Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pag-ibig ng Diyos
Awit ni David.
103 Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko;
at lahat ng nasa loob ko,
purihin ang kanyang banal na pangalan!
2 Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko,
at huwag mong kalimutan ang lahat niyang mga biyaya—
3 na siyang nagpapatawad ng lahat mong mga kasamaan;
na siyang nagpapagaling ng lahat mong karamdaman,
4 na siyang tumutubos ng iyong buhay sa Hukay:
na siyang nagpuputong sa iyo ng habag at tapat na pagmamahal,
5 na siyang bumubusog sa iyong nasa ng mga mabubuting bagay;
anupa't nababago na gaya ng sa agila ang iyong kabataan.
6 Ang Panginoon ay nagsasagawa ng mga matuwid na gawa
at katarungan sa lahat ng naaapi.
7 Kanyang ipinaalam ang kanyang mga daan kay Moises,
ang kanyang mga gawa sa mga anak ni Israel.
8 Ang(A) Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya,
hindi magagalitin at sa tapat na pag-ibig ay sagana.
9 Hindi siya laging makikipaglaban,
ni pananatilihin ang kanyang galit magpakailanman.
10 Hindi niya tayo pinakikitunguhan ayon sa ating mga kasalanan,
ni ginantihan tayo nang ayon sa ating mga kasamaan.
11 Sapagkat kung paanong ang mga langit ay mataas kaysa lupa,
ang kanyang tapat na pag-ibig sa mga natatakot sa kanya ay gayon kadakila!
12 Kung gaano ang layo ng silangan sa kanluran,
gayon inilayo niya sa atin ang ating mga pagsuway.
13 Kung paanong ang ama ay nahahabag sa mga anak niya,
gayon nahahabag ang Panginoon sa mga natatakot sa kanya.
22 Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng kanyang mga gawa,
sa lahat ng dako ng kanyang kapamahalaan.
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko.
Ibabalik sa Dati ang Sodoma at ang Samaria
53 “Gayunman, ibabalik ko ang kanilang pagkabihag, ang pagkabihag ng Sodoma at ng kanyang mga anak na babae, at ang pagkabihag ng Samaria at ng kanyang mga anak na babae, at ibabalik ko ang sarili mong pagkabihag sa gitna nila,
54 upang pasanin mo ang iyong sariling kahihiyan, at ikaw ay mapahiya dahil sa lahat ng iyong ginawa sa pagiging kaaliwan sa kanila.
55 Tungkol sa iyong mga kapatid na babae, ang Sodoma at ang kanyang mga anak na babae ay babalik sa kanilang dating kalagayan. Ang Samaria at ang kanyang mga anak na babae ay babalik sa kanilang dating kalagayan, at ikaw at ang iyong mga anak na babae ay babalik sa inyong dating kalagayan.
56 Hindi ba ang iyong kapatid na babae na Sodoma ay isang kasabihan sa iyong bibig sa araw ng iyong kapalaluan,
57 bago lumitaw ang iyong kasamaan? Ngayo'y naging gaya ka niya na naging tampulan ng pagkutya para sa mga anak na babae ng Siria, at sa lahat ng nasa palibot niya, na mga anak na babae ng mga Filisteo na siyang kumukutya sa iyo sa palibot.
58 Pasan mo ang parusa ng iyong kahalayan at ang iyong mga kasuklamsuklam, sabi ng Panginoon.
Ang Walang Hanggang Tipan
59 “Oo, ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Akin namang gagawin sa iyo ang gaya ng iyong ginawa, na iyong hinamak ang sumpa sa pagsira ng tipan.
60 Gayunma'y alalahanin ko ang aking tipan sa iyo nang mga araw ng iyong kabataan, at aking itatatag sa iyo ang isang walang hanggang tipan.
61 Kung magkagayo'y alalahanin mo ang iyong mga lakad, at mapapahiya ka kapag dinala ko ang iyong mga kapatid na babae, ang iyong nakatatanda at nakababatang kapatid, at aking ibibigay sila sa iyo bilang mga anak na babae, ngunit hindi dahil sa pakikipagtipan sa iyo.
62 Aking itatatag ang aking tipan sa iyo, at iyong malalaman na ako ang Panginoon;
63 upang iyong maalala, at mapahiya ka, at kailan pa man ay hindi mo na ibuka ang iyong bibig dahil sa iyong kahihiyan, kapag aking pinatawad ka sa lahat ng iyong ginawa, sabi ng Panginoong Diyos.”
[53 At ang bawat isa sa kanila ay umuwi sa kanya-kanyang sariling bahay.
Ang Babaing Nahuli sa Pangangalunya
8 Samantala, si Jesus ay pumunta sa bundok ng mga Olibo.
2 Kinaumagahan, siya ay bumalik sa templo, at ang buong bayan ay lumapit sa kanya. Siya'y naupo at sila'y tinuruan.
3 Dinala sa kanya ng mga eskriba at ng mga Fariseo ang isang babaing nahuli sa pangangalunya. Nang kanilang patayuin siya sa gitna,
4 ay sinabi nila sa kanya, “Guro, nahuli ang babaing ito sa akto ng pangangalunya.
5 Sa(A) kautusan ay ipinag-utos sa amin ni Moises na batuhin ang mga ganyan. Ano ngayon ang iyong masasabi tungkol sa kanya?”
6 Ngunit ito'y kanilang sinabi upang siya'y subukin, upang sa kanya'y may maiparatang sila. Subalit yumuko si Jesus, at isinulat ang kanyang daliri sa lupa.
7 Habang sila'y nagpapatuloy ng pagtatanong sa kanya, tumayo siya at sinabi sa kanila, “Ang walang kasalanan sa inyo ang siyang unang bumato sa kanya.”
8 At muli siyang yumuko, at isinulat ang kanyang daliri sa lupa.
9 Nang ito'y kanilang marinig ay isa-isa silang umalis, simula sa mga matatanda. At si Jesus ay naiwang nag-iisa at ang babaing nakatayo sa gitna.
10 Tumayo si Jesus at sinabi sa kanya, “Babae, nasaan sila? Wala na bang ni isang humatol sa iyo?”
11 At sinabi niya, “Walang sinuman, Panginoon.” Sinabi ni Jesus, “Hindi rin kita hinahatulan. Humayo ka na at mula ngayo'y huwag ka nang magkasala.”[a]]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001