Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 98

Si Yahweh ang Hari ng Buong Mundo

98 Kumanta ng bagong awit at kay Yahweh ay ialay,
    pagkat mga ginawa niya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at kabanalan niyang taglay,
    walang hirap na natamo itong hangad na tagumpay.
Ang tagumpay ni Yahweh, siya na rin ang naghayag,
    sa harap ng mga bansa'y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad,
    tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay nahayag!

Magkaingay na may galak, lahat ng nasa daigdig;
    si Yahweh ay buong galak na purihin sa pag-awit!
Sa saliw ng mga lira kayong lahat ay umawit,
    at si Yahweh ay purihin sa ating mga tugtugin.
Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambuli,
    magkaingay sa harapan ni Yahweh na ating Hari.

Mag-ingay ka, karagatan, at lahat ng lumalangoy,
    umawit ang buong mundo at lahat ng naroroon.
Umugong sa palakpakan pati yaong karagatan;
    umawit ding nagagalak ang lahat ng kabundukan.

Si Yahweh ay dumarating, maghahari sa daigdig;
    taglay niya'y katarungan at paghatol na matuwid.

Hagai 2:10-19

Sumangguni ang Propeta sa mga Pari

10 Noong ikadalawampu't apat na araw ng ikasiyam na buwan ng ikalawang taon ng paghahari ni Dario sa Persia, muling nagpahayag kay Hagai si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. 11 Sinabi ni Yahweh sa kanya na itanong sa mga pari kung ano ang pasya ng mga ito ukol sa ganitong usapin: 12 “Halimbawa'y may dumampot ng isang piraso ng karneng itinalaga mula sa handog na inialay sa altar at ito'y binalot niya sa kanyang damit. Magiging banal din kaya ang mga pagkaing masaling ng kanyang damit tulad ng tinapay, ulam, alak, langis ng olibo, at iba pang pagkain?” Ang sagot ng mga pari ay “Hindi.”

13 Muling(A) nagtanong si Hagai, “Halimbawa'y naging marumi ang isang tao dahil humipo sa bangkay. Magiging marumi rin ba ang anumang pagkaing masaling niya?” “Oo,” ang sagot ng mga pari.

14 Kaugnay nito, sinabi ni Hagai, “Ganito rin ang kalagayan ng mga tao sa bansang ito sa harapan ni Yahweh, pati na ang bunga ng kanilang mga gawain. Kaya nga't ang lahat ng handog nila sa altar ay marurumi.”

Nangako ng Pagpapala si Yahweh

15 Sinabi rin ni Yahweh, “Pag-isipan ninyong mabuti ang mga pangyayaring magaganap sa inyong buhay mula sa araw na ito. Noong hindi pa ninyo nasisimulang gawing muli ang Templo, 16 inaasahan ninyong ang isang buntong trigo ay 200 kilo ngunit iyon pala ay sandaan lamang. Akala ninyo'y sandaang litrong alak ang masasalok sa imbakan ngunit iyon pala'y apatnapu lamang. 17 Sinalanta ko ang inyong mga pananim sa pamamagitan ng mainit na hangin, amag, at pag-ulan ng yelo, gayunma'y hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. 18 Ngayon ay ikadalawampu't apat na araw ng ikasiyam na buwan at ito ang araw na natapos ang pundasyon ng Templo. Bantayan ninyo ang mga susunod na pangyayari. 19 Ubos na ba ang mga pagkaing butil sa kamalig? Wala pa bang bunga ang mga puno ng ubas, ng igos, ng granada, at ng olibo? Huwag kayong mabahala sapagkat mula ngayon ay pagpapalain ko na kayo.”

2 Pedro 1:16-21

Ang mga Saksi sa Kadakilaan ni Cristo

16 Ang ipinahayag namin sa inyo tungkol sa kapangyarihan at muling pagparito ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay hindi namin ibinatay sa mga alamat na katha lamang ng tao. Nasaksihan ng aming mga mata ang kanyang kadakilaan 17 nang(A) tanggapin niya mula sa Ama ang karangalan at kaluwalhatian. Ito'y nangyari nang marinig namin ang tinig mula sa dakilang kaluwalhatian ng langit na nagsabing, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan.” 18 Narinig namin ito mula sa langit sapagkat kami'y kasama niya nang ito'y maganap sa banal na bundok.

19 Kaya naman lalong tumibay ang aming paniniwala sa ipinahayag ng mga propeta. Makakabuti na ito'y pag-ukulan ninyo ng pansin, sapagkat tulad ito sa isang ilaw sa kadiliman na tumatanglaw sa inyo hanggang sa sumikat ang araw ng Panginoon at magliwanag sa inyong mga puso ang bituin sa umaga. 20 Higit sa lahat, unawain ninyong walang makapagbibigay ng sariling pagpapakahulugan sa alinmang propesiya sa Kasulatan, 21 sapagkat ang pahayag ng mga propeta ay hindi nagmula sa kalooban lamang ng tao; ito'y galing sa Diyos at ipinahayag ng mga taong nasa ilalim ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.