Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 38

Awit ni David, para sa handog pang-alaala.

38 O Panginoon, sa pagkagalit mo ay huwag mo akong sawayin,
    ni sa iyong pagkapoot ay huwag mo akong supilin!
Sapagkat ang iyong mga palaso sa akin ay tumimo,
    at pumisil sa akin ang kamay mo.

Walang kaginhawahan sa aking laman
    dahil sa iyong kapootan;
walang kalusugan sa aking mga buto
    dahil sa aking kasalanan.
Sapagkat ang mga kasamaan ko ay nakarating sa ibabaw ng aking ulo,
    ang mga iyon ay gaya ng isang pasan na napakabigat para sa akin.

Ang aking mga sugat ay mabaho at nagnanana,
    dahil sa aking kahangalan.
Ako'y yukong-yuko at nakabulagta,
    ako'y tumatangis buong araw.
Sapagkat nag-iinit ang aking mga balakang,
    at walang kaginhawahan sa aking laman.
Nanghihina at bugbog ako;
    ako'y dumaing dahil sa bagabag ng aking puso.

Panginoon, lahat ng aking inaasam ay batid mo;
    ang aking hinagpis ay hindi lingid sa iyo.
10 Ang aking puso ay kakaba-kaba, ang aking lakas ay kinakapos,
    at ang liwanag ng aking paningin, sa akin ay nawala din.
11 Ang aking mga kaibigan at mga kasamahan ay walang malasakit sa aking kapighatian,
    at nakatayong napakalayo ang aking kamag-anakan.
12 Yaong mga nagtatangka sa aking buhay ay naglagay ng kanilang mga bitag,
    silang nagsisihanap ng aking ikapapahamak ay nagsasalita ng pagkawasak,
    at nag-iisip ng kataksilan sa buong araw.

13 Ngunit ako'y gaya ng taong bingi, hindi ako nakakarinig;
    gaya ng taong pipi na hindi nagbubuka ng kanyang bibig.
14 Oo, ako'y gaya ng tao na hindi nakakarinig,
    at walang pangangatuwiran sa aking bibig.

15 Ngunit sa iyo ako naghihintay, O Panginoon,
    ikaw, O Panginoon kong Diyos ang siyang tutugon.
16 Sapagkat aking sinabi, “Huwag mo lamang hayaang sila'y magalak laban sa akin,
    na laban sa akin ay nagmamataas kapag ang paa ko ay nadudulas!”

17 Sapagkat ako'y malapit nang matumba,
    at ang aking kirot ay nasa akin tuwina.
18 Ipinahahayag ko ang aking kasamaan;
    ako'y punô ng kabalisahan dahil sa aking kasalanan.
19 Yaong aking mga kaaway na walang kadahilanan ay makapangyarihan,
    at marami silang napopoot sa akin na wala sa katuwiran.
20 Silang gumaganti ng kasamaan sa aking kabutihan,
    ay aking mga kaaway sapagkat sinusunod ko ang kabutihan.

21 O Panginoon, huwag mo akong pabayaan;
    O Diyos ko, huwag mo akong layuan!
22 Magmadali kang ako'y tulungan,
    O Panginoon, aking kaligtasan!

Mikas 4:1-7

Ang Paghahari ng Kapayapaan ng Panginoon(A)

At nangyari sa mga huling araw,
    ang bundok ng bahay ng Panginoon
ay itatatag bilang pinakamataas sa mga bundok,
    at itataas sa mga burol;
at ang mga tao'y magpupuntahan doon,
    at maraming bansa ang darating at magsasabi,
“Halikayo, tayo'y umahon patungo sa bundok ng Panginoon,
    at sa bahay ng Diyos ni Jacob;
upang maituro niya sa atin ang kanyang mga daan,
    at tayo'y makalakad sa kanyang mga landas.”
Sapagkat mula sa Zion ay lalabas ang kautusan,
    at ang salita ng Panginoon mula sa Jerusalem.
Siya'y(B) hahatol sa gitna ng maraming bayan,
    at magpapasiya para sa malalakas na bansa sa malayo;
at kanilang papandayin ang kanilang mga tabak upang maging sudsod,
    at ang kanilang mga sibat upang maging karit;
ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa,
    ni magsasanay para sa pakikidigma.
Kundi(C) bawat isa'y uupo sa ilalim ng kanyang punong ubas at sa ilalim ng kanyang punong igos;
    at walang tatakot sa kanila;
    sapagkat sinalita ng bibig ng Panginoon ng mga hukbo.

Sapagkat ang lahat ng bayan ay lalakad
    bawat isa sa pangalan ng kanya-kanyang diyos,
ngunit tayo'y lalakad sa pangalan ng Panginoon nating Diyos
    magpakailanpaman.

Ang Israel ay Babalik mula sa Pagkabihag

Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon,
    titipunin ko ang pilay,
at titipunin ko ang mga itinapon,
    at ang aking mga pinahirapan.
Ang pilay ay gagawin kong nalabi,
    at ang mga itinapon ay isang malakas na bansa;
at ang Panginoon ay maghahari sa kanila sa bundok ng Zion
    mula ngayon hanggang sa walang hanggan.

2 Corinto 1:1-11

Pagbati

Si(A) Pablo, na apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at si Timoteo na ating kapatid, sa iglesya ng Diyos na nasa Corinto, kasama ng lahat ng mga banal na nasa buong Acaia:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Pasasalamat sa Gitna ng Paghihirap

Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng mga kaawaan at Diyos ng lahat ng kaaliwan;

na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian, upang maaliw natin ang nasa anumang kapighatian, sa pamamagitan ng kaaliwan na inialiw sa atin ng Diyos.

Sapagkat kung paanong sumasagana sa atin ang mga pagdurusa ni Cristo, sa pamamagitan ni Cristo ay sumasagana rin sa atin ang kaaliwan.

Subalit kung kami man ay pinahihirapan, ito ay para sa inyong kaaliwan at kaligtasan; at kung kami ay inaaliw, ito ay para sa inyong kaaliwan, na inyong dinanas kapag kayo'y matiyagang nagtitiis ng gayunding paghihirap na aming dinaranas.

Ang aming pag-asa tungkol sa inyo ay matatag, sapagkat nalalaman namin na habang kayo'y karamay sa aming pagdurusa, kayo ay karamay din sa aming kaaliwan.

Hindi(B) namin ibig na di ninyo malaman, mga kapatid, ang tungkol sa mga kapighatian na naranasan namin sa Asia, sapagkat lubha kaming nabigatan ng higit sa aming kaya, anupa't kami ay nawalan na ng pag-asang mabuhay.

Tunay na nadama namin na tinanggap na namin ang hatol na kamatayan, upang kami ay huwag magtiwala sa aming sarili, kundi sa Diyos na bumubuhay sa mga patay.

10 Siya na nagligtas sa amin mula sa kakilakilabot na kamatayan at patuloy na magliligtas; sa kanya ay inilalagak namin ang ating pag-asa na muli niya kaming ililigtas.

11 Dapat din ninyo kaming tulungan sa pamamagitan ng panalangin upang marami ang magpasalamat alang-alang sa amin para sa pagpapalang ipinagkaloob sa amin bilang kasagutan sa maraming mga panalangin.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001