Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
41 Mapalad siya na nagbibigay-pansin sa dukha!
Ililigtas siya ng Panginoon sa araw na masama.
2 Iniingatan siya ng Panginoon at pinananatiling buháy
siya'y tatawaging pinagpala sa lupain;
hindi mo siya ibinigay sa kagustuhan ng kanyang mga kaaway.
3 Aalalayan siya ng Panginoon sa kanyang higaan ng karamdaman,
sa kanyang pagkakasakit ay iyong inaayos ang buo niyang higaan.
4 Tungkol sa akin, aking sinabi, “O Panginoon, sa akin ay maawa ka,
pagalingin mo ako, sapagkat laban sa iyo, ako'y nagkasala!”
5 Ang mga kaaway ko ay nagsalita ng kasamaan laban sa akin,
“Kailan siya mamamatay, at ang kanyang pangalan ay mapapawi rin?”
6 At nang siya'y pumarito upang tingnan ako, siya'y nagsasalita ng mga salitang walang laman,
habang ang kanyang puso ay nagtitipon ng kasamaan,
kapag siya'y lumabas, ipinamamalita niya ito.
7 Lahat ng napopoot sa akin ay nagbubulung-bulungan laban sa akin;
kanilang iniisip ang pinakamasama para sa akin.
8 Kanilang sinasabi, “Isang masamang bagay ang ibinuhos sa kanya,
hindi na siya muling babangon sa kanyang pagkahiga.”
9 Maging(A) ang matalik kong kaibigan na aking pinagtitiwalaan,
na kumain ng aking tinapay, ay nagtaas ng kanyang sakong sapagkat sa akin ay laban.
10 Ngunit ikaw, O Panginoon ko, maawa ka sa akin,
at ibangon mo ako, upang sa kanila'y makaganti ako!
11 Sa pamamagitan nito ay nalalaman ko na nalulugod ka sa akin,
dahil sa ang aking kaaway ay hindi sisigaw sa pagtatagumpay laban sa akin.
12 At tungkol sa akin, inaalalayan mo ako sa aking katapatan,
at inilalagay mo ako sa iyong harapan magpakailanman.
13 Purihin(B) ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
mula sa walang pasimula at hanggang sa walang hanggan.
Amen at Amen.
12 Pagkatapos ang Panginoon ay nagpakita kay Solomon sa gabi, at sinabi sa kanya, “Narinig ko ang iyong dalangin, at pinili ko ang dakong ito para sa aking sarili bilang bahay ng pag-aalay.
13 Kapag aking isinara ang langit upang huwag magkaroon ng ulan, o kung aking utusan ang balang upang lamunin ang lupain, o kung ako'y magsugo ng salot sa gitna ng aking bayan;
14 at kung ang aking bayan na tinatawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpakumbaba at manalangin, at hanapin ako[a] at tumalikod sa kanilang masasamang lakad; akin silang papakinggan mula sa langit, at patatawarin ko ang kanilang kasalanan at pagagalingin ang kanilang lupain.
15 Ngayon ang aking mga mata ay mabubuksan, at ang aking mga tainga ay makikinig sa panalangin na ginagawa sa dakong ito.
16 Sapagkat ngayon ay aking pinili at itinalaga ang bahay na ito upang ang aking pangalan ay manatili roon magpakailanman; ang aking mga mata at ang aking puso ay mananatili roon sa lahat ng panahon.
17 Tungkol sa iyo, kung ikaw ay lalakad sa harapan ko, gaya ng paglakad ni David na iyong ama, at iyong gagawin ang ayon sa lahat ng aking iniutos sa iyo, at iyong iingatan ang aking mga tuntunin at ang aking mga batas,
18 aking(A) patatatagin ang trono ng iyong kaharian, gaya ng aking ipinakipagtipan kay David na iyong ama, na sinasabi, ‘Hindi ka magkukulang ng lalaki na mamumuno sa Israel.’
19 “Ngunit kung kayo[b] ay humiwalay at talikuran ninyo ang aking mga tuntunin, at ang aking mga utos na aking inilagay sa harapan ninyo, at humayo at maglingkod sa ibang mga diyos at sambahin sila,
20 aking bubunutin sila sa aking lupain na aking ibinigay sa kanila; at ang bahay na ito na aking itinalaga para sa aking pangalan ay itataboy ko sa aking paningin, at gagawin kong isang kawikaan at isang bukambibig sa lahat ng mga bayan.
21 Sa bahay na ito na dakila, bawat magdaraan ay magtataka at magsasabi, ‘Bakit ganito ang ginawa ng Panginoon sa lupaing ito at sa bahay na ito?’
22 Kanilang sasabihin, ‘Sapagkat kanilang pinabayaan ang Panginoong Diyos ng kanilang mga ninuno na naglabas sa kanila sa lupain ng Ehipto, at bumaling sa ibang mga diyos, at sinamba at pinaglingkuran ang mga ito; kaya't kanyang dinala ang lahat ng kasamaang ito sa kanila.’”
2 Minamahal, aking idinadalangin na sa lahat ng mga bagay ay mapabuti ka at magkaroon ng kalusugan, kung paanong nasa mabuti ring kalagayan ang iyong kaluluwa.
3 Ako'y labis na nagalak nang dumating ang mga kapatid at nagpatotoong ikaw ay nasa katotohanan, kung paanong lumalakad ka sa katotohanan.
4 Wala nang higit pang kagalakan sa ganang akin na gaya nito, na marinig na ang aking mga anak ay lumalakad sa katotohanan.
Ang Mabuting Gawa ni Gayo
5 Minamahal, ginagawa mo ang tapat na gawa tuwing gagawa ka ng paglilingkod sa mga kapatid, at gayundin sa mga taga-ibang bayan,
6 sila'y nagpatotoo sa harap ng iglesya tungkol sa iyong pag-ibig. Mabuti ang magagawa mo kung isusugo mo sila sa kanilang paglalakbay sa paraang nararapat sa Diyos;
7 sapagkat humayo sila alang-alang sa Pangalan, na hindi tumanggap ng anuman mula sa mga Hentil.
8 Kaya't nararapat nating tustusan ang mga gayong tao, upang tayo'y maging mga kamanggagawa sa katotohanan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001