Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 38

Awit ni David, para sa handog pang-alaala.

38 O Panginoon, sa pagkagalit mo ay huwag mo akong sawayin,
    ni sa iyong pagkapoot ay huwag mo akong supilin!
Sapagkat ang iyong mga palaso sa akin ay tumimo,
    at pumisil sa akin ang kamay mo.

Walang kaginhawahan sa aking laman
    dahil sa iyong kapootan;
walang kalusugan sa aking mga buto
    dahil sa aking kasalanan.
Sapagkat ang mga kasamaan ko ay nakarating sa ibabaw ng aking ulo,
    ang mga iyon ay gaya ng isang pasan na napakabigat para sa akin.

Ang aking mga sugat ay mabaho at nagnanana,
    dahil sa aking kahangalan.
Ako'y yukong-yuko at nakabulagta,
    ako'y tumatangis buong araw.
Sapagkat nag-iinit ang aking mga balakang,
    at walang kaginhawahan sa aking laman.
Nanghihina at bugbog ako;
    ako'y dumaing dahil sa bagabag ng aking puso.

Panginoon, lahat ng aking inaasam ay batid mo;
    ang aking hinagpis ay hindi lingid sa iyo.
10 Ang aking puso ay kakaba-kaba, ang aking lakas ay kinakapos,
    at ang liwanag ng aking paningin, sa akin ay nawala din.
11 Ang aking mga kaibigan at mga kasamahan ay walang malasakit sa aking kapighatian,
    at nakatayong napakalayo ang aking kamag-anakan.
12 Yaong mga nagtatangka sa aking buhay ay naglagay ng kanilang mga bitag,
    silang nagsisihanap ng aking ikapapahamak ay nagsasalita ng pagkawasak,
    at nag-iisip ng kataksilan sa buong araw.

13 Ngunit ako'y gaya ng taong bingi, hindi ako nakakarinig;
    gaya ng taong pipi na hindi nagbubuka ng kanyang bibig.
14 Oo, ako'y gaya ng tao na hindi nakakarinig,
    at walang pangangatuwiran sa aking bibig.

15 Ngunit sa iyo ako naghihintay, O Panginoon,
    ikaw, O Panginoon kong Diyos ang siyang tutugon.
16 Sapagkat aking sinabi, “Huwag mo lamang hayaang sila'y magalak laban sa akin,
    na laban sa akin ay nagmamataas kapag ang paa ko ay nadudulas!”

17 Sapagkat ako'y malapit nang matumba,
    at ang aking kirot ay nasa akin tuwina.
18 Ipinahahayag ko ang aking kasamaan;
    ako'y punô ng kabalisahan dahil sa aking kasalanan.
19 Yaong aking mga kaaway na walang kadahilanan ay makapangyarihan,
    at marami silang napopoot sa akin na wala sa katuwiran.
20 Silang gumaganti ng kasamaan sa aking kabutihan,
    ay aking mga kaaway sapagkat sinusunod ko ang kabutihan.

21 O Panginoon, huwag mo akong pabayaan;
    O Diyos ko, huwag mo akong layuan!
22 Magmadali kang ako'y tulungan,
    O Panginoon, aking kaligtasan!

Isaias 30:18-26

Ang Pangako sa mga Hinirang

18 Kaya't naghihintay ang Panginoon, na maging mapagbiyaya sa inyo;
    kaya't siya'y babangon, upang magpakita ng habag sa inyo.
Sapagkat ang Panginoon ay Diyos ng katarungan;
    mapapalad ang lahat na naghihintay sa kanya.

19 Ang bayan ng Zion na naninirahan sa Jerusalem; tiyak na hindi ka iiyak. Siya'y tiyak na magiging mapagbiyaya sa iyo sa tinig ng iyong daing; kapag kanyang maririnig, sasagutin ka niya.

20 At bagaman bigyan kayo ng Panginoon ng tinapay ng paghihirap at ng tubig ng kapighatian, gayunma'y hindi na makukubli pa ang iyong mga tagapagturo, kundi makikita ng iyong mga mata ang iyong mga tagapagturo.

21 At ang iyong mga pandinig ay makakarinig ng salita sa likuran mo, na nagsasabi, “Ito ang daan, lakaran ninyo,” kapag kayo'y pumipihit sa kanan, at kapag kayo'y pumipihit sa kaliwa.

22 At inyong lalapastanganin ang inyong mga larawang pilak na inanyuan at ang inyong mga hinulmang larawan na tubog sa ginto. Iyong ikakalat ang mga iyon na gaya ng maruming bagay. Iyong sasabihin sa mga iyon, “Lumayas kayo.”

23 At siya ay magbibigay ng ulan sa iyong binhi na iyong inihasik sa lupa, at ng tinapay na bunga ng lupa na magiging mataba at sagana. Sa araw na iyon ay manginginain ang iyong mga hayop sa mga malaking pastulan.

24 Ang mga baka at ang mga batang asno na nagbubungkal ng lupa ay kakain ng masarap na pagkain, na pinahanginan ng pala at kalaykay.

25 At sa bawat matataas na bundok at bawat mataas na burol ay magkakaroon ng sapa na may umaagos na tubig, sa araw ng malaking patayan, kapag ang mga muog ay mabuwal.

26 Bukod dito'y ang liwanag ng buwan ay magiging gaya ng liwanag ng araw, at ang liwanag ng araw ay magiging pitong ulit, na gaya ng liwanag ng pitong araw, sa araw na talian ng Panginoon ang sugat ng kanyang bayan, at pagalingin ang sugat na dulot ng kanyang pagpalo.

Mga Gawa 14:8-18

Sa Listra

Sa Listra ay may isang lalaking nakaupo, na walang lakas ang mga paa at kailanma'y hindi makalakad sapagkat pilay na siya mula nang ipanganak.

Nakinig siya sa pagsasalita ni Pablo. Nang titigan siya ni Pablo at makitang mayroon siyang pananampalataya upang mapagaling,

10 ay sinabi niya sa malakas na tinig, “Tumindig ka nang matuwid sa iyong mga paa.” At ang lalaki[a] ay lumukso at nagpalakad-lakad.

11 Nang makita ng maraming tao ang ginawa ni Pablo, nagsigawan sila na sinasabi sa wikang Licaonia, “Ang mga diyos ay bumaba sa atin sa anyo ng mga tao!”

12 Tinawag nilang Zeus[b] si Bernabe at Hermes[c] si Pablo, sapagkat siya ang pangunahing tagapagsalita.

13 Ang pari ni Zeus[d] na ang templo ay nasa harap ng lunsod ay nagdala ng mga baka at mga putong na bulaklak sa mga pintuang-daan, at ibig maghandog kasama ng napakaraming tao.

14 Ngunit nang marinig ito ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang mga damit at tumakbo sa gitna ng karamihan, na sumisigaw,

15 “Mga(A) ginoo, bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito? Kami'y mga tao rin na gaya ninyo, nagdadala kami ng magandang balita sa inyo upang mula sa walang kabuluhang mga bagay na ito ay bumaling kayo sa Diyos na buháy, na siyang gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng nasa mga iyon.

16 Noong nakaraang mga panahon ay hinayaan niya ang lahat ng mga bansa na lumakad sa kanilang mga sariling daan.

17 Gayunman ay hindi niya hinayaang mawalan siya ng saksi sa paggawa ng mabuti—na nagbigay sa inyo ng ulan mula sa langit at ng masasaganang panahon, at pinupuno kayo ng pagkain at ang inyong mga puso ng kagalakan.”

18 Maging sa pamamagitan ng mga pananalitang ito ay bahagya na nilang napigil ang mga tao sa paghahandog sa kanila.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001