Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Mapalad ang Mabuting Tao
112 Purihin si Yahweh!
Mapapalad ang tao na kay Yahweh ay gumagalang,
at taos-pusong sumusunod sa kanyang kautusan.
2 Ang kanyang lipi'y magiging dakila,
pati mga angkan ay may pagpapala.
3 Magiging sagana sa kanyang tahanan,
pagpapala niya'y walang katapusan.
4 Ang taong matuwid, may bait at habag,
kahit sa madilim taglay ay liwanag.
5 Ang mapagpautang nagiging mapalad,
kung sa hanapbuhay siya'y laging tapat.
6 Hindi mabibigo ang taong matuwid,
di malilimutan kahit isang saglit.
7 Masamang balita'y hindi nagigitla,
matatag ang puso't kay Yahweh'y tiwala.
8 Wala siyang takot, hindi nangangamba,
alam na babagsak ang kaaway niya.
9 Nagbibigay(A) sa mga nangangailangan,
pagiging mat'wid niya'y walang hanggan,
buong karangalang siya'y itataas.
10 Kung makita ito ng mga masama,
lumalayas silang mabagsik ang mukha;
pagkat ang pag-asa'y lubos nang nawala.
Kinubkob ang Jerusalem
29 Kawawa ang Jerusalem,
ang lunsod na himpilan ni David!
Hayaang dumaan ang taunang pagdiriwang ng mga kapistahan,
2 at pagkatapos ay wawasakin ko ang lunsod na tinatawag na “altar ng Diyos!”
Maririnig dito ang panaghoy at pagtangis,
ang buong lunsod ay magiging parang altar na tigmak ng dugo.
3 Kukubkubin kita,
at magtatayo ako ng mga kuta sa paligid mo.
4 Dahil dito, ikaw ay daraing mula sa lupa,
maririnig mo ang iyong tinig na nakakapangilabot,
nakakatakot na parang tinig ng isang multo,
at parang bulong mula sa alabok.
5 Ngunit ang lulusob sa iyo ay liliparin na parang abo,
parang ipang tatangayin ng hangin ang nakakatakot nilang hukbo.
6 Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay biglang magpapadala
ng dumadagundong na kulog, lindol,
buhawi, at naglalagablab na apoy upang iligtas ka.
7 Ang lahat ng bansang kumalaban sa Jerusalem,
ang kanilang mga sandata at kagamitan,
ay maglalahong parang isang panaginip, parang isang pangitain sa gabi.
8 Parang isang taong gutom na nanaginip na kumakain,
at nagising na gutom pa rin;
o taong uhaw na nanaginip na umiinom,
ngunit uhaw na uhaw pa rin nang siya'y magising.
Gayon ang sasapitin,
ng lahat ng bansang lumalaban sa Jerusalem.
Bulag at Mapagmalaki ang Israel
9 Magwalang-bahala kayo at mag-asal mangmang,
bulagin ang sarili at nang hindi makakita!
Malasing kayo ngunit hindi sa alak,
sumuray kayo kahit hindi nakainom.
10 Sapagkat(A) pinadalhan kayo ni Yahweh
ng espiritu ng matinding antok;
tinakpan niya ang inyong mga mata, kayong mga propeta,
tinakpan din niya ang inyong mga ulo, kayong mga manghuhula.
11 Ang kahulugan ng lahat ng pangitaing ito ay parang aklat na nakasara. Kung ipababasa mo ito sa taong nakakaunawa, ang sasabihin niya'y, “Ayoko, hindi ko mababasa sapagkat nakasara.” 12 Kung ipababasa mo naman sa hindi marunong bumasa, ito ang isasagot sa iyo, “Hindi ako marunong bumasa.”
Ang Karunungang Mula sa Diyos
13 Sino(A) sa inyo ang marunong at nakakaunawa? Ipakita niya ito sa pamamagitan ng wastong pamumuhay na bunga ng kapakumbabaan at karunungan. 14 Ngunit kung ang naghahari sa inyong puso ay inggit at makasariling hangarin, huwag ninyo iyang ipagmalaki at huwag ninyong ikaila ang katotohanan. 15 Ang ganyang karunungan ay hindi galing sa langit, kundi makalupa, makalaman at mula sa demonyo. 16 Sapagkat saanman naghahari ang inggit at makasariling hangarin, naghahari din doon ang kaguluhan at lahat ng uri ng masamang gawa.
17 Ngunit ang karunungang mula sa langit, una sa lahat, ay malinis, mapayapa, maamo, mapagbigay, punô ng awa, masaganang namumunga ng mabubuting gawa, hindi nagtatangi at hindi nagkukunwari. 18 Namumunga ng katuwiran ang binhi ng kapayapaang itinatanim ng taong maibigin sa kapayapaan.
by