Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 130

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

130 Sa gitna ng paghihirap, kay Yahweh ay dumalangin.
Panginoon, ako'y dinggin kapag ako'y tumataghoy,
    dinggin mo ang pagtawag ko't paghingi ng iyong tulong.
Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan,
    lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan.
Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot,
    pinatawad mo nga kami upang sa iyo ay matakot.

Sabik akong naghihintay, O Yahweh, sa iyong tugon,
    pagkat ako'y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
Yaring aking pananabik, Panginoon, ay higit pa
    sa bantay na naghihintay ng pagsapit ng umaga.

Magtiwala ka, Israel, magtiwala ka kay Yahweh,
    matatag at di kukupas ang pag-ibig niyang dulot,
    lagi siyang nakahandang sa sinuman ay tumubos.
Ililigtas(A) ang Israel, bansang kanyang minamahal,
    ililigtas niya sila sa kanilang kasalanan.

1 Samuel 20:1-25

Ang Sumpaan nina David at Jonatan

20 Si David ay tumakas sa Nayot ng Rama at nakipagkita kay Jonatan. Itinanong niya rito, “Ano ba ang nagawa kong masama? Ano ba ang kasalanan ko at nais akong patayin ng iyong ama?”

Sumagot si Jonatan, “Hindi totoo iyan. Hindi ka na niya papatayin. Anumang balak niya ay sinasabi sa akin bago niya isagawa, at wala siyang nabanggit tungkol sa sinasabi mo. Kaya hindi ako naniniwalang gagawin niya iyon.”

Sinabi ni David, “Hindi lamang niya sinasabi sa iyo sapagkat alam niyang magdaramdam ka dahil matalik tayong magkaibigan. Ngunit saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] alam ko ring ako'y nakabingit sa kamatayan.”

Sinabi naman ni Jonatan, “Sabihin mo kung ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo.”

Sumagot(A) siya, “Bukas ay Pista ng Bagong Buwan, at dapat akong kumaing kasalo ng hari. Ngunit magtatago ako sa bukid hanggang sa ikatlong araw. Kapag hinanap niya ako, sabihin mong nagpaalam ako sa iyo dahil ang pamilya namin ay may taunang paghahandog ngayon sa Bethlehem. Kapag hindi siya nagalit, wala nga siyang masamang balak laban sa akin. Ngunit kapag nagalit siya, nais nga niya akong patayin. Hinihiling ko sa iyong tapatin mo ako alang-alang sa ating sumpaan sa harapan ni Yahweh. Kung may nagawa akong kasalanan, ikaw na ang pumatay sa akin! Huwag mo na akong iharap sa hari.”

Sinabi ni Jonatan, “Hindi mangyayari iyon! Sasabihin ko kung may masamang balak sa iyo ang aking ama.”

10 Itinanong ni David, “Paano ko malalaman kung masama ang kanyang sagot?”

11 Sumagot si Jonatan, “Sumama ka sa akin sa bukid.”

12 Pagdating doon, sinabi ni Jonatan, “Naririnig ako ni Yahweh. Bukas o sa makalawa, sa ganito ring oras, kakausapin ko ang aking ama at malalaman ko kung galit pa nga siya sa iyo. 13 Kung galit, ipapaalam ko sa iyo para makalayo ka. Parusahan ako ni Yahweh kapag hindi ko ginawa ito. Patnubayan ka nawa ni Yahweh tulad ng pagpatnubay niya sa aking ama. 14 Kung buháy pa ako sa araw na iyon, huwag mong kakalimutan ang ating pangako sa isa't isa. 15 Kung(B) ako nama'y patay na, huwag mo sanang pababayaan ang aking sambahayan. Kung dumating ang araw na lipulin na ni Yahweh ang iyong mga kaaway, 16 huwag ka sanang sisira sa ating pangako. Parusahan sana ni Yahweh ang mga kaaway ni David.”

17 Hiniling ni Jonatan na muling mangako si David na sila'y magiging tapat sa isa't isa. Minahal siya ni Jonatan tulad ng pagmamahal nito sa sarili. 18 At sinabi ni Jonatan kay David, “Bukas ay Pista ng Bagong Buwan; tiyak na hahanapin ka kapag wala ka sa iyong upuan. 19 Sa makalawa, magtago kang muli sa pinagtataguan mo noon, sa tabi ng malaking bunton ng bato. 20 Kunwari ay may pinapana ako roon. Tatlong beses akong tutudla sa tabi ng taguan mo. 21 Pagkatapos, ipapahanap ko iyon sa isa kong utusan. Kapag narinig mong sinabi ko, ‘Nasa gawi rito ang mga palaso,’ lumabas ka sa pinagtataguan mo. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[b] tiyak na wala nang panganib. 22 Ngunit kapag sinabi kong, ‘Nasa gawi pa roon,’ tumakas ka na sapagkat iyon ang nais ni Yahweh. 23 At tungkol naman sa ating pangako sa isa't isa, si Yahweh ang ating saksi.”

24 Nagtago nga si David sa lugar na pinag-usapan nila ni Jonatan. Nang dumating ang Pista ng Bagong Buwan, dumulog sa hapag si Haring Saul at naupo 25 sa dati niyang upuan, sa tabi ng dingding. Katapat niya si Jonatan at katabi naman si Abner, ngunit si David ay wala sa kanyang upuan.

2 Corinto 8:1-7

Paano Dapat Magbigay ang Isang Cristiano?

Mga(A) kapatid, nais naming malaman ninyo ang ipinakitang kagandahang-loob ng Diyos sa mga iglesya sa Macedonia. Dumanas sila ng matinding kahirapan at ito'y isang mahigpit na pagsubok sa kanila. Ngunit sa kabila ng kanilang paghihikahos, masayang-masaya pa rin sila at bukás ang palad sa pagbibigay. Sila'y kusang-loob na nagbigay, hindi lamang sa abot ng kanilang kaya, kundi higit pa. Alam ko ito sapagkat mahigpit nilang ipinakiusap sa amin na sila'y bigyan ng pagkakataong makatulong sa mga kapatid na nangangailangan, at higit pa sa inaasahan namin. Ibinigay nila ang kanilang sarili, una sa Panginoon, at pagkatapos ay sa amin, ayon sa kalooban ng Diyos. Kaya't pinakiusapan namin si Tito, dahil siya ang nagsimula ng gawaing ito, na kayo'y tulungan niya hanggang sa malubos ang pagkakawanggawa ninyong ito. Masagana kayo sa lahat ng bagay: sa pananampalataya, sa pagpapahayag, sa kaalaman, sa kasipagan, at sa inyong pag-ibig sa amin.[a] Sikapin ninyong maging masagana rin sa pagkakawanggawang ito.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.