging silangan dagling nawawasak.

Sa banal na lunsod ay aming namasid
    ang kanyang ginawa na aming narinig;
    ang Diyos na si Yahweh, Makapangyarihan,
siyang mag-iingat sa lunsod na banal, iingatan niya magpakailanman. (Selah)[a]

Sa loob ng iyong templo, aming Diyos,
    nagunita namin pag-ibig mong lubos.
10 Ika'y pinupuri ng lahat saanman,
    sa buong daigdig ang dakila'y ikaw,
at kung mamahala ay makatarungan.
11     Kayong taga-Zion, dapat na magalak!
At ang buong Juda'y magdiwang na lahat,
    dahilan kay Yahweh sa hatol niyang tumpak.

12 Ang buong palibot ng Zion, lakarin, ang lahat ng tore doon ay bilangin;
13     ang nakapaligid na pader pansinin, mga muog nito'y inyong siyasatin;
upang sa susunod na lahi'y isaysay,
14     na ang Diyos, ay Diyos natin kailanman,
    sa buong panahon siya ang patnubay.

2 Corinto 12:2-10

May kilala akong isang Cristiano na dinala sa ikatlong langit, labing-apat na taon na ang nakakalipas. Hindi ko lang matiyak kung iyo'y isang pangitain lamang, o tunay na pangyayari; ang Diyos lamang ang nakakaalam. Alam kong ang taong iyon ay dinala sa Paraiso. Hindi ko lang alam kung iyon ay isang pangitain o tunay na pangyayari. Tanging Diyos ang nakakaalam. Nakarinig siya ng mga bagay na hindi kayang ilarawan ng salita at hindi maaaring sabihin ninuman. Ipagmamalaki ko ang taong iyon, at hindi ang aking sarili, maliban sa aking mga kahinaan. At kung ako'y magmalaki man, hindi ako lalabas na hangal, sapagkat totoo ang sasabihin ko. Ngunit hindi ko ito gagawin, sapagkat ayaw kong mag-isip ang sinuman nang higit tungkol sa akin kaysa kanyang nakita o narinig sa akin. Ngunit upang hindi ako magyabang sa dami ng kamangha-manghang mga bagay na nasaksihan ko, ako'y binigyan ng pahirap sa aking katawan na nagsisilbing sugo ni Satanas upang pahirapan ako, at nang sa gayo'y hindi ako maging palalo. Tatlong beses kong idinalangin sa Panginoon na alisin ito, ngunit ganito ang kanyang sagot, “Ang kagandahang-loob ko ay sapat na para sa iyo, sapagkat lubusang nahahayag ang aking kapangyarihan kapag ikaw ay mahina.” Kaya't buong galak kong ipagmamalaki ang aking mga kahinaan upang manatili sa akin ang kapangyarihan ni Cristo. 10 Alang-alang kay Cristo, ako'y may kasiyahan sa gitna ng mga kahinaan, mga pagkutya, mga kahirapan, pag-uusig at kagipitan. Sapagkat kapag ako ay mahina, doon ako nagiging malakas.

Marcos 6:1-13

Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(A)

Umalis doon si Jesus at umuwi siya sa sariling bayan kasama ang kanyang mga alagad. Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay nagturo sa sinagoga. Maraming tao ang nakarinig sa kanya at sa kanilang pagkamangha'y nagtanungan sila, “Saan niya natutunan ang lahat ng iyan? Anong karunungan itong ipinagkaloob sa kanya? Paano siya nakakagawa ng mga himala? Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria,[a] at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Tagarito rin ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” Kaya hindi sila naniwala sa kanya.

Dahil(B) dito, sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta'y iginagalang ng lahat, maliban ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at ng kanyang pamilya.” Hindi siya nakagawa ng himala roon, maliban sa ilang maysakit na pinatungan niya ng kanyang kamay at pinagaling. Namangha siya dahil ayaw nilang maniwala sa kanya.

Isinugo ni Jesus ang Labindalawa(C)

Nilibot ni Jesus ang mga nayon sa paligid at tinuruan niya ang mga tagaroon. Tinawag niya ang Labindalawa at isinugo sila nang dala-dalawa. Sila ay binigyan niya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, at(D) pinagbilinang, “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Huwag kayong magdala ng pagkain, ng balutan o ng pera. Magsuot kayo ng sandalyas ngunit huwag kayong magdala ng bihisan.”

10 Sinabi rin niya sa kanila, “Kapag kayo ay pinatuloy sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa inyong pag-alis sa bayang iyon. 11 Kung(E) ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa, bilang babala sa mga tagaroon.”

12 Humayo nga ang Labindalawa at nangaral na ang mga tao ay dapat magsisi at tumalikod sa kanilang mga kasalanan. 13 Pinalayas(F) nila ang mga demonyo mula sa mga sinasapian ng mga ito; pinahiran nila ng langis ang maraming maysakit at pinagaling ang mga ito.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.