Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 78:17-20

17 Ngunit sila'y patuloy rin sa kanilang kasalanan,
    sinusuway nila ang Diyos habang sila'y nasa ilang.
18 Sadya(A) nilang sinusubok, ginagalit nila ang Diyos;
    ang hiningi ay pagkaing gustung-gusto nilang lubos.
19 Kinalaban nila ang Diyos nang sabihin ang ganito:
    “Sa gitna ba nitong ilang mabubusog niya tayo?
20 Nang hampasin yaong bato, oo't tubig ay bumukal,
    dumaloy ang mga batis, tubig doon ay umapaw;
ngunit ito yaong tanong, tayo kaya'y mabibigyan
    ng tinapay na masarap at ng karneng kailangan?”

Mga Awit 78:52-55

52 Tinipon(A) ang kanyang hirang na animo'y mga tupa,
    inakay sa lupaing ilang sa kanyang pangunguna.
53 Inakay(B) nga at naligtas, kaya naman di natakot,
    samantalang ang kanilang kaaway ay nangalunod.
54 Inihatid(C) sila ng Diyos sa lupain niyang banal,
    sa bundok na mismong siya ang kumuha sa kaaway.
55 Itinaboy(D) niyang lahat ang naroong namamayan,
    pinaghati-hati niya ang lupaing naiwanan;
    sa kanilang mga tolda ang Israel ay nanahan.

Exodo 33:7-23

Ang Toldang Tipanan

Nakaugalian na ni Moises na itayo ang tabernakulo sa isang lugar na malayu-layo sa kampo; tinawag iyong Toldang Tipanan ng Diyos at ng mga tao. Doon pumupunta ang sinumang nais sumangguni kay Yahweh. Tuwing papasok doon si Moises, ang mga Israelita'y tumatayo sa pintuan ng kanilang tolda at tinitingnan siya hanggang sa siya'y makapasok. Kapag nasa loob na si Moises, bumababa naman sa may pinto ng Toldang Tipanan ang haliging ulap at mula roo'y makikipag-usap sa kanya si Yahweh. 10 Kapag nakita ng mga Israelita na nasa pintuan ng Tolda ang haliging ulap, pumupunta naman sila sa pintuan ng kanilang tolda at doo'y yumuyuko at sumasamba. 11 Ang pakikipag-usap ni Yahweh kay Moises ay harap-harapan, tulad ng pakikipag-usap sa kaibigan. Pagkatapos, si Moises ay bumabalik na sa kampo ngunit naiiwan sa Tolda si Josue, ang lingkod niya.

Nangako si Yahweh na Sila'y Papatnubayan

12 Sinabi ni Moises kay Yahweh, “Iniutos ninyo sa aking pangunahan ko ang bayang ito papunta sa lupaing ipinangako ninyo. Ngunit hindi ninyo sinabi kung sino ang makakatulong ko. Sinabi pa ninyong nalulugod po kayo sa akin at kilalang-kilala ninyo ako. 13 Kung ito'y totoo, ipinapakiusap kong sabihin ninyo sa akin ang inyong mga balak gawin para malaman ko upang patuloy kayong malulugod sa akin. Alalahanin din ninyo na ang bayang Israel ay inyo.”

14 “Sasamahan ko kayo at bibigyan ko kayo ng kapayapaan,” sagot ni Yahweh.

15 Sinabi ni Moises, “Kung hindi ninyo kami sasamahan, huwag na po ninyo kaming paalisin dito. 16 Sapagkat kung hindi kayo sasama sa amin, paano malalaman ng lahat na kami po ay inyong kinalulugdan? Kung sasama kayo sa amin, maliwanag na kami'y naiiba sa lahat ng mga bansa.”

17 “Sige, gagawin ko ang hiling mo sapagkat ako'y nalulugod sa iyo at kilalang-kilala kita,” sabi ni Yahweh.

18 Kaya't hiniling ni Moises, “Yahweh, ipakita po ninyo sa akin ang inyong kaluwalhatian!”

19 “Makikita mong lahat ang aking kaluwalhatian at bibigkasin ko sa iyo ang aking pangalan: Yahweh. Mahahabag ako sa nais kong kahabagan at maaawa ako sa nais kong kaawaan, 20 ngunit hindi mo maaaring makita ang aking mukha sapagkat tiyak na mamamatay ang sinumang makakita niyon. 21 Dito sa tabi ko'y may matatayuan kang bato. 22 Pagdaan ng aking maningning na kaluwalhatian, ipapasok kita sa siwang ng batong ito at tatakpan kita ng aking kamay. 23 Pagkalampas ko'y aalisin ko na ang aking kamay at makikita mo ang likod ko, ngunit hindi ang aking mukha,” sagot ni Yahweh.

Mga Gawa 7:30-34

30 “Makalipas(A) ang apatnapung taon, samantalang si Moises ay nasa ilang na di-kalayuan sa Bundok ng Sinai, nagpakita sa kanya ang isang anghel sa isang nagliliyab na mababang punongkahoy. 31 Namangha si Moises sa kanyang nakita, at nang lapitan niya ito upang tingnang mabuti, narinig niya ang tinig ng Panginoon, 32 ‘Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob.’ Nanginig sa takot si Moises at hindi makatingin. 33 Sinabi sa kanya ng Panginoon, ‘Alisin mo ang iyong sandalyas sapagkat banal ang lupang kinatatayuan mo. 34 Nakita ko ang paghihirap ng aking bayan sa Egipto; narinig ko ang kanilang daing, at bumabâ ako upang sila'y iligtas. Halika't isusugo kita sa Egipto.’