Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 119:1-8

Ang Kautusan ni Yahweh

(Alef)

119 [a] Mapalad ang mga taong malinis ang pamumuhay,
    kautusan ni Yahweh ang sinusunod araw-araw.
Mapalad ang sumusunod sa kanyang patakaran,
    buong pusong naghahanap sa kanyang kalooban;
ang gawain ay matuwid, namumuhay silang ganap,
    sa kanyang kalooban ay doon sila lumalakad.
Ibinigay mo nga sa amin ang iyong mga utos,
    upang buong pagsisikap na ito'y aming masunod.
Gayon ako umaasa, umaasang magiging tapat,
    susundin ang iyong utos, susundin nang buong ingat.
Kahihiyan ay hindi ko matitikman kailanpaman,
    kung ako ay susunod nang tapat sa iyong kautusan.
Ang matuwid mong tuntunin habang aking tinatarok,
    buong pusong magpupuri, pupurihin kitang lubos.
Ang lahat ng iyong utos ay sisikapin kong sundin,
    huwag mo akong iiwanan, huwag mo akong lilisanin.

Genesis 26:1-5

Si Isaac sa Gerar at sa Beer-seba

26 Tulad ng nangyari nang panahon ni Abraham, nagkaroon muli ng taggutom sa lupain ng Canaan, kaya't nakarating si Isaac sa Gerar, sakop ni Abimelec na hari ng mga Filisteo. Nagpakita si Yahweh kay Isaac at nagsabi, “Huwag kang pupunta sa Egipto; manirahan ka sa lupaing ituturo ko sa iyo. Dito(A) ka muna; sasamahan kita at pagpapalain. Ibibigay ko sa iyo at sa iyong lahi ang buong lupaing ito, tulad ng aking ipinangako sa iyong amang si Abraham. Pararamihin kong gaya ng mga bituin sa kalangitan ang iyong lahi, at lahat ng lupaing ito'y ibibigay ko sa kanila. At hihilingin sa akin ng lahat ng bansa sa daigdig na sila'y pagpalain ko tulad ng ginagawa ko sa iyong lahi. Pagpapalain kita dahil kay Abraham, sapagkat sinunod niya ako at tinupad ang aking mga utos.”

Santiago 1:12-16

Ang Pagsubok at ang Pagtukso

12 Pinagpala ang taong nananatiling tapat sa kabila ng mga pagsubok; sapagkat matapos niyang malampasan ang pagsubok, tatanggap siya ng gantimpala ng buhay, na ipinangako ng Panginoon[a] sa mga umiibig sa kanya. 13 Huwag(A) sabihin ninuman na tinutukso siya ng Diyos kapag siya'y dumaranas ng pagsubok, sapagkat ang Diyos ay hindi maaaring matukso at hindi rin naman niya tinutukso ang kahit sino. 14 Natutukso ang tao kapag siya'y naaakit at nagpapatangay sa kanyang sariling pagnanasa. 15 At ang pagnanasa kapag naitanim sa puso ay nagbubunga ng kasalanan; at ang kasalanan, sa hustong gulang ay nagbubunga ng kamatayan.

16 Huwag kayong padaya, mga kapatid kong minamahal.