Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
1 Samuel 8:4-11

Nang magkagayo'y nagpipisan ang mga matanda ng Israel, at naparoon kay Samuel sa Ramatha;

At kanilang sinabi sa kaniya, Narito, ikaw ay matanda na, at ang iyong mga anak ay hindi lumalakad sa iyong mga daan: ngayon nga'y (A)lagyan mo kami ng isang hari upang humatol sa amin gaya ng lahat ng mga bansa.

Nguni't hindi minabuti ni Samuel, nang kanilang sabihin, Bigyan mo kami ng isang hari upang humatol sa amin. At si Samuel ay nanalangin sa Panginoon.

At sinabi ng Panginoon kay Samuel, Dinggin mo ang tinig ng bayan sa lahat ng kanilang sinasabi sa iyo; sapagka't (B)hindi ikaw ang kanilang itinakuwil, kundi itinakuwil nila (C)ako, upang huwag akong maghari sa kanila.

Ayon sa lahat na gawa na kanilang ginawa mula nang araw na iahon ko sila mula sa Egipto hanggang sa araw na ito, sa kanilang pagiiwan sa akin, at paglilingkod sa ibang mga dios ay gayon ang ginagawa nila sa iyo.

Ngayon nga'y (D)dinggin mo ang kanilang tinig: gayon ma'y tatanggi kang mainam sa kanila, (E)at ipakikilala mo sa kanila ang paraan ng hari na maghahari sa kanila.

Si Samuel ay tumutol nguni't sumangayon din sa mahigpit nilang paghingi.

10 At isinaysay ni Samuel ang buong salita ng Panginoon sa bayan na humihingi sa kaniya ng isang hari.

11 At kaniyang sinabi, (F)Ito ang magiging paraan ng hari na maghahari sa inyo: kaniyang kukunin ang inyong mga anak at kaniyang ilalagay sa kaniyang mga karo, at upang maging mga mangangabayo niya; at sila'y tatakbo sa unahan ng kaniyang mga karo;

1 Samuel 8:12-15

12 At kaniyang mga ihahalal sa kaniya na mga kapitan ng lilibuhin at mga kapitan ng lilimangpuin; at ang iba ay upang (A)umararo ng kaniyang lupa, at umani ng kaniyang aanihin, at upang gumawa ng kaniyang mga sangkap na pangdigma, at sangkap sa kaniyang mga karo.

13 At kaniyang kukunin ang inyong mga anak na babae upang maging (B)mga manggagawa ng pabango, at maging mga tagapagluto, at maging mga magtitinapay.

14 (C)At kaniyang kukunin ang inyong mga bukid, at ang inyong mga ubasan, at ang inyong mga olibohan, sa makatuwid baga'y ang pinakamabuti sa mga yaon, upang mga ibigay sa kaniyang mga lingkod.

15 At kaniyang kukunin ang ika-sangpung bahagi ng inyong binhi, at ng inyong mga ubasan, at ibibigay sa kaniyang mga punong kawal, at sa kaniyang mga lingkod.

1 Samuel 8:16-20

16 At kaniyang kukunin ang inyong mga aliping lalake at babae, at ang inyong pinakamabuting bataan, at ang inyong mga asno, at mga ilalagay sa kaniyang mga gawain.

17 Kaniyang kukunin ang ikasangpung bahagi ng inyong mga kawan: at kayo'y magiging kaniyang mga lingkod.

18 At kayo'y dadaing sa araw na yaon, dahil sa inyong hari na inyong pipiliin; (A)at hindi kayo sasagutin ng Panginoon sa araw na yaon.

19 Nguni't tinanggihang dinggin ng bayan ang tinig ni Samuel; at kanilang sinabi, Hindi; kundi magkakaroon kami ng hari sa amin;

20 Upang kami naman ay (B)maging gaya ng lahat ng mga bansa, at upang hatulan kami ng aming hari, at lumabas sa unahan namin, at ipakipaglaban ang aming pakikipagbaka.

1 Samuel 11:14-15

14 Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel sa bayan, Halikayo at tayo'y paroon sa (A)Gilgal, at ating baguhin ang kaharian doon.

15 At ang buong bayan ay naparoon sa Gilgal; at doo'y ginawa nilang hari sa Gilgal si Saul (B)sa harap ng Panginoon; (C)at doo'y naghain sila ng mga hain na mga handog tungkol sa kapayapaan sa harap ng Panginoon; at si Saul at ang lahat ng mga lalake sa Israel ay nagalak na mainam doon.

Mga Awit 138

Pagpapasalamat sa pagkatig ng Panginoon. Awit ni David.

138 Ako'y magpapasalamat sa iyo ng aking buong puso:
(A)Sa harap ng mga dios ay aawit ako ng mga pagpuri sa iyo.
Ako'y sasamba sa dako ng iyong banal na templo,
At (B)magpapasalamat sa iyong pangalan, dahil sa iyong kagandahang-loob at dahil sa iyong katotohanan:
Sapagka't iyong pinadakila ang iyong salita sa iyong buong pangalan.
Nang araw na ako'y tumawag ay sinagot mo ako,
Iyong pinatapang ako ng kalakasan sa aking kaluluwa.
Lahat ng mga hari sa lupa (C)ay mangagpapasalamat sa iyo, Oh Panginoon,
Sapagka't kanilang narinig ang mga salita ng iyong bibig.
Oo, sila'y magsisiawit tungkol sa mga daan ng Panginoon;
Sapagka't dakila ang kaluwalhatian ng Panginoon.
(D)Sapagka't bagaman ang Panginoon ay mataas, (E)gumagalang din sa mababa:
Nguni't ang hambog ay nakikilala niya mula sa malayo.
(F)Bagaman ako'y lumakad sa gitna ng kabagabagan, iyong bubuhayin ako;
Iyong iuunat ang iyong kamay laban sa poot ng aking mga kaaway,
At ililigtas ako ng iyong kanan.
(G)Pasasakdalin ng Panginoon ang tungkol sa akin:
Ang iyong kagandahang-loob, Oh Panginoon, ay magpakailan man;
(H)Huwag mong pabayaan ang mga gawa ng iyong sariling mga kamay.

2 Corinto 4:13-5:1

13 Nguni't yamang mayroong gayon ding espiritu ng pananampalataya, na gaya ng nasusulat, (A)Sumampalataya ako, at kaya't nagsalita ako; kami naman ay nagsisisampalataya, at kaya't kami naman ay nangagsasalita;

14 Na aming nalalaman na ang bumuhay na maguli sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay na maguli sa amin na kalakip ni Jesus, at ihaharap kaming kasama ninyo.

15 Sapagka't ang (B)lahat ng mga bagay ay dahil sa inyo, upang ang biyaya na (C)pinarami sa pamamagitan ng marami, ay siyang magpasagana ng pagpapasalamat sa ikaluluwalhati ng Dios.

16 Kaya nga (D)hindi kami nanghihimagod; bagama't ang aming pagkataong labas ay pahina, nguni't (E)ang aming pagkataong loob ay nababago sa araw-araw.

17 Sapagka't ang aming magaang kapighatian, (F)na sa isang sangdali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng lalo't lalong bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan;

18 Samantalang kami ay nagsisitingin hindi (G)sa mga bagay na nangakikita, kundi sa mga bagay na hindi nangakikita: sapagka't ang mga bagay na nangakikita ay may katapusan; datapuwa't ang mga bagay na hindi nangakikita ay walang hanggan.

Sapagka't nalalaman namin na kung masira (H)ang aming bahay na tabernakulong ukol sa lupa, ay mayroong kaming isang gusaling mula sa Dios, bahay na (I)hindi gawa ng mga kamay, walang hanggan, sa sangkalangitan.

Marcos 3:20-35

20 At muling nagkatipon ang karamihan, (A)ano pa't sila'y hindi man lamang makakain ng tinapay.

21 At nang mabalitaan yaon (B)ng kaniyang mga kaibigan, ay nagsilabas sila upang siya'y hulihin: (C)sapagka't kanilang sinabi, Sira ang kaniyang bait.

22 At sinabi ng mga eskriba na nagsibaba mula sa Jerusalem, (D)Nasa kaniya si Beelzebub, at, Sa pamamagitan ng prinsipe ng mga demonio ay nagpapalabas siya ng mga demonio.

23 At sila'y kaniyang pinalapit sa kaniya, at sinabi (E)sa kanila sa mga talinghaga, Paanong mapalalabas ni Satanas si Satanas?

24 At kung ang isang kaharian ay magkabahabahagi laban sa kaniyang sarili, hindi mangyayaring makapanatili ang kaharian yaon.

25 At kung ang isang bahay ay magkabahabahagi laban sa kaniyang sarili, ay hindi mangyayaring makapanatili ang bahay na yaon.

26 At kung manghihimagsik si Satanas laban sa kaniyang sarili, at magkabahabahagi, hindi siya makapanananatili, kundi magkakaroon ng isang wakas.

27 Datapuwa't walang makapapasok sa bahay ng malakas na tao, at samsamin ang kaniyang mga pagaari, malibang gapusin muna niya ang malakas na tao; at kung magkagayo'y masasamsaman ang kaniyang bahay.

28 (F)Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ipatatawad ang lahat ng kanilang mga kasalanan sa mga anak ng mga tao, at ang mga kapusungan nila kailan ma't sila'y mangagsasalita ng kapusungan:

29 Datapuwa't sinomang magsalita ng kapusungan laban sa Espiritu Santo ay walang kapatawaran magpakailan man, kundi may kasalanan ng isang kasalanang walang hanggan:

30 Sapagka't sinabi nila, Siya'y may isang karumaldumal na espiritu.

31 At (G)dumating nga ang kaniyang ina at ang (H)kaniyang mga kapatid; at, palibhasa'y nangakatayo sila sa labas, ay nangagpasugo sila sa kaniya, na siya'y tinatawag.

32 At nangakaupo ang isang karamihan sa palibot niya; at sinabi nila sa kaniya, Narito, nangasa labas ang iyong ina at ang iyong mga kapatid na hinahanap ka.

33 At sinagot niya sila, at sinabi, Sino ang aking ina at aking mga kapatid?

34 At paglingap niya sa nangakaupo sa palibot niya, ay sinabi niya, Narito, ang aking ina at aking mga kapatid!

35 Sapagka't sinomang gumaganap ng kalooban ng Dios, ito'y ang aking kapatid na lalake, at aking kapatid na babae, at ina.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978