Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 76

Diyos ang Magtatagumpay

Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.

76 Tunay na si Yahweh'y kilala sa Juda,
    sa buong Israel, dakilang talaga;
nasa Jerusalem ang tahanan niya,
    sa Bundok ng Zion, doon tumitira.
Lahat ng sandata ng mga kaaway,
    mga pana't sundang, baluting sanggalang, doon niya sinirang walang pakundangan. (Selah)[a]

O Diyos, dakila ka, ikaw ay maringal
    higit pa sa matatag na kabundukan.[b]
Walang magawâ, matatapang na kawal, binawi ng Diyos ang taglay na samsam;
    nahihimbing sila at nakahandusay,
    mga lakas nila, lahat ay pumanaw.
Nang ika'y magalit, O Diyos ni Jacob,
    sakay at kabayo'y pawang nangalugmok.

Ikaw, O Yahweh, kinatatakutan!
    Sino ang tatayo sa iyong harapan
    kapag nagalit ka sa mga kinapal?
Sa iyong paghatol na mula sa langit,
    ang lahat sa mundo'y takot at tahimik.
Nang ika'y tumayo't gawin ang paglitis,
    naligtas ang mga api sa daigdig. (Selah)[c]

10 Ang matinding galit sa iyo ng tao, hahantong na lahat sa pagpuri sa iyo.
    Silang nangaligtas sa mga labanan, laging magpupuri at mangagdiriwang.
11 Mga pangako mo kay Yahweh, iyong Diyos, ay iyong tuparin nang tapat sa loob;
    dapat na magdala ng mga kaloob ang lahat ng bansa sa iyong palibot.

12 Hambog na prinsipe ay ibinababâ,
    tinatakot niya hari mang dakila.

Isaias 66:1-13

Hahatulan ni Yahweh ang mga Bansa

66 Ito(A) (B) ang sabi ni Yahweh:

“Ang aking trono ay ang kalangitan,
    at ang daigdig ang aking tuntungan.
Anong klaseng bahay ang gagawin mo para sa akin?
    Anong klaseng lugar ang aking titirhan?
Sa lahat ng bagay ako ang maylikha,
    kaya ako ang may-ari ng lahat ng ito.
Ako'y nalulugod sa mga taong nagpapakumbaba at nagsisipagsisi,
    sa mga may takot at sa utos ko'y sumusunod.
Ginagawa ng tao ang kanyang maibigan,
    at matutuwa pang gumawa ng kasamaan.
Para sa kanya ay walang kaibahan ang handog na toro o kaya ay tao;
    ang handog na tupa o patay na aso;
ang handog na pagkaing butil o dugo ng baboy;
    ang pagsusunog ng insenso o ang pagdarasal sa diyus-diyosan.
Natutuwa sila sa nakakahiyang pagsamba.
Dahil dito, ipararanas ko sa kanila
    ang kapahamakang kinatatakutan nila.
Sapagkat nang ako'y tumawag walang tumugon kahit na isa;
    nang ako'y magsalita, walang gustong makinig.
Ginusto pa nila ang sumuway sa akin
    at gumawa ng masama.”

Pakinggan ninyo si Yahweh,
    kayong natatakot at sumusunod sa kanyang salita:
“Kinamumuhian at itinataboy kayo ng inyong sariling kababayan, nang dahil sa akin;
at sinasabi pa nila, ‘Ipakita ni Yahweh ang kanyang kadakilaan at iligtas niya kayo
    para makita namin kayong natutuwa.’
    Ngunit mapapahiya sila sa kanilang sarili.
Pakinggan ninyo at sa lunsod ay nagkakagulo,
    at mayroong ingay na buhat sa Templo!
Iyon ay likha ng pagpaparusa ni Yahweh sa kanyang mga kaaway!
“Ang(C) aking banal na lunsod ay parang babaing biglang nanganak;
kahit hindi pa sumasakit ang kanyang tiyan,
    isang lalaki ang kanyang inianak.
May nabalitaan na ba kayo o nakitang ganyan?
Isang bansang biglang isinilang?
Ang Zion ay hindi maghihirap nang matagal
    upang ang isang bansa ay kanyang isilang.”
Ang sabi ni Yahweh:
“Huwag ninyong isipin na ang bayan ko'y
    hahayaang umabot sa panahong dapat nang iluwal,
    at pagkatapos ay pipigilin sa pagsilang.”

10 Makigalak kayo sa Jerusalem, magalak kayo dahil sa kanya;
    kayong lahat na nagmamahal sa lunsod na ito!
Kayo'y makigalak at makipagsaya,
    lahat kayong tumangis para sa kanya.
11 Tatamasahin ninyo ang kasaganaan niya,
    tulad ng sanggol sa dibdib ng kanyang ina.

12 Sabi ni Yahweh:
“Padadalhan kita ng walang katapusang kasaganaan.
    Ang kayamanan ng ibang bansa ay aagos patungo sa iyo tulad ng umaapaw na ilog.
Ang makakatulad mo'y sanggol na buong pagmamahal na inaaruga ng kanyang ina.
13 Aaliwin kita sa Jerusalem,
    tulad ng pag-aliw ng ina sa kanyang anak.

1 Corinto 10:23-11:1

23 Mayroon(A) namang magsasabi, “Malaya akong gumawa ng anuman,” ngunit hindi lahat ng ito ay nakakabuti. “Malaya akong gumawa ng anuman,” ngunit hindi rin lahat ng ito'y nakakatulong. 24 Huwag ang sariling kapakanan ang unahin ninyo, kundi ang sa iba.

25 Kumain kayo ng anumang nabibili sa tindahan ng karne at huwag nang magtanong pa upang hindi mabagabag ang inyong budhi. 26 Sapagkat(B) sinasabi ng kasulatan, “Ang buong daigdig at lahat ng naroroon, ang Panginoon ang may-ari niyon!”

27 Kung anyayahan kayo ng isang hindi sumasampalataya at nais ninyong dumalo, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo at huwag na kayong magtanong pa kung iyon ay ikagugulo ng inyong budhi. 28 Ngunit kung may magsabi sa inyo, “Ito'y inialay sa mga diyus-diyosan,” huwag ninyong kainin iyon alang-alang sa nagsabi sa inyo, upang di mabagabag ang budhi. 29 Ang aking tinutukoy ay ang budhi ng inyong kapwa, at hindi ang budhi ninyo.

Bakit hahadlangan ng budhi ng iba ang aking kalayaan? 30 Bakit ako susumbatan dahil sa pagkain ko ng mga bagay na ipinagpasalamat ko naman sa Diyos? 31 Kaya nga, kung kayo'y kumakain o umiinom, o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos. 32 Huwag kayong maging sanhi ng pagkakasala ninuman, ng mga Judio, ng mga Hentil, o ng mga kaanib sa iglesya ng Diyos, 33 sa halip, tularan ninyo ang ginagawa ko. Sinisikap kong mabigyang kasiyahan ang lahat ng tao sa bawat ginagawa ko. Hindi ko inuuna ang sarili kong kapakanan kundi ang kapakanan ng marami, upang maligtas sila.

11 Tularan(C) ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.