Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 51

Panalangin ng Paghingi ng Kapatawaran

Awit(A) na katha ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang siya ay pagwikaan ni Propeta Natan tungkol kay Batsheba.

51 Ako'y kaawaan, O mahal kong Diyos,
    sang-ayon sa iyong kagandahang-loob;
mga kasalanan ko'y iyong pawiin,
    ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan,
    at patawarin mo'ng aking kasalanan!

Mga pagkakasala ko'y kinikilala,
    di ko malilimutan, laging alaala.
Sa(B) iyo lang ako nagkasalang tunay,
    at ang ginawa ko'y di mo kinalugdan;
kaya may katuwiran ka na ako'y hatulan,
    marapat na ako'y iyong parusahan.
Ako'y masama na buhat nang isilang,
    makasalanan na nang ako'y iluwal.

Nais mo sa aki'y isang pusong tapat;
    puspusin mo ako ng dunong mong wagas.
Ako ay linisin, sala ko'y hugasan
    at ako'y puputi nang lubus-lubusan.
Sa galak at tuwa ako ay puspusin;
    butong nanghihina'y muling palakasin.
Ang kasalanan ko'y iyo nang limutin,
    lahat kong nagawang masama'y pawiin.

10 Isang pusong tapat sa aki'y likhain,
    bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
11 Sa iyong harapa'y huwag akong alisin;
    iyong banal na Espiritu'y paghariin.
12 Ang galak na dulot ng iyong pagliligtas,
    ibalik at ako po'y gawin mong tapat.
13 Kung magkagayon na, aking tuturuang
    sa iyo lumapit ang makasalanan.

14 Ingatan mo ako, Tagapagligtas ko
    at aking ihahayag ang pagliligtas mo.
15 Tulungan mo akong makapagsalita,
    at pupurihin ka sa gitna ng madla.

16 Hindi mo na nais ang mga handog;
    di ka nalulugod, sa haing sinunog;
17 ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat
    ay ang pakumbaba't pusong mapagtapat.

18 Iyong kahabagan, O Diyos, ang Zion;
    at ang Jerusalem ay muling ibangon.
19 At kung magkagayon, ang handog na haing
    dala sa dambana, torong susunugin,
    malugod na ito'y iyong tatanggapin.

Isaias 58:1-12

Ang Tunay na Pagsamba

58 Sinabi ni Yahweh, “Sumigaw ka nang malakas na malakas;
    itaas mo ang iyong tinig gaya ng trumpeta.
Ang kasalanan ng bayan ko sa kanila'y ihayag.
Sinasangguni nila ako sa araw-araw,
    tinatanong nila ako kung paano sila mamumuhay.
Kung kumilos sila ay parang matuwid,
    at hindi sumusuway sa mga tuntuning ibinigay ng kanilang Diyos.
Humihingi sila sa akin ng matuwid na pasya;
    nais nila'y maging malapit sa Diyos.”

Tanong ng mga tao, “Bakit hindi mo pansin ang pag-aayuno namin?
    Bakit walang halaga sa iyo kung kami ma'y magpakumbaba?”
Sagot ni Yahweh, “Pansariling kapakanan pa rin ang pangunahing layunin ninyo sa pag-aayuno,
    at habang nag-aayuno'y patuloy ninyong inaapi ang mga manggagawa.
Ang pag-aayuno ninyo'y humahantong lamang sa karahasan,
    kayo'y nagkakagalit at naglalaban-laban.
Hindi tunay ang pag-aayunong ginagawa ninyo ngayon,
    kaya tiyak na hindi ko papakinggan, ang inyong mga dalangin sa akin.
Ganyan ba ang pag-aayunong aking kaluluguran?
    Iyan ba ang araw na talagang nagpapakumbaba ang mga tao?
Hinihiling ko ba na yumuko kayong tulad ng damong hinihipan ng hangin,
    o mahiga kayo sa sako at abo?
Pag-aayuno na ba ang tawag ninyo diyan,
    isang araw na nakalulugod kay Yahweh?

“Ganitong pag-aayuno ang gusto kong gawin ninyo:
    Palayain ninyo ang mga di-makatarungang ipinabilanggo;
    kalagin ninyo ang tanikala ng inyong mga inalipin.
Palayain ninyo ang mga inaapi,
    at baliin ang mga pamatok ng mga alipin.
Ang(A) mga nagugutom ay inyong pakainin,
    ang mga walang tirahan ay inyong patuluyin.
Ang mga walang maisuot ay inyong bigyan ng mga damit.
    At sa mga nangangailangang mga kamag-anak ay huwag kayong magkakait.
Kung magkagayon, sisikat ang liwanag sa inyo, at matutulad kayo sa bukang-liwayway,
    hindi magtatagal at manunumbalik ang inyong kalusugan.
Mahahayag sa inyong unahan ang mabubuti ninyong gawa,
    at sa inyong hulihan ay papatnubayan kayo ng kaluwalhatian ni Yahweh.
Sa araw na iyon, diringgin ni Yahweh ang inyong dalangin;
    kapag kayo'y humingi ng tulong, sasabihin niya, ‘Naririto ako.’

“Kapag itinakwil ninyo ang pang-aapi,
    maling pagbibintang at pagsisinungaling;
10 kapag ang nagugutom ay kusang-loob ninyong pakakainin,
    at tutulungan ang mahihirap,
sisikat ang liwanag sa inyong nasa kadiliman,
    at ang inyong kapanglawan ay magliliwanag gaya ng sa katanghaliang-tapat.
11 Patuloy kayong papatnubayan ni Yahweh
    at ibibigay ang pangangailangan sa gitna ng disyerto.
    Palalakasin niyang muli ang inyong mga buto.
At magiging tulad kayo ng isang hardin,
    na binubukalan ng masaganang tubig,
    o isang batis na hindi natutuyo.
12 Muli ninyong itatayo ang kutang gumuho,
    at itatatag ito sa dating pundasyon.
Makikilala kayo bilang tagapagtayo ng mga nawasak na pader,
    mga tagapagtatag ng bagong pamayanan.”

Mateo 18:1-7

Sino ang Pinakadakila?(A)

18 Nang(B) mga sandaling iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” Tumawag si Jesus ng isang bata, pinatayo sa gitna nila at(C) sinabi, “Tandaan ninyo: kapag hindi kayo nagbago at naging katulad ng mga bata, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit. Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit. Ang sinumang tumatanggap sa isang batang katulad nito alang-alang sa akin, ako ang kanyang tinatanggap.”

Mga Sanhi ng Pagkakasala(D)

“Mas mabuti pa sa isang tao ang siya'y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bato at ihulog sa kailaliman ng dagat kaysa siya'y maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananampalataya sa akin. Kahabag-habag ang daigdig sa dami ng mga tuksong nagiging sanhi ng pagkakasala! Hindi nga maiiwasan ang pagdating ng tukso, ngunit kakila-kilabot ang sasapitin ng taong pinanggagalingan nito.