Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ni David, para sa handog pang-alaala.
38 O Panginoon, sa pagkagalit mo ay huwag mo akong sawayin,
ni sa iyong pagkapoot ay huwag mo akong supilin!
2 Sapagkat ang iyong mga palaso sa akin ay tumimo,
at pumisil sa akin ang kamay mo.
3 Walang kaginhawahan sa aking laman
dahil sa iyong kapootan;
walang kalusugan sa aking mga buto
dahil sa aking kasalanan.
4 Sapagkat ang mga kasamaan ko ay nakarating sa ibabaw ng aking ulo,
ang mga iyon ay gaya ng isang pasan na napakabigat para sa akin.
5 Ang aking mga sugat ay mabaho at nagnanana,
dahil sa aking kahangalan.
6 Ako'y yukong-yuko at nakabulagta,
ako'y tumatangis buong araw.
7 Sapagkat nag-iinit ang aking mga balakang,
at walang kaginhawahan sa aking laman.
8 Nanghihina at bugbog ako;
ako'y dumaing dahil sa bagabag ng aking puso.
9 Panginoon, lahat ng aking inaasam ay batid mo;
ang aking hinagpis ay hindi lingid sa iyo.
10 Ang aking puso ay kakaba-kaba, ang aking lakas ay kinakapos,
at ang liwanag ng aking paningin, sa akin ay nawala din.
11 Ang aking mga kaibigan at mga kasamahan ay walang malasakit sa aking kapighatian,
at nakatayong napakalayo ang aking kamag-anakan.
12 Yaong mga nagtatangka sa aking buhay ay naglagay ng kanilang mga bitag,
silang nagsisihanap ng aking ikapapahamak ay nagsasalita ng pagkawasak,
at nag-iisip ng kataksilan sa buong araw.
13 Ngunit ako'y gaya ng taong bingi, hindi ako nakakarinig;
gaya ng taong pipi na hindi nagbubuka ng kanyang bibig.
14 Oo, ako'y gaya ng tao na hindi nakakarinig,
at walang pangangatuwiran sa aking bibig.
15 Ngunit sa iyo ako naghihintay, O Panginoon,
ikaw, O Panginoon kong Diyos ang siyang tutugon.
16 Sapagkat aking sinabi, “Huwag mo lamang hayaang sila'y magalak laban sa akin,
na laban sa akin ay nagmamataas kapag ang paa ko ay nadudulas!”
17 Sapagkat ako'y malapit nang matumba,
at ang aking kirot ay nasa akin tuwina.
18 Ipinahahayag ko ang aking kasamaan;
ako'y punô ng kabalisahan dahil sa aking kasalanan.
19 Yaong aking mga kaaway na walang kadahilanan ay makapangyarihan,
at marami silang napopoot sa akin na wala sa katuwiran.
20 Silang gumaganti ng kasamaan sa aking kabutihan,
ay aking mga kaaway sapagkat sinusunod ko ang kabutihan.
21 O Panginoon, huwag mo akong pabayaan;
O Diyos ko, huwag mo akong layuan!
22 Magmadali kang ako'y tulungan,
O Panginoon, aking kaligtasan!
Paghingi ng Awa
5 Alalahanin mo, O Panginoon, kung ano ang nangyari sa amin.
Iyong masdan, at tingnan ang aming kahihiyan!
2 Ang aming mana ay ibinigay sa mga dayuhan,
ang aming mga bahay ay sa mga taga-ibang bayan.
3 Kami ay naging mga ulila at walang ama;
gaya ng mga balo ang aming mga ina.
4 Dapat kaming magbayad sa tubig na aming iniinom,
dapat naming bilhin ang kinukuha naming kahoy.
5 Ang mga humahabol sa amin ay nasa aming leeg;
kami ay pagod na, wala kaming kapahingahan.
6 Sa mga taga-Ehipto, kami ay nakipagkamay,
at sa mga taga-Asiria upang makakuha ng sapat na tinapay.
7 Ang aming mga ninuno ay nagkasala at wala na;
at kami ay nagpapasan ng mga kasamaan nila.
8 Mga alipin ang namumuno sa amin,
walang magliligtas sa amin sa kanilang kamay.
9 Nalalagay sa panganib ang aming buhay
upang makakuha ng tinapay, dahil sa tabak sa ilang.
10 Ang aming balat ay kasing-init ng pugon,
dahil sa nagniningas na init ng taggutom.
11 Ang mga babae sa Zion ay ginahasa nila,
ang mga dalaga sa mga bayan ng Juda.
12 Ang mga pinuno ay ibinitin sa kamay nila,
hindi iginagalang ang matatanda.
13 Ang mga binata ay pinagtrabaho sa gilingan,
at sa bigat ng kahoy ang mga bata ay nagpasuray-suray.
14 Iniwan na ng matatanda ang pintuang-bayan,
at ng mga binata ang kanilang mga tugtugan.
15 Ang kagalakan ng aming puso ay huminto na,
ang aming pagsasayaw ay napalitan ng pagluluksa.
16 Nahulog mula sa aming ulo ang korona;
kahabag-habag kami, sapagkat kami'y nagkasala!
17 Dahil dito ay nagkasakit ang aming puso,
dahil sa mga bagay na ito ang mga mata nami'y lumabo;
18 dahil sa bundok ng Zion na nawasak,
ang mga asong-gubat ay pagala-gala roon.
19 Ikaw, O Panginoon, magpakailanman ay naghahari,
ang iyong trono ay nananatili sa lahat ng salinlahi.
20 Bakit mo kami nililimot magpakailanman,
bakit mo kami pinababayaan nang kaytagal?
21 Ibalik mo kami sa iyo, O Panginoon, upang kami ay makapanumbalik!
Ibalik mo ang aming mga araw na gaya nang una.
22 Talaga bang kami'y iyo nang itinakuwil?
Ikaw ba ay lubhang galit na galit sa amin?
Ang Kapangyarihan ng Anak
19 Kaya't sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi makakagawa ng anuman ang Anak sa kanyang sarili kundi ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Sapagkat ang lahat ng mga bagay na kanyang ginagawa ay siya ring ginagawa ng Anak.
20 Sapagkat minamahal ng Ama ang Anak, at sa kanya'y ipinapakita ang lahat ng mga bagay na kanyang ginagawa, at lalong dakilang mga gawa kaysa mga ito ang ipapakita niya sa kanya upang kayo'y mamangha.
21 Sapagkat kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at sila'y binubuhay, gayundin naman binubuhay ng Anak ang sinumang nais niya.
22 Ang Ama'y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob niya sa Anak ang buong paghatol;
23 upang parangalan ng lahat ang Anak, na gaya rin ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na sa kanya'y nagsugo.
24 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang nakikinig ng aking salita at sumasampalataya sa kanya na nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan, at hindi darating sa kahatulan kundi lumipat na sa buhay mula sa kamatayan.
25 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, dumarating ang oras at ngayon na nga, na maririnig ng patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang makarinig ay mabubuhay.
26 Sapagkat kung paanong ang Ama ay may buhay sa kanyang sarili, ay pinagkalooban din niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili.
27 At siya'y binigyan niya ng kapangyarihang humatol sapagkat siya'y Anak ng Tao.
28 Huwag ninyong ipagtaka ito, sapagkat dumarating ang oras na ang lahat ng nasa libingan ay makakarinig ng kanyang tinig,
29 at(A) magsisilabas, ang mga gumawa ng mabuti ay tungo sa pagkabuhay na muli sa buhay, at ang mga gumawa ng masama ay tungo sa pagkabuhay na muli sa kahatulan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001