Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 92:1-4

Isang Awit para sa Sabbath.

92 Mabuti ang magpasalamat sa Panginoon,
    ang umawit ng mga papuri sa iyong pangalan, O Kataas-taasan,
ang magpahayag sa umaga ng iyong tapat na pagsuyo,
    at sa gabi ng katapatan mo,
sa tugtugin ng panugtog na may sampung kawad at ng alpa,
    at sa matunog na himig ng lira.
Sapagkat ikaw, Panginoon, pinasaya mo ako ng iyong gawa;
    sa mga gawa ng iyong mga kamay ay aawit ako sa kagalakan.

Mga Awit 92:12-15

12 Ang matuwid ay umuunlad na parang puno ng palma,
    at lumalagong gaya ng sedro sa Lebanon.
13 Sila'y nakatanim sa bahay ng Panginoon,
    sila'y lumalago sa mga bulwagan ng aming Diyos.
14 Sila'y namumunga pa rin sa katandaan;
    sila'y laging puno ng dagta at kasariwaan,
15 upang ipakilala na ang Panginoon ay matuwid;
    siya'y aking malaking bato, at walang kasamaan sa kanya.

2 Mga Hari 14:1-14

Si Haring Amasias ng Juda(A)

14 Nang ikalawang taon ni Joas na anak ni Jehoahaz na hari ng Israel, si Amasias na anak ni Joas na hari ng Juda ay nagsimulang maghari.

Siya'y dalawampu't limang taon nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari ng dalawampu't siyam na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jehoaddin na taga-Jerusalem.

Siya'y gumawa ng matuwid sa paningin ng Panginoon, gayunman ay hindi gaya ni David na kanyang magulang; kanyang ginawa ang ayon sa lahat ng ginawa ni Joas na kanyang ama.

Ngunit ang matataas na dako ay hindi inalis; ang taong-bayan ay nagpatuloy na nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako.

Nang matatag na ang kaharian sa kanyang kamay, pinatay niya ang kanyang mga lingkod na pumatay sa kanyang amang hari.

Ngunit(B) hindi niya pinatay ang mga anak ng mga mamamatay-tao ayon sa nasusulat sa aklat ng kautusan ni Moises, gaya ng iniutos ng Panginoon, na sinasabi, “Ang mga ama ay hindi papatayin dahil sa mga anak, o ang mga anak man ay papatayin dahil sa mga ama; kundi ang bawat tao ay mamamatay dahil sa kanyang sariling kasalanan.”

Siya'y pumatay ng sampung libong Edomita sa Libis ng Asin, at sinakop ang Sela nang salakayin niya ito, at tinawag itong Jokteel, na siyang pangalan nito hanggang sa araw na ito.

Nang magkagayo'y nagpadala ng mga sugo si Amasias kay Jehoas na anak ni Jehoahaz na anak ni Jehu, na hari ng Israel, na sinasabi, “Halika, tayo'y magharap sa isa't isa.”

At si Jehoas na hari ng Israel ay nagpasabi kay Amasias na hari ng Juda, “Ang isang damo na nasa Lebanon ay nagpasabi ng ganito sa isang sedro na nasa Lebanon, na sinasabi, ‘Ibigay mo ang iyong anak na babae upang maging asawa ng aking anak;’ at dumaan ang isang mabangis na hayop ng Lebanon at tinapakan ang damo.

10 Tunay na sinaktan mo ang Edom, at pinapagmataas ka ng iyong puso. Masiyahan ka sa iyong kaluwalhatian, at manatili ka sa bahay; sapagkat bakit ka gagawa ng kaguluhan upang ikaw ay mabuwal, ikaw at ang Juda na kasama mo?”

11 Ngunit ayaw makinig ni Amasias. Kaya't umahon si Jehoas na hari ng Israel, siya at si Amasias na hari ng Juda ay nagharap sa labanan sa Bet-shemes na sakop ng Juda.

12 Ang Juda ay nagapi ng Israel; at bawat isa ay tumakas patungo sa kanya-kanyang tirahan.

13 Nabihag ni Jehoas na hari ng Israel si Amasias na hari ng Juda, na anak ni Jehoas na anak ni Ahazias, sa Bet-shemes, at dumating sa Jerusalem, at ibinagsak ang pader ng Jerusalem na may habang apatnaraang siko mula sa pintuang-bayan ng Efraim hanggang sa pintuang-bayan ng Panulukan.

14 Kanyang sinamsam ang lahat ng ginto at pilak, at ang lahat ng sisidlang matatagpuan sa bahay ng Panginoon at sa kabang-yaman ng bahay ng hari, pati ang mga bihag, at siya'y bumalik sa Samaria.

Marcos 4:1-20

Ang Talinghaga ng Manghahasik(A)

Siya'y(B) muling nagpasimulang magturo sa tabi ng dagat. At nagtipon sa palibot niya ang napakaraming tao, kaya't siya'y sumakay sa isang bangkang nasa lawa at naupo roon. Ang lahat ng tao ay nasa dalampasigan.

Sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga at sa kanyang pagtuturo ay sinabi niya sa kanila,

“Makinig kayo. Ang isang manghahasik ay lumabas upang maghasik.

At nangyari, sa kanyang paghahasik, ang ilang binhi ay nahulog sa tabi ng daan at nagdatingan ang mga ibon at kinain ito.

Ang iba ay nahulog sa batuhan na doo'y walang maraming lupa. Agad itong sumibol sapagkat hindi malalim ang lupa.

Nang sumikat ang araw, nainitan ito at dahil sa walang ugat, ito'y natuyo.

Ang iba ay nahulog sa tinikan at lumaki ang mga tinik at sinakal ito, at ito'y hindi namunga.

Ang iba ay nahulog sa mabuting lupa at namunga, na tumataas, lumalago at namumunga ng tatlumpu, animnapu, at isandaan.”

At sinabi niya, “Ang may taingang pandinig ay makinig.”

Ang Layunin ng mga Talinghaga(C)

10 Nang siya'y mag-isa na, ang mga nasa palibot niya kasama ang labindalawa ay nagtanong sa kanya tungkol sa mga talinghaga.

11 At sinabi niya sa kanila, “Sa inyo ipinagkaloob ang hiwaga ng kaharian ng Diyos, ngunit sa kanilang nasa labas, ang lahat ng mga bagay ay ginagawa sa mga talinghaga;

12 upang(D) kung sa pagtingin ay hindi sila makakita; at sa pakikinig ay hindi sila makaunawa, baka sila'y magbalik-loob at mapatawad.”

13 At sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo nalalaman ang talinghagang ito? Paano nga ninyo mauunawaan ang lahat ng mga talinghaga?

14 Ang manghahasik ay naghahasik ng salita.

15 Ito ang mga nasa tabi ng daan na nahasikan ng salita. Nang kanilang mapakinggan ito, agad dumating si Satanas at inagaw ang salitang inihasik sa kanila.

16 Gayundin naman ang mga nahasik sa batuhan, nang marinig nila ang salita, agad nila itong tinanggap na may galak;

17 at hindi ito nagkaugat sa kanilang sarili, kundi panandalian lamang. Kaya't nang dumating ang kapighatian o ang mga pag-uusig dahil sa salita, kaagad silang tumatalikod.[a]

18 Ang iba'y nahasik sa tinikan. Ang mga ito ang nakinig ng salita,

19 ngunit ang mga alalahanin ng sanlibutan, ang pang-akit ng mga kayamanan, at ang mga pagnanasa sa ibang bagay ay pumasok at sinakal ang salita at ito'y hindi nakapamunga.

20 Ang mga ito ang nahasik sa mabuting lupa: narinig nila ang salita, tinanggap ito at namumunga ng tatlumpu, animnapu at isandaan.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001