Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 103:1-13

Ang Pag-ibig ng Diyos

Awit ni David.

103 Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko;
    at lahat ng nasa loob ko,
    purihin ang kanyang banal na pangalan!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko,
    at huwag mong kalimutan ang lahat niyang mga biyaya—
na siyang nagpapatawad ng lahat mong mga kasamaan;
    na siyang nagpapagaling ng lahat mong karamdaman,
na siyang tumutubos ng iyong buhay sa Hukay:
    na siyang nagpuputong sa iyo ng habag at tapat na pagmamahal,
na siyang bumubusog sa iyong nasa ng mga mabubuting bagay;
    anupa't nababago na gaya ng sa agila ang iyong kabataan.

Ang Panginoon ay nagsasagawa ng mga matuwid na gawa
    at katarungan sa lahat ng naaapi.
Kanyang ipinaalam ang kanyang mga daan kay Moises,
    ang kanyang mga gawa sa mga anak ni Israel.
Ang(A) Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya,
    hindi magagalitin at sa tapat na pag-ibig ay sagana.
Hindi siya laging makikipaglaban,
    ni pananatilihin ang kanyang galit magpakailanman.
10 Hindi niya tayo pinakikitunguhan ayon sa ating mga kasalanan,
    ni ginantihan tayo nang ayon sa ating mga kasamaan.
11 Sapagkat kung paanong ang mga langit ay mataas kaysa lupa,
    ang kanyang tapat na pag-ibig sa mga natatakot sa kanya ay gayon kadakila!
12 Kung gaano ang layo ng silangan sa kanluran,
    gayon inilayo niya sa atin ang ating mga pagsuway.
13 Kung paanong ang ama ay nahahabag sa mga anak niya,
    gayon nahahabag ang Panginoon sa mga natatakot sa kanya.

Mga Awit 103:22

22 Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng kanyang mga gawa,
    sa lahat ng dako ng kanyang kapamahalaan.
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko.

Ezekiel 16:44-52

Kung Ano ang Puno ay Siyang Bunga

44 Narito, bawat gumagamit ng mga kawikaan ay gagamit ng kawikaang ito tungkol sa iyo, ‘Kung ano ang ina, gayon ang anak na babae.’

45 Ikaw ang anak na babae ng iyong ina, na namuhi sa kanyang asawa at sa kanyang mga anak. Ikaw ang kapatid ng iyong mga kapatid, na namuhi sa kanilang mga asawa at sa kanilang mga anak. Ang iyong ina ay isang Hetea, at ang iyong ama ay isang Amoreo.

46 Ang iyong nakatatandang kapatid na babae ay ang Samaria na naninirahang kasama ng kanyang mga anak na babae sa dakong hilaga mo; at ang iyong nakababatang kapatid na babae na naninirahan sa iyong timog ay ang Sodoma na kasama ang kanyang mga anak na babae.

47 Gayunma'y hindi ka nasiyahang lumakad sa kanilang mga lakad, o gumawa man ng ayon sa kanilang kasuklamsuklam. Sa loob lamang ng napakaigsing panahon ay higit kang naging masama kaysa kanila sa lahat ng iyong mga lakad.

48 Habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, ang Sodoma na iyong kapatid na babae at ang kanyang mga anak ay hindi gumawa ng gaya ng ginawa mo at ng iyong mga anak na babae.

49 Narito, ito ang kasamaan ng iyong kapatid na babae na Sodoma; siya at ang kanyang mga anak na babae ay may kapalaluan, labis na pagkain, at masaganang kaluwagan, ngunit hindi tinulungan ang dukha at nangangailangan.

50 Sila'y palalo at gumawa ng kasuklamsuklam na bagay sa harapan ko; kaya't aking inalis sila nang makita ko iyon.

51 Ang Samaria ay hindi nakagawa ng kalahati ng iyong mga kasalanan. Nakagawa ka ng higit na mga kasuklamsuklam kaysa kanila, at pinalabas mong higit na matuwid ang iyong mga kapatid na babae sa pamamagitan ng lahat ng mga kasuklamsuklam na iyong ginawa.

52 Pasanin mo rin ang iyong kahihiyan, sapagkat nagbigay ka ng mabuting paghatol sa iyong mga kapatid na babae; dahil sa iyong mga kasalanan na iyong nagawa na higit na kasuklamsuklam kaysa kanila, sila'y higit na matuwid kaysa iyo. Kaya't mahiya ka rin, at pasanin mo ang iyong kahihiyan, sapagkat pinalabas mong matuwid ang iyong mga kapatid na babae.

2 Pedro 1:1-11

Pagbati

Si Simon[a] Pedro, alipin at apostol ni Jesu-Cristo,

Sa mga tumanggap ng mahalagang pananampalataya na gaya ng sa amin sa pamamagitan ng katuwiran ng ating Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo:

Sumagana nawa sa inyo ang biyaya at kapayapaan sa pagkakilala sa Diyos at kay Jesus na Panginoon natin.

Ang Pagtawag at Pagpili ng Diyos

Ipinagkaloob sa atin ng kanyang banal na kapangyarihan ang lahat ng mga bagay na kailangan sa buhay at pagiging maka-Diyos, sa pamamagitan ng pagkakilala sa kanya na tumawag sa atin sa kanyang sariling kaluwalhatian at kabutihan.

Gayon niya ipinagkaloob sa atin ang kanyang mahahalaga at mga dakilang pangako upang sa pamamagitan ng mga ito ay makatakas kayo sa kabulukang nasa sanlibutan dahil sa masamang pagnanasa, at maging kabahagi kayo sa likas ng Diyos.

At dahil dito, gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya na tustusan ang inyong pananampalataya ng kabutihan; ang kabutihan ng kaalaman;

ang kaalaman ng pagpipigil; ang pagpipigil ng pagtitiis; ang pagtitiis ng pagiging maka-Diyos;

at ang pagiging maka-Diyos ng pagmamahal sa kapatid; at ang pagmamahal sa kapatid ng pag-ibig.

Sapagkat kung ang mga bagay na ito ay nasa inyo at dumarami, hindi kayo magiging mga walang saysay o mga walang bunga sa pagkakilala sa ating Panginoong Jesu-Cristo.

Sapagkat sinumang wala ng mga bagay na ito ay bulag at ang nasa malapit lamang ang nakikita, at nakalimutan na siya ay nilinis mula sa kanyang dating mga kasalanan.

10 Kaya, mga kapatid, lalong pagsikapan ninyo na patatagin ang pagkatawag at pagkapili sa inyo, sapagkat kung gawin ninyo ang mga bagay na ito, hindi kayo matitisod kailanman.

11 Sapagkat sa ganitong paraan ay masaganang ibibigay sa inyo ang pagpasok sa walang hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001