Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pagpupuri kay Yahweh
117 Purihin(A) si Yahweh!
Dapat na purihin ng lahat ng bansa.
Siya ay purihin
ng lahat ng tao sa balat ng lupa!
2 Pagkat ang pag-ibig
na ukol sa ati'y dakila at wagas,
at ang katapatan niya'y walang wakas.
Purihin si Yahweh!
Ang Pagbabalik ng mga Israelita
31 “Sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh, “ako'y magiging Diyos ng buong Israel at magiging bayan ko sila.”
2 Ang sabi pa ni Yahweh, “Ang mga taong nakaligtas sa digmaan ay nakatagpo naman ng awa sa ilang. Nang ang Israel ay naghahanap ng kapahingahan, 3 napakita ako sa kanila mula sa malayo; sa simula pa'y inibig ko na sila kaya patuloy akong magiging tapat sa kanila. 4 Muli kitang itatayo, marilag na Israel. Hahawakan mong muli ang iyong mga tamburin, at makikisayaw sa mga nagkakasayahan. 5 Muli kang magtatanim ng ubas sa mga burol ng Samaria; magtatanim ang mga magsasaka, at masisiyahan sa ibubunga niyon. 6 Sapagkat darating ang araw na hihiyaw ang mga bantay mula sa kaburulan ng Efraim, ‘Halikayo, umakyat tayo sa Zion, kay Yahweh na ating Diyos.’”
Paghahandog
1 Kagalang-galang na Teofilo, marami na po ang nagsikap na sumulat tungkol sa mga bagay na naganap sa kalagitnaan namin. 2 Ang kanilang isinulat ay ayon sa itinuro sa amin ng mga taong buhat pa sa simula ay mga saksi at mga tagapangaral ng Salita ng Diyos. 3 Kaya't matapos kong suriin nang buong ingat ang lahat ng pangyayari buhat pa sa pasimula, minabuti ko pong sumulat din ng isang maayos na salaysay para sa inyo 4 upang lubusan ninyong matiyak ang katotohanan ng mga itinuro sa inyo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.