Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Mga Awit 121

Ang Panginoon ang tagapagingat ng kaniyang bayan. Awit sa mga Pagsampa.

121 Ititingin ko ang aking mga mata sa (A)mga bundok;
Saan baga manggagaling ang aking saklolo?
(B)Ang saklolo sa akin ay nanggagaling sa Panginoon,
Na gumawa ng langit at lupa.
(C)Hindi niya titiising ang paa mo'y makilos:
Siyang nagiingat sa iyo, ay (D)hindi iidlip.
Narito, siyang nagiingat ng Israel
Hindi iidlip ni matutulog man.
Ang Panginoon ay tagapagingat sa iyo:
Ang Panginoon ay (E)lilim mo sa iyong kanan.
Hindi ka sasaktan (F)ng araw sa araw,
Ni ng buwan man sa gabi.
Iingatan ka ng Panginoon sa lahat ng kasamaan;
Kaniyang (G)iingatan ang iyong kaluluwa.
(H)Iingatan ng Panginoon ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok,
Mula sa panahong ito at sa magpakailan pa man.

Exodo 12:29-42

Nilipol ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto.

29 (A)At nangyari sa hating gabi, na (B)nilipol ng Panginoon ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto, (C)mula sa panganay ni Faraon na nakaluklok sa kaniyang luklukan, hanggang sa panganay ng bilanggo na nasa bilangguan; at lahat ng panganay sa mga hayop.

30 At si Faraon ay bumangon sa kinagabihan, siya at lahat ng kaniyang mga lingkod, at lahat ng mga Egipcio, (D)at nagkaroon ng isang malakas na hiyawan sa Egipto; sapagka't walang bahay na di mayroong isang patay.

31 At kaniyang tinawag si Moises at si Aaron sa kinagabihan, at sinabi, Kayo'y bumangon, umalis kayo sa gitna ng aking bayan (E)kayo at sangpu ng mga anak ni Israel; at kayo'y yumaong maglingkod sa Panginoon, gaya ng inyong sinabi.

32 (F)Dalhin ninyo kapuwa ang inyong mga kawan at ang inyong mga bakahan, gaya ng inyong sinabi, at kayo'y yumaon: at pagpalain din naman ninyo ako.

33 (G)At pinapagmadali ng mga Egipcio, ang bayan, na madaliang pinaalis sila sa lupain; sapagka't kanilang sinabi, Kaming lahat ay patay na.

34 At dinala ng bayan ang kanilang masa bago humilab, na nababalot ang kanilang mga masa sa kanikanilang damit sa ibabaw ng kanikanilang balikat.

35 At ginawa ng mga anak ni Israel ayon sa salita ni Moises; at sila'y humingi sa mga Egipcio (H)ng mga hiyas na pilak, at mga hiyas na ginto, at mga damit:

36 At pinagbiyayaan ng Panginoon ang bayan sa paningin ng mga Egipcio, ano pa't ibinigay sa kanila anomang hingin nila. (I)At kanilang hinubaran ang mga Egipcio.

Ang pagalis mula sa Egipto.

37 At ang angkan ni Israel ay naglakbay mula sa (J)Rameses hanggang sa Succoth, (K)na may anim na raang libong lalake na naglakad, bukod pa ang mga bata.

38 At isang karamihang samasama ang sumampa rin namang kasabay nila; at mga kawan, at mga bakahan, na napakaraming hayop.

39 At kanilang nilutong mga munting tinapay na walang lebadura ang masa na kanilang kinuha sa Egipto, sapagka't hindi pa humihilab, (L)sapagka't sila'y itinaboy sa Egipto, at hindi sila nakatigil o nakapaghanda man ng anomang pagkain.

40 Ang pakikipamayan nga ng mga anak ni Israel, na ipinakipamayan nila sa Egipto, (M)ay apat na raan at tatlong pung taon.

41 At nangyari sa katapusan ng apat na raan at tatlong pung taon, ng araw ding yaon ay nangyari, na ang lahat ng mga (N)hukbo ng Panginoon ay umalis sa lupain ng Egipto.

42 Ito ay isang gabing pangingilin sa Panginoon dahil sa paglalabas niya sa kanila sa lupain ng Egipto: ito ay yaong gabi ng Panginoon na ipangingilin ng lahat ng mga anak ni Israel sa buong panahon ng kanilang lahi.

Roma 13:1-7

13 Ang bawa't (A)kaluluwa ay pasakop sa matataas (B)na kapangyarihan: sapagka't walang kapangyarihan na hindi mula sa Dios; at ang mga kapangyarihang yao'y hinirang ng Dios.

Kaya nga't ang sumasalangsang sa kapangyarihan, ay sa utos ng Dios sumasalangsang: at ang mga nagsisalangsang ay magsisitanggap ng kahatulan sa kanilang sarili.

Sapagka't ang mga pinuno ay hindi kilabot sa gawang mabuti, kundi sa masama. At ibig mo bagang mawalaan ng takot sa may kapangyarihan? (C)gawin mo ang mabuti, at magkakamit ka ng kapurihan sa kaniya:

Sapagka't siya'y ministro ng Dios sa ikagagaling mo. Datapuwa't kung ginagawa mo ang masama, ay matakot ka; sapagka't hindi walang kabuluhan ang pagdadala niya ng tabak: sapagka't siya'y ministro ng Dios, tagapaghiganti sa ikagagalit sa gumagawa ng masama.

Kaya nga't dapat na kayo'y pasakop, hindi lamang dahil sa kagalitan, kundi naman dahil sa budhi.

Sapagka't dahil dito ay nagsisipagbayad naman kayo (D)ng buwis; sapagka't sila'y mga tagapangasiwa ng paglilingkod sa Dios, na nagsisipamahalang walang patid sa bagay na ito.

Ibigay ninyo sa lahat ang sa kanila'y nararapat: (E)buwis sa dapat buwisan; (F)ambag sa dapat ambagan; takot sa dapat katakutan; puri sa dapat papurihan.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978