Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
41 Mapalad siya na nagbibigay-pansin sa dukha!
Ililigtas siya ng Panginoon sa araw na masama.
2 Iniingatan siya ng Panginoon at pinananatiling buháy
siya'y tatawaging pinagpala sa lupain;
hindi mo siya ibinigay sa kagustuhan ng kanyang mga kaaway.
3 Aalalayan siya ng Panginoon sa kanyang higaan ng karamdaman,
sa kanyang pagkakasakit ay iyong inaayos ang buo niyang higaan.
4 Tungkol sa akin, aking sinabi, “O Panginoon, sa akin ay maawa ka,
pagalingin mo ako, sapagkat laban sa iyo, ako'y nagkasala!”
5 Ang mga kaaway ko ay nagsalita ng kasamaan laban sa akin,
“Kailan siya mamamatay, at ang kanyang pangalan ay mapapawi rin?”
6 At nang siya'y pumarito upang tingnan ako, siya'y nagsasalita ng mga salitang walang laman,
habang ang kanyang puso ay nagtitipon ng kasamaan,
kapag siya'y lumabas, ipinamamalita niya ito.
7 Lahat ng napopoot sa akin ay nagbubulung-bulungan laban sa akin;
kanilang iniisip ang pinakamasama para sa akin.
8 Kanilang sinasabi, “Isang masamang bagay ang ibinuhos sa kanya,
hindi na siya muling babangon sa kanyang pagkahiga.”
9 Maging(A) ang matalik kong kaibigan na aking pinagtitiwalaan,
na kumain ng aking tinapay, ay nagtaas ng kanyang sakong sapagkat sa akin ay laban.
10 Ngunit ikaw, O Panginoon ko, maawa ka sa akin,
at ibangon mo ako, upang sa kanila'y makaganti ako!
11 Sa pamamagitan nito ay nalalaman ko na nalulugod ka sa akin,
dahil sa ang aking kaaway ay hindi sisigaw sa pagtatagumpay laban sa akin.
12 At tungkol sa akin, inaalalayan mo ako sa aking katapatan,
at inilalagay mo ako sa iyong harapan magpakailanman.
13 Purihin(B) ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
mula sa walang pasimula at hanggang sa walang hanggan.
Amen at Amen.
Mga Sugo mula sa Babilonia(A)
39 Nang panahong yaon, si Merodac-baladan na anak ni Baladan, na hari ng Babilonia, ay nagpadala ng mga sugo na may dalang mga sulat at regalo kay Hezekias, sapagkat nabalitaan niya na siya'y nagkasakit at gumaling.
2 At natuwa si Hezekias dahil sa kanila, at ipinakita sa kanila ang taguan ng kanyang kayamanan, ang pilak, ang ginto, ang mga pabango, ang mahalagang langis, ang lahat ng kanyang sandata, at lahat na nandoon sa kanyang mga imbakan. Walang bagay sa kanyang bahay, o sa buong sakop man niya, na hindi ipinakita ni Hezekias sa kanila.
3 Nang magkagayo'y pumunta si Isaias na propeta kay Haring Hezekias, at sinabi sa kanya, “Anong sinabi ng mga lalaking ito? At saan sila nanggaling upang makipagkita sa iyo?” Sinabi ni Hezekias, “Sila'y nagsiparito sa akin mula sa malayong lupain, mula sa Babilonia.”
4 Kanyang sinabi, “Ano ang kanilang nakita sa iyong bahay?” At sumagot si Hezekias, “Lahat ng nasa aking bahay ay kanilang nakita; walang anumang bagay sa aking mga imbakan na hindi ko ipinakita sa kanila.”
5 Nang magkagayo'y sinabi ni Isaias kay Hezekias, “Iyong pakinggan ang salita ng Panginoon ng mga hukbo:
6 Narito, ang mga araw ay dumarating, na ang lahat na nasa iyong bahay, at ang mga inipon ng iyong mga ninuno hanggang sa araw na ito, ay dadalhin sa Babilonia; walang maiiwan, sabi ng Panginoon.
7 At(B) ang iba sa iyong mga anak na ipapanganak sa iyo ay dadalhin. Sila'y magiging mga eunuko sa bahay ng hari ng Babilonia.”
8 Nang magkagayo'y sinabi ni Hezekias kay Isaias, “Mabuti ang salita ng Panginoon na iyong sinabi.” Sapagkat kanyang sinabi, “Magkakaroon ng kapayapaan at katotohanan sa aking mga araw.”
Pinapagaling ni Jesus ang Maraming Tao(A)
38 Umalis siya sa sinagoga at pumasok sa bahay ni Simon. Noon ay mataas ang lagnat ng biyenang babae ni Simon at pinakiusapan nila si Jesus[a] para sa kanya.
39 Tumayo si Jesus sa tabi niya at kanyang sinaway ang lagnat at umalis ito sa kanya. Kaagad siyang tumayo at naglingkod sa kanila.
40 Nang lumulubog na ang araw, dinala ng lahat sa kanya ang kanilang mga maysakit na sari-sari ang karamdaman at ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at sila'y pinagaling.
41 Lumabas din sa marami ang mga demonyo na nagsisisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Subalit kanyang sinaway sila, at hindi sila pinahintulutang magsalita, sapagkat alam nilang siya ang Cristo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001