Revised Common Lectionary (Complementary)
Sa Punong Mang-aawit. Salmo ni David. Isang Awit.
65 Magkakaroon ng katahimikan sa harapan mo
at papuri sa Zion, O Diyos;
at sa iyo'y isasagawa ang mga panata,
2 O ikaw na dumirinig ng panalangin!
Sa iyo'y lalapit ang lahat ng laman.
3 Mga kasamaan ay nananaig laban sa akin,
tungkol sa aming mga kasalanan, ito ay pinapatawad mo.
4 Mapalad ang tao na iyong pinipili at pinalalapit
upang manirahan sa iyong mga bulwagan!
Kami ay masisiyahan sa kabutihan ng iyong bahay,
ng iyong templong banal!
5 Sa pamamagitan ng mga gawaing kakilakilabot, sa katuwiran kami'y iyong sinasagot,
O Diyos ng aming kaligtasan;
ikaw na siyang tiwala ng lahat ng mga hangganan ng lupa,
at ng mga dagat na pinakamalayo.
6 Sa pamamagitan ng iyong lakas ay itinayo ang kabundukan,
palibhasa'y nabibigkisan ng kapangyarihan.
7 Ikaw ang nagpapatigil ng ugong ng mga karagatan,
ng ugong ng kanilang mga alon,
at ng pagkakaingay ng mga bayan.
8 Anupa't sila na naninirahan sa pinakamalayong hangganan ng lupa ay natatakot sa iyong mga tanda;
ang mga paglabas ng umaga at gabi ay pinasisigaw mo sa tuwa.
9 Ang lupa'y iyong dinadalaw at dinidiligan,
iyong pinayayamang mainam;
ang ilog ng Diyos ay punô ng tubig;
ang kanilang butil ay inihahanda mo,
sapagkat sa gayon inihanda mo ang lupa.
10 Dinidilig mo nang sagana ang mga tudling nito,
iyong pinapantay ang kanyang mga pilapil,
at pinalalambot ng ambon,
at pinagpapala ang paglago nito.
11 Pinuputungan mo ang taon ng iyong kasaganaan,
ang mga bakas ng iyong karwahe ay tumutulo ng katabaan.
12 Ang mga pastulan sa ilang ay umaapaw,
ang mga burol ay nabibigkisan ng kagalakan,
13 ang mga pastulan ay nabibihisan ng mga kawan;
ang mga libis ay natatakpan ng butil,
sila'y sumisigaw sa kagalakan, oo sila ay umaawit.
Ang mga Amoreo ay Natalo
10 Nang mabalitaan ni Adonizedek na hari ng Jerusalem kung paanong nasakop ni Josue ang Ai at ganap itong winasak (gaya ng kanyang ginawa sa Jerico at sa hari niyon, gayundin ang kanyang ginawa sa Ai at sa hari niyon), at kung paanong nakipagpayapaan sa kanila ang mga taga-Gibeon, at naging kasama nila;
2 sila ay masyadong natakot sapagkat ang Gibeon ay malaking lunsod na gaya ng isa sa mga lunsod ng hari, at sapagkat higit na malaki kaysa Ai, at ang lahat ng lalaki roon ay makapangyarihan.
3 Kaya't si Adonizedek na hari ng Jerusalem ay nagsugo kay Oham na hari ng Hebron, at kay Piram na hari ng Jarmut, at kay Jafia na hari ng Lakish, at kay Debir na hari ng Eglon na ipinasasabi,
4 “Pumarito kayo at tulungan ninyo ako, at patayin natin ang Gibeon, sapagkat ito ay nakipagpayapaan kay Josue at sa mga anak ni Israel.”
5 Kaya't tinipon ng limang hari ng mga Amoreo, ang hari ng Jerusalem, ang hari ng Hebron, ang hari ng Jarmut, ang hari ng Lakish, at ang hari ng Eglon ang kanilang hukbo at nagkampo laban sa Gibeon, at nakipagdigma laban dito.
6 At ang mga tao sa Gibeon ay nagpasugo kay Josue sa kampo sa Gilgal, na sinasabi, “Huwag mong iwan ang iyong mga lingkod. Pumarito ka agad sa amin, iligtas at tulungan mo kami, sapagkat ang lahat ng mga hari ng mga Amoreo na naninirahan sa lupaing maburol ay nagtipon laban sa amin.”
7 Kaya't umahon si Josue mula sa Gilgal, siya at ang buong bayang pandigma na kasama niya, at ang lahat ng mga matatapang na mandirigma.
8 Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag mo silang katakutan sapagkat ibinigay ko sila sa iyong mga kamay; walang lalaki sa kanila na makakatayo laban sa iyo.”
9 Kaya't si Josue ay biglang dumating sa kanila; siya'y umahon mula sa Gilgal sa buong magdamag.
10 Nilito sila ng Panginoon sa harapan ng Israel, at kanyang pinatay sila sa isang kakilakilabot na patayan sa Gibeon, at kanyang hinabol sila sa daang paahon sa Bet-horon at tinugis sila hanggang sa Azeka at sa Makeda.
11 Habang tumatakas sa harapan ng Israel samantalang sila'y pababa sa Bet-horon ay binagsakan sila ng Panginoon sa Azeka ng malalaking bato mula sa langit at sila'y namatay. Higit na marami ang namatay sa pamamagitan ng mga batong granizo kaysa pinatay ng mga anak ni Israel sa pamamagitan ng tabak.
12 Nang magkagayo'y nagsalita si Josue sa Panginoon nang araw na ibinigay ng Panginoon ang mga Amoreo sa harapan ng mga anak ni Israel; at kanyang sinabi sa paningin ng Israel,
“Araw, tumigil ka sa Gibeon;
at ikaw, Buwan, sa libis ng Aijalon.”
13 At(A) ang araw ay tumigil at ang buwan ay huminto,
hanggang sa ang bansa ay nakapaghiganti sa kanyang mga kaaway.
Hindi ba ito'y nakasulat sa aklat ni Jaser? Ang araw ay tumigil sa gitna ng langit, at hindi nagmadaling lumubog sa isang buong araw.
14 At hindi nagkaroon ng araw na gaya niyon bago noon o pagkatapos noon, na ang Panginoon ay nakinig sa tinig ng isang tao; sapagkat ipinakipaglaban ng Panginoon ang Israel.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(A)
45 Agad niyang pinasakay sa bangka ang kanyang mga alagad at pinauna sa kanya sa kabilang ibayo, sa Bethsaida, hanggang sa mapauwi na niya ang maraming tao.
46 Pagkatapos na makapagpaalam siya sa kanila, umakyat siya sa bundok upang manalangin.
47 Nang sumapit ang gabi, ang bangka ay nasa gitna ng dagat at siya'y nag-iisa sa lupa.
48 Pagkakita sa kanila na sila'y nahihirapan sa pagsagwan, sapagkat salungat sa kanila ang hangin, nang malapit na ang madaling araw,[a] lumapit siya sa kanila na lumalakad sa ibabaw ng dagat. Balak niyang lampasan sila,
49 ngunit nang makita nilang siya'y lumalakad sa ibabaw ng dagat, inakala nilang iyon ay isang multo at sila'y sumigaw;
50 sapagkat siya ay nakita nilang lahat at sila'y nasindak. Ngunit agad siyang nagsalita sa kanila at sinabi, “Lakasan ninyo ang inyong loob. Ako ito; huwag kayong matakot.”
51 Sumakay siya sa bangka kasama nila at tumigil ang hangin. At sila'y lubhang nanggilalas,
52 sapagkat hindi nila nauunawaan ang tungkol sa mga tinapay, kundi tumigas ang kanilang mga puso.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001