Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Isang(A) Maskil[a] ni David, nang siya'y nasa kuweba. Ito'y isa ring panalangin.
142 O Yahweh, ako ay humingi ng tulong,
ako'y maghihintay sa iyong pagtugon;
2 ang aking dinala'y lahat kong hinaing,
at ang sinabi ko'y pawang suliranin.
3 Nang ako ay halos wala nang pag-asa,
ang dapat kong gawi'y nalalaman niya.
Sa landas na aking pinagdaraanan,
may handang patibong ang aking kaaway.
4 Sa aking paligid, nang ako'y lumingon,
wala ni isa man akong makatulong;
wala kahit isa na magsasanggalang,
ni magmalasakit na kahit sinuman.
5 Ako ay humibik, kay Yahweh dumaing,
sa Tagapagligtas, ako'y dumalangin;
tunay na ikaw lang mahalaga sa akin.
6 Dinggin ang hibik ko, ako ay tulungan,
pagkat halos ako'y di makagulapay;
iligtas mo ako sa mga kaaway,
na mas malalakas ang mga katawan.
7 Sa suliranin ko, ako ay hanguin,
at ang pangalan mo'y aking pupurihin, sa gitna ng madlang mga lingkod mo rin
sa kabutihan mong ginawa sa akin!
17 Bagama't di namumunga ang puno ng igos
at hindi rin namumunga ang mga ubas,
kahit na maantala ang pamumunga ng olibo
at walang anihin sa mga bukirin,
kahit na mamatay lahat ang mga tupa
at mawala ang mga baka sa kulungan,
18 magagalak pa rin ako at magsasaya,
dahil si Yahweh ang Diyos na magliligtas sa akin.
19 Ang(A) Panginoong Yahweh ang sa aki'y nagpapalakas.
Tulad ng usa, tiyak ang aking mga hakbang,
inaalalayan niya ako sa mga kabundukan.
Ang Talinghaga ng Salaping Ginto(A)
11 Habang(B) ang mga tao ay nakikinig, nagpatuloy si Jesus sa pagsasalita at isinalaysay niya sa kanila ang isang talinghaga. Si Jesus ay malapit na noon sa Jerusalem at inakala ng mga tao na darating na agad ang kaharian ng Diyos. 12 Kaya't sinabi niya, “May isang maharlikang pumunta sa malayong lupain upang siya'y gawing hari, at pagkatapos nito, siya ay babalik. 13 Subalit bago siya umalis, tinawag niya ang sampu sa kanyang mga alipin at binigyan ang mga ito ng tig-iisang gintong salapi.[a] Sinabi niya sa kanila, ‘Ipangalakal ninyo iyan hanggang sa aking pagbabalik.’ 14 Ngunit galit sa kanya ang kanyang mga nasasakupan, kaya't nagsugo sila ng kinatawan upang sabihin sa kinauukulan, ‘Ayaw naming maghari sa amin ang taong iyon.’ 15 Gayunpaman ay ginawa rin siyang hari.
“Nang makabalik na siya at nagsimulang maghari, ipinatawag niya ang mga aliping binigyan ng gintong salapi, upang malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa. 16 Lumapit sa kanya ang una at ganito ang sinabi, ‘Panginoon, ang isang gintong salaping ibinigay ninyo ay tumubo ng sampu.’ 17 ‘Magaling,’ sagot niya. ‘Mabuting alipin! Dahil naging tapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, pamamahalain kita sa sampung lungsod.’ 18 Lumapit naman ang ikalawa at ang sabi, ‘Panginoon, ang gintong salaping iniwan ninyo sa akin ay tumubo ng lima.’ 19 At sinabi niya sa alipin, ‘Mamamahala ka sa limang lungsod.’ 20 Lumapit ang isa pang alipin at ganito naman ang sinabi, ‘Panginoon, narito po ang inyong gintong salapi. Binalot ko po ito sa panyo at itinago. 21 Natatakot po ako sa inyo dahil kayo'y napakahigpit; kinukuha ninyo ang hindi sa inyo at inaani ang hindi ninyo itinanim.’ 22 Sinagot siya ng hari, ‘Masamang alipin! Sa salita mong iyan ay hahatulan kita. Alam mo palang ako'y mahigpit at sinasabi mo pang kinukuha ko ang hindi sa akin at inaani ko ang hindi ko itinanim. 23 Bakit hindi mo na lamang idineposito sa bangko ang aking salapi? May tinubo sana iyan bago ako dumating.’ 24 At sinabi niya sa mga naroon, ‘Kunin ninyo sa kanya ang gintong salapi at ibigay sa may sampu.’ 25 ‘Panginoon, siya po'y mayroon nang sampung gintong salapi,’ sabi nila. 26 ‘Sinasabi(C) ko sa inyo, ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa. 27 Tungkol naman sa mga kaaway kong ayaw na ako'y maghari sa kanila, dalhin ninyo sila rito at patayin sa harap ko!’”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.