Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagiging Masunurin sa Kautusan ni Yahweh
(Bet)
9 Paano mapapanatiling malinis ang pamumuhay ng sinumang tao, sa kanilang kabataan?
Sa pamamagitan ng pagsunod sa banal mong kautusan.
10 Buong puso ang hangad kong sambahin ka't paglingkuran,
huwag mo akong hahayaang sa utos mo ay sumuway.
11 Ang banal mong kautusa'y sa puso ko iingatan,
upang hindi magkasala laban sa iyo kailanman.
12 Pupurihin kita, Yahweh, ika'y aking pupurihin;
ang lahat ng tuntunin mo ay ituro po sa akin.
13 Ang lahat mong mga utos na sa aki'y ibinigay,
palagi kong babanggitin, malakas kong isisigaw.
14 Nagagalak na susundin ko ang iyong kautusan,
higit pa sa kagalakang dulot nitong kayamanan.
15 Ako'y laging mag-aaral sa lahat ng tuntunin mo,
nang aking maunawaan, pagbubulay-bulayan ko.
16 Sa bigay mong kautusa'y lubos akong nalulugod,
iingatan sa puso ko upang iyo'y di malimot.
Ang Kahalagahan ng Karunungan
2 Aking anak, ang mga pangaral ko ay dinggin mo,
at ang aking mga utos, ingatan nga at sundin mo.
2 Ang pakinig mo'y ibaling sa wastong karunungan,
at ito ay isipin nang iyong maunawaan.
3 Pagsikapan mong hanapin ang tunay na kaalaman,
pang-unawa'y pilitin mong makita at masumpungan.
4 Kung ito ay parang pilak na iyong hahanapin,
at tulad ng ginto, na iyong miminahin,
5 malalaman mo kung ano ang kahulugan ng paggalang at pagsunod kay Yahweh,
at matatamo ang kaalaman tungkol sa Diyos.
6 Sapagkat(A) si Yahweh ang nagkakaloob ng karunungan,
sa bibig niya ang kaalaman at unawa'y bumubukal.
7 Bibigyan niya ng unawa ang matuwid ang pamumuhay,
at ang taong matapat ay kanyang iingatan.
8 Binabantayan niya ang daan ng katarungan,
at ang lakad ng lingkod niya'y kanyang sinusubaybayan.
9 Kaya nga, iyong mauunawaan ang katuwiran at katarungan,
at iyong susundan ang landas ng kabutihan.
10 Lalawak ang karunungang matatanim sa isipan,
madadama ang kasiyahang dulot nitong kaalaman.
11 Ang natamong kaalaman sa iyo ay mag-iingat,
ang unawa'y maglilihis sa liku-likong landas.
12 Ilalayo ka nito sa masamang pamumuhay,
at doon sa mga taong ang nais ay kaguluhan;
13 ilalayo ka rin nito sa mga tampalasan,
na ang landas na pinili ay landas ng kadiliman,
14 mga taong ang hilig ay paggawa ng kasamaan,
ang kanilang kasiyaha'y pawang walang kabuluhan.
15 Sa ugaling taglay nila'y di sila maaasahan,
sila ay hindi tapat, hindi mapagkakatiwalaan.
Katuruan tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(A)
19 Pagkatapos niyang ipangaral ang mga bagay na ito, umalis si Jesus sa Galilea at nagtungo sa lupain ng Judea, sa kabila ng Ilog Jordan. 2 Sinundan siya ng napakaraming tao, at doo'y pinagaling niya ang mga maysakit.
3 May ilang Pariseong lumapit sa kanya na humanap ng maipaparatang sa kanya. Tanong nila, “Naaayon ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa sa kahit anong dahilan?” 4 Sumagot(B) si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa na sa pasimula'y nilalang ng Diyos ang tao na lalaki at babae? 5 At(C) siya rin ang nagsabi, ‘Dahil dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina, at magsasama sila ng kanyang asawa at sila'y magiging isa.’ 6 Hindi na sila dalawa kundi iisa, kaya't ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”
7 Tinanong(D) siya ng mga Pariseo, “Kung gayon, bakit iniutos ni Moises na bigyan ng lalaki ang kanyang asawa ng isang kasulatan ng paghihiwalay bago niya ito palayasin?”
8 Sumagot si Jesus, “Ipinahintulot ni Moises na hiwalayan ninyo ang inyong asawa dahil sa katigasan ng inyong ulo. Subalit hindi ganoon sa pasimula. 9 Ito(E) ang sinasabi ko sa inyo, sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa, maliban kung ang asawa niya'y nakikiapid, [itinutulak niya ang kanyang asawa na mangalunya][a] at siya'y mag-asawa ng iba ay nagkakasala ng pangangalunya [at ang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya].”[b]
10 Sinabi naman ng mga alagad, “Kung ganyan po ang kalagayan ng lalaki sa kanyang asawa, mabuti pang huwag nang mag-asawa.”
11 Sumagot si Jesus, “Hindi lahat ay kayang tumanggap ng aral na ito kundi sila lamang na pinagkalooban ng Diyos. 12 Sapagkat may iba't ibang dahilan kung bakit may mga lalaking hindi makapag-asawa: ang ilan ay isinilang na may ganitong kapansanan; ang iba nama'y dahil sa kagagawan ng ibang tao; mayroon namang hindi nag-aasawa alang-alang sa kaharian ng langit. Hayaang tanggapin ang aral na ito ng may kakayahang tumanggap nito.”
by