Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Moises sa Bundok ng Sinai
12 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Umakyat ka rito. Maghintay ka at ibibigay ko sa iyo ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng mga kautusan at ng mga tagubilin. Sinulat ko ito upang maging tuntuning ituturo mo sa mga tao.” 13 Umakyat nga si Moises, kasama ang lingkod niyang si Josue. 14 Bago siya lumakad, sinabi niya sa mga pinuno ng Israel, “Hintayin ninyo kami rito. Kasama ninyong maiiwan sina Aaron at Hur; sila ang inyong lapitan sakaling magkaroon ng anumang usapin sa inyo.”
15 Umakyat si Moises sa bundok at ito'y natakpan ng ulap. 16 Ang Bundok ng Sinai ay nalukuban ng kaluwalhatian ni Yahweh; anim na araw itong nabalot ng ulap. Nang ikapitong araw, si Moises ay tinawag ni Yahweh mula sa gitna ng ulap. 17 Nakita rin ng mga Israelita ang kaluwalhatian ni Yahweh na parang nagniningas na apoy sa taluktok ng bundok. 18 At(A) unti-unti siyang natakpan ng ulap habang umaakyat; nanatili siya sa bundok sa loob ng apatnapung araw at gabi.
Ang Haring Pinili ni Yahweh
2 Bakit(A) nagbabalak maghimagsik ang mga bansa?
Sa sabwatan nilang ito'y anong kanilang mapapala?
2 Mga hari ng lupa'y nagkasundo at sama-samang lumalaban,
hinahamon si Yahweh at ang kanyang hinirang:
3 Sinasabi nila: “Ang paghahari nila sa atin ay dapat nang matapos;
dapat na tayong lumaya at kumawala sa gapos.”
4 Si Yahweh na nakaupo sa langit ay natatawa lamang,
lahat ng plano nila ay wala namang katuturan.
5 Sa tindi ng kanyang galit, sila'y kanyang binalaan;
sa tindi ng poot, sila'y kanyang sinabihan,
6 “Doon sa Zion, sa bundok na banal,
ang haring pinili ko'y aking itinalaga.”
7 “Ipahahayag(B) ko ang sinabi sa akin ni Yahweh,
‘Ikaw ang aking anak,
mula ngayo'y ako na ang iyong ama.
8 Hingin mo ang mga bansa't ibibigay ko sa iyo,
maging ang buong daigdig ay ipapamana ko.
9 Dudurugin(C) mo sila ng tungkod na bakal;
tulad ng palayok, sila'y magkakabasag-basag.’”
10 Kaya't magpakatalino kayo, mga hari ng mundo,
ang babalang ito'y unawain ninyo:
11 Paglingkuran ninyo si Yahweh nang may takot at paggalang,
sa paanan ng kanyang anak
12 yumukod kayo't magparangal,
baka magalit siya't bigla kayong parusahan.
Mapalad ang taong ang Diyos ang kanlungan.
Si Yahweh ang Kataas-taasang Hari
99 Si(A) Yahweh ay naghahari kaya't sa takot ay,
mga tao'y nanginginig,
trono'y sa ibabaw ng mga kerubin,
kaya daigdig ay nayayanig.
2 Si Yahweh'y dakilang tunay, sa Zion o sa mga bansa,
si Yahweh ang naghahari sa lahat ng mga nilikha.
3 Purihin natin ang banal at dakila niyang ngalan,
si Yahweh ay banal!
4 Ikaw ay dakilang Hari, umiibig sa katuwiran,
ang dulot mo sa Israel ay ganap na katarungan;
ang dulot mo sa kanila ay pagtinging pantay-pantay.
5 Si Yahweh na ating Diyos ay lubos na parangalan;
sa harap ng kanyang trono, tayo ay manambahan!
Si Yahweh ay banal!
6 Si Moises at si Aaron, na mga pari niya;
at si Samuel nama'y lingkod na sa kanya ay sumamba;
nang si Yahweh'y dalanginan, dininig naman sila.
7 Si(B) Yahweh ay nagsalita sa isang haliging ulap;
sila naman ay nakinig, utos niya ay tinupad.
8 O Yahweh na aming Diyos, sinagot mo sila agad,
at ikaw ay nakilalang Diyos na mapagpatawad;
ngunit pinagdurusa mo kung ang gawa'y hindi tumpak.
9 Ang Diyos natin na si Yahweh, dapat nating parangalan,
sa banal na bundok niya sambahin ang kanyang ngalan!
Si Yahweh na ating Diyos ay banal!
Ang mga Saksi sa Kadakilaan ni Cristo
16 Ang ipinahayag namin sa inyo tungkol sa kapangyarihan at muling pagparito ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay hindi namin ibinatay sa mga alamat na katha lamang ng tao. Nasaksihan ng aming mga mata ang kanyang kadakilaan 17 nang(A) tanggapin niya mula sa Ama ang karangalan at kaluwalhatian. Ito'y nangyari nang marinig namin ang tinig mula sa dakilang kaluwalhatian ng langit na nagsabing, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan.” 18 Narinig namin ito mula sa langit sapagkat kami'y kasama niya nang ito'y maganap sa banal na bundok.
19 Kaya naman lalong tumibay ang aming paniniwala sa ipinahayag ng mga propeta. Makakabuti na ito'y pag-ukulan ninyo ng pansin, sapagkat tulad ito sa isang ilaw sa kadiliman na tumatanglaw sa inyo hanggang sa sumikat ang araw ng Panginoon at magliwanag sa inyong mga puso ang bituin sa umaga. 20 Higit sa lahat, unawain ninyong walang makapagbibigay ng sariling pagpapakahulugan sa alinmang propesiya sa Kasulatan, 21 sapagkat ang pahayag ng mga propeta ay hindi nagmula sa kalooban lamang ng tao; ito'y galing sa Diyos at ipinahayag ng mga taong nasa ilalim ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(A)
17 Pagkaraan(B) ng anim na araw, isinama ni Jesus si Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan, at sila'y umakyat sa isang mataas na bundok. 2 Habang sila'y naroroon, nakita nilang nagbago ang anyo ni Jesus, nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha at nagningning sa kaputian ang kanyang damit. 3 At nakita ng tatlong alagad sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Jesus. 4 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti't naririto kami. Kung gusto ninyo, magtatayo ako ng tatlong tolda, isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” 5 Habang(C) nagsasalita pa si Pedro, nililiman sila ng napakaliwanag na ulap. Mula rito'y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!” 6 Nang marinig ng mga alagad ang tinig, labis silang natakot at nagpatirapa. 7 Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinawakan. “Tumayo kayo, huwag kayong matakot!” sabi niya. 8 Nang tumingin sila, si Jesus na lamang ang kanilang nakita.
9 Habang sila'y bumababa sa bundok, iniutos sa kanila ni Jesus, “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang tungkol sa pangitain hangga't hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao.”
by