Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pasasalamat
12 Sa araw na iyon ay aawitin ng mga tao ang ganito:
“Yahweh, ikaw ay aking pasasalamatan,
sapagkat kung nagalit ka man sa akin noon,
nawala na ang galit mo ngayon, at ako'y iyong inaliw.
2 Tunay(A) na ang Diyos ang aking kaligtasan,
sa kanya ako magtitiwala at hindi ako matatakot,
sapagkat ang Panginoong Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan,
siya ang aking tagapagligtas.
3 Malugod kayong sasalok ng tubig sa balon ng kaligtasan.”
4 Sasabihin ninyo sa araw na iyon:
“Magpasalamat kayo kay Yahweh, siya ang inyong tawagan;
ipaalam ninyo sa mga bansa ang kanyang mga gawa,
ipahayag ninyo ang kadakilaan ng kanyang pangalan.
5 Umawit kayo ng papuri kay Yahweh, sapagkat kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa,
ibalita ninyo ito sa buong daigdig.
6 Mga taga-Zion, sumigaw kayo at umawit nang buong galak,
sapagkat nasa piling ninyo ang dakila at ang Banal na Diyos ng Israel.”
15 Hindi matagpuan ang katotohanan,
kaya nanganganib ang buhay ng mga tao, na ayaw gumawa ng kasamaan.
Humanda si Yahweh para Iligtas ang Kanyang Bayan
Nang makita ni Yahweh na wala nang katarungan,
siya ay nalungkot.
16 Nakita(A) niya na wala kahit isang magmalasakit sa mga api.
Dahil dito'y gagamitin niya ang kanyang kapangyarihan
upang sila'y iligtas, at siya'y magtatagumpay.
17 Ang(B) suot niya sa dibdib ay baluti ng katuwiran,
at sa kanyang ulo naman ang helmet ng kaligtasan.
Paghihiganti ang kanyang kasuotan,
at poot naman ang kanyang balabal.
18 Paparusahan niya ang mga kaaway ayon sa kanilang ginawa,
kahit ang nasa malalayong lugar ay kanyang gagantihan.
19 Kaya katatakutan siya ng mga taga-kanluran,
at dadakilain sa dakong silangan;
darating si Yahweh, tulad ng malakas na agos ng tubig,
gaya ng ihip ng malakas na hangin.
20 Sinabi(C) ni Yahweh sa kanyang bayan,
“Pupunta ako sa Zion upang tubusin
ang mga taong mula sa lahi ni Jacob na magsisisi sa kanilang kasalanan.
21 Ito ang aking kasunduan sa inyo,” sabi ni Yahweh.
“Ibinigay ko na ang aking kapangyarihan at mga katuruan upang sumainyo magpakailanman. Mula ngayon ay susundin ninyo ako at tuturuan ang inyong mga anak at salinlahi na sumunod sa akin sa buong panahong darating.”
Ang Pagdating ng Kaharian ng Diyos(A)
20 Minsan, si Jesus ay tinanong ng mga Pariseo kung kailan darating ang kaharian ng Diyos. Sumagot siya, “Walang makikitang palatandaan ng pagdating ng kaharian ng Diyos, 21 at wala ring magsasabing ‘Narito na!’ o ‘Naroon!’ Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay nasa inyo.”
22 At sinabi niya sa mga alagad, “Darating ang panahon na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao, ngunit hindi ninyo ito makikita. 23 May magsasabi sa inyo, ‘Naroon!’ o, ‘Narito!’ Huwag kayong pupunta at huwag kayong maniniwala sa kanila. 24 Sapagkat [pagsapit ng takdang araw,][a] ang Anak ng Tao ay darating na parang kidlat na nagliliwanag sa buong kalangitan. 25 Ngunit kailangan munang magdanas siya ng maraming hirap at itakwil ng salinlahing ito. 26 Ang(B) pagparito ng Anak ng Tao ay matutulad sa kapanahunan ni Noe. 27 Ang(C)(D) mga tao noo'y nagsisikain, nagsisiinom at nagsisipag-asawa hanggang sa araw na sumakay si Noe sa barko. Dumating ang baha at namatay silang lahat. 28 Gayundin ang nangyari noong panahon ni Lot. Ang mga tao'y nagsisikain, nagsisiinom, bumibili, nagtitinda, nagtatanim at nagtatayo ng bahay. 29 Ngunit nang araw na umalis si Lot sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre at natupok silang lahat. 30 Ganoon din ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao.
31 “Sa(E) araw na iyon, ang nasa bubungan ay huwag nang bumabâ pa upang kunin ang kanyang mga kasangkapan sa loob ng bahay, at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi pa. 32 Alalahanin(F) ninyo ang asawa ni Lot. 33 Ang(G) sinumang magsikap na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay ay siyang makakapagligtas nito. 34 Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon, may dalawang taong nasa isang higaan; kukunin ang isa at iiwan ang isa. 35 May dalawang babaing magkasamang nagtatrabaho sa gilingan; kukunin ang isa at iiwan ang isa. [36 May dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid; kukunin ang isa at iiwan ang isa.]”[b]
37 “Saan po ito mangyayari, Panginoon?” tanong ng kanyang mga alagad.
Sumagot siya, “Kung nasaan ang bangkay, doon nagkakatipon ang mga buwitre.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.