Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Diyos ang Magtatagumpay
Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.
76 Tunay na si Yahweh'y kilala sa Juda,
sa buong Israel, dakilang talaga;
2 nasa Jerusalem ang tahanan niya,
sa Bundok ng Zion, doon tumitira.
3 Lahat ng sandata ng mga kaaway,
mga pana't sundang, baluting sanggalang, doon niya sinirang walang pakundangan. (Selah)[a]
4 O Diyos, dakila ka, ikaw ay maringal
higit pa sa matatag na kabundukan.[b]
5 Walang magawâ, matatapang na kawal, binawi ng Diyos ang taglay na samsam;
nahihimbing sila at nakahandusay,
mga lakas nila, lahat ay pumanaw.
6 Nang ika'y magalit, O Diyos ni Jacob,
sakay at kabayo'y pawang nangalugmok.
7 Ikaw, O Yahweh, kinatatakutan!
Sino ang tatayo sa iyong harapan
kapag nagalit ka sa mga kinapal?
8 Sa iyong paghatol na mula sa langit,
ang lahat sa mundo'y takot at tahimik.
9 Nang ika'y tumayo't gawin ang paglitis,
naligtas ang mga api sa daigdig. (Selah)[c]
10 Ang matinding galit sa iyo ng tao, hahantong na lahat sa pagpuri sa iyo.
Silang nangaligtas sa mga labanan, laging magpupuri at mangagdiriwang.
11 Mga pangako mo kay Yahweh, iyong Diyos, ay iyong tuparin nang tapat sa loob;
dapat na magdala ng mga kaloob ang lahat ng bansa sa iyong palibot.
12 Hambog na prinsipe ay ibinababâ,
tinatakot niya hari mang dakila.
14 Ikaw ay magagalak kapag nakita mo ang lahat ng ito;
ikaw ay lalakas at lulusog.
Sa gayon, malalaman mong akong si Yahweh ang tumutulong sa mga sumusunod sa akin;
at siya ring nagpaparusa sa mga kaaway.”
15 Darating si Yahweh na may dalang apoy
at nakasakay sa mga pakpak ng bagyo
upang parusahan ang mga kinamumuhian niya.
16 Apoy at espada ang gagamitin niya
sa pagpaparusa sa mga nagkasala;
tiyak na marami ang mamamatay.
17 Ang sabi ni Yahweh, “Malapit na ang wakas ng mga naglilinis ayon sa tuntunin ng pagsambang pagano, sumasama sa nagpuprusisyon patungo sa mga sagradong hardin, at kumakain ng karne ng baboy, daga at iba pang hayop na marumi.
18 “Nalalaman ko ang kanilang iniisip at mga ginagawa. Darating ako upang tipunin ang lahat ng bansa, at ang mga taong iba't iba ang salita. Kapag sila'y nagkasama-sama, makikita nila ang magagawa ng aking kapangyarihan. 19 Malalaman din nilang ako ang nagpaparusa sa kanila. Ngunit magtitira ako ng ilan upang ipadala sa iba't ibang bansa. Susuguin ko sila sa Tarsis, sa Libya at sa Lydia, mga dakong sanay sa paggamit ng pana. Magsusugo rin ako sa Tubal at Javan, at sa mga baybaying hindi pa ako nababalita sa aking kabantugan. Ipahahayag nila sa lahat ng bansa kung gaano ako kadakila. 20 Bilang handog sa akin sa banal na bundok sa Jerusalem, ibabalik nila ang mga kababayan ninyo buhat sa pinagtapunan sa kanila. Sila'y darating na sakay ng mga kabayo, asno, kamelyo, karwahe at kariton, tulad ng pagdadala ng mga handog na pagkaing butil sa Templo, nakalagay sa malilinis na sisidlan ayon sa kautusan. 21 Ang iba sa kanila ay gagawin kong mga pari at ang iba naman ay Levita.
22 “Kung(A) paanong tatagal ang bagong langit at bagong lupa
sa pamamagitan ng aking kapangyarihan,
gayon tatagal ang lahi mo at pangalan.
23 Tuwing Araw ng Pamamahinga at Pista ng Bagong Buwan,
lahat ng bansa ay sasamba sa akin,”
ang sabi ni Yahweh.
24 “Sa(B) kanilang pag-alis, makikita nila ang mga bangkay ng mga naghimagsik laban sa akin. Ang uod na kakain sa kanila'y hindi mamamatay, gayon din ang apoy na susunog sa kanila. Ang kalagayan nila'y magiging kahiya-hiya sa buong sangkatauhan.”
Ang Pag-ibig ni Jesus sa Jerusalem(A)
37 “Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga isinugo sa iyo! Ilang ulit kong sinikap na kupkupin ang iyong mga anak, kung paano tinitipon ng isang inahin ang kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, ngunit ayaw ninyo. 38 Kaya't(B) ang inyong Templo ay iiwan na lubusang pinabayaan. 39 Sinasabi(C) ko sa inyo, hindi na ninyo ako makikita hanggang dumating ang oras na sabihin ninyo, ‘Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!’”
Tungkol sa Pagkawasak ng Templo(D)
24 Lumabas si Jesus sa Templo. Paalis na siya nang lumapit ang mga alagad at itinuro sa kanya ang mga gusali ng Templo. 2 Sinabi niya sa kanila, “Nakikita ba ninyo ang mga gusaling iyan? Tandaan ninyo! Darating ang araw na wala riyang matitirang bato sa ibabaw ng isa pang bato. Lahat ay iguguho!”
Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating(E)
3 Habang si Jesus ay nakaupo sa Bundok ng mga Olibo, palihim siyang tinanong ng kanyang mga alagad, “Kailan po ba mangyayari ang mga sinabi ninyo? Ano po ang magiging palatandaan ng inyong muling pagparito at ng katapusan ng mundo?”
4 Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ninuman! 5 Maraming paparito sa pangalan ko at magpapanggap na sila ang Cristo, at marami silang maililigaw. 6 Makakarinig kayo ng mga labanan at makakabalita ng mga digmaan sa iba't ibang dako. Ngunit huwag kayong mababahala dahil talagang mangyayari ang mga iyon, bagama't hindi pa iyon ang katapusan ng mundo. 7 Maglalaban-laban ang mga bansa at gayundin ang mga kaharian. Magkakaroon ng taggutom at lilindol sa maraming lugar. 8 Ang lahat ng mga ito'y pasimula pa lamang ng mga paghihirap na tulad sa isang babaing nanganganak.
9 “Pagkatapos(F) ay kapopootan kayong lahat dahil sa inyong pagsunod sa akin. Isasakdal kayo upang pahirapan at patayin, 10 at dahil dito'y marami ang tatalikod sa kanilang pananampalataya. Mapopoot sila at magtataksil sa isa't isa. 11 Marami ang magpapanggap na propeta at ililigaw ang mga tao. 12 Lalaganap ang kasamaan, kaya't manlalamig ang pag-ibig ng marami. 13 Ngunit(G) ang mananatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas. 14 Ipapangaral sa buong sanlibutan ang Magandang Balitang ito tungkol sa kaharian ng Diyos upang magsilbing patotoo sa lahat ng mga bansa. At saka darating ang wakas.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.