Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 119:1-8

Ang Kautusan ni Yahweh

(Alef)

119 [a] Mapalad ang mga taong malinis ang pamumuhay,
    kautusan ni Yahweh ang sinusunod araw-araw.
Mapalad ang sumusunod sa kanyang patakaran,
    buong pusong naghahanap sa kanyang kalooban;
ang gawain ay matuwid, namumuhay silang ganap,
    sa kanyang kalooban ay doon sila lumalakad.
Ibinigay mo nga sa amin ang iyong mga utos,
    upang buong pagsisikap na ito'y aming masunod.
Gayon ako umaasa, umaasang magiging tapat,
    susundin ang iyong utos, susundin nang buong ingat.
Kahihiyan ay hindi ko matitikman kailanpaman,
    kung ako ay susunod nang tapat sa iyong kautusan.
Ang matuwid mong tuntunin habang aking tinatarok,
    buong pusong magpupuri, pupurihin kitang lubos.
Ang lahat ng iyong utos ay sisikapin kong sundin,
    huwag mo akong iiwanan, huwag mo akong lilisanin.

Deuteronomio 30:1-9

Mga Kondisyon sa mga Pagpapala at Panunumbalik ng Bansa

30 “Naipahayag ko na sa inyo ang mga pagpapala at ang mga sumpa; piliin ninyo kung alin ang gusto ninyo. Kapag nangyari na sa inyo ang mga ito at naninirahan na kayo sa mga bansang bumihag sa inyo, maaalala ninyo ang bagay na ito. Kapag kayo at ang mga anak ninyo ay manunumbalik kay Yahweh upang buong puso't kaluluwang sundin ang kanyang mga utos na aking binabanggit sa inyo ngayon, kahahabagan niya kayo at ibabalik sa magandang kalagayan. Titipunin niya kayong muli mula sa mga bansang pinagtapunan sa inyo at muli kayong pasasaganain. Kahit saang sulok ng daigdig kayo mapatapon, muli niya kayong titipunin at ibabalik sa lupain ng inyong mga ninuno upang muli ninyong angkinin iyon. Kayo'y higit niyang pararamihin at pasasaganain kaysa inyong mga ninuno. Babaguhin niya at lilinisin ang inyong puso at gayundin ng inyong mga anak upang ibigin ninyo siya nang buong katapatan. Sa ganoon mabubuhay kayo nang matagal. At ang mga sumpang ito'y ipapataw ni Yahweh sa inyong mga kaaway na nagpahirap sa inyo. Muli ninyong papakinggan ang kanyang tinig at susundin ang kanyang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon. Pagpapalain niya ang lahat ng inyong gawain. Pararamihin niya ang inyong mga anak at mga hayop at pasasaganain ang ani ng inyong lupain. Muli siyang malulugod sa inyo at pagpapalain niya kayo, tulad ng ginawa niya sa inyong mga ninuno.

Mateo 15:1-9

Mga Minanang Katuruan(A)

15 Pagkatapos, lumapit kay Jesus ang ilang Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, at siya'y tinanong nila, “Bakit nilalabag ng mga alagad mo ang mga katuruang minana natin sa ating mga ninuno? Kumakain sila nang hindi muna naghuhugas ng kamay ayon sa tamang paraan!”

Sinagot sila ni Jesus, “Bakit naman ninyo nilalabag ang utos ng Diyos dahil sa inyong mga tradisyon? Sinabi(B) ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama at ina’ at, ‘Ang sinumang lumait sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.’ Ngunit itinuturo ninyo na kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Ang anumang maitutulong ko sa inyo ay naihandog ko na sa Diyos,’ hindi na niya kailangang tulungan ang kanyang ama [at ang kanyang ina].[a] Pinawawalang-kabuluhan ninyo ang salita ng Diyos masunod lamang ninyo ang inyong minanang mga katuruan. Mga mapagkunwari! Tama nga ang sinabi ni propeta Isaias tungkol sa inyo,

‘Ang(C) paggalang sa akin ng bayang ito ay pakunwari lamang,
    sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal.
Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba,
    sapagkat itinuturo nilang galing sa Diyos ang kanilang mga utos.’”