Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 92:1-4

Isang Awit para sa Sabbath.

92 Mabuti ang magpasalamat sa Panginoon,
    ang umawit ng mga papuri sa iyong pangalan, O Kataas-taasan,
ang magpahayag sa umaga ng iyong tapat na pagsuyo,
    at sa gabi ng katapatan mo,
sa tugtugin ng panugtog na may sampung kawad at ng alpa,
    at sa matunog na himig ng lira.
Sapagkat ikaw, Panginoon, pinasaya mo ako ng iyong gawa;
    sa mga gawa ng iyong mga kamay ay aawit ako sa kagalakan.

Mga Awit 92:12-15

12 Ang matuwid ay umuunlad na parang puno ng palma,
    at lumalagong gaya ng sedro sa Lebanon.
13 Sila'y nakatanim sa bahay ng Panginoon,
    sila'y lumalago sa mga bulwagan ng aming Diyos.
14 Sila'y namumunga pa rin sa katandaan;
    sila'y laging puno ng dagta at kasariwaan,
15 upang ipakilala na ang Panginoon ay matuwid;
    siya'y aking malaking bato, at walang kasamaan sa kanya.

Genesis 3:14-24

Ang Diyos ay Naggawad

14 Sinabi ng Panginoong Diyos sa ahas,

“Sapagkat ginawa mo ito
    ay isinumpa ka nang higit sa lahat ng hayop,
    at nang higit sa bawat mailap na hayop sa parang;
ang iyong tiyan ang ipanggagapang mo,
    at alabok ang iyong kakainin
    sa lahat ng mga araw ng iyong buhay.
15 Maglalagay(A) ako sa iyo at sa babae ng pagkapoot sa isa't isa,
    at sa iyong binhi at sa kanyang binhi.
Ito ang dudurog ng iyong ulo,
    at ikaw ang dudurog ng kanyang sakong.”

16 Sinabi niya sa babae,

“Pararamihin ko ang paghihirap mo sa iyong paglilihi;
    manganganak kang may paghihirap,
ngunit ang iyong pagnanais ay para sa iyong asawa,
    at siya ang mamumuno sa iyo.”

17 At(B) kay Adan ay kanyang sinabi,

“Sapagkat nakinig ka sa tinig ng iyong asawa,
    at kumain ka ng bunga ng punungkahoy
na aking iniutos sa iyo na,
    ‘Huwag kang kakain niyon,’
sumpain ang lupa dahil sa iyo.
    Kakain ka mula sa kanya sa pamamagitan ng iyong mabigat na paggawa sa lahat ng mga araw ng iyong buhay;
18 mga tinik at dawag ang sisibol doon para sa iyo,
    at kakain ka ng tanim sa parang.
19 Sa pawis ng iyong mukha
    ay kakain ka ng tinapay,
hanggang ikaw ay bumalik sa lupa;
    sapagkat diyan ka kinuha.
Ikaw ay alabok
    at sa alabok ka babalik.”

20 Tinawag ng lalaki ang kanyang asawa na Eva[a] sapagkat siya ang naging ina ng lahat ng mga nabubuhay.

21 At iginawa ng Panginoong Diyos si Adan at ang kanyang asawa ng mga kasuotang balat at sila'y dinamitan.

Pinalayas sina Adan at Eva sa Halamanan

22 Sinabi(C) ng Panginoong Diyos, “Tingnan ninyo, ang tao'y naging parang isa sa atin, na nakakakilala ng mabuti at ng masama; at ngayon, baka iunat ang kanyang kamay at pumitas din ng bunga ng punungkahoy ng buhay, at kumain, at mabuhay magpakailanman.”

23 Kaya't pinalayas siya ng Panginoong Diyos sa halamanan ng Eden upang kanyang bungkalin ang lupaing pinagkunan sa kanya.

24 At kanyang itinaboy ang lalaki; at inilagay sa silanganan ng halamanan ng Eden ang mga kerubin at ang isang nagniningas na tabak na umiikot, upang bantayan ang daang patungo sa punungkahoy ng buhay.

Mga Hebreo 2:5-9

Naging Dakila sa Pagiging Hamak

Sapagkat hindi ipinasakop ng Diyos[a] sa mga anghel ang sanlibutang darating, na siya naming sinasabi,

Ngunit(A) may nagpatunay sa isang dako, na sinasabi,

“Ano ang tao upang siya'y iyong alalahanin?
    O ang anak ng tao upang siya'y iyong pagmalasakitan?
Siya'y ginawa mong mababa kaysa mga anghel nang sandaling panahon;
    siya'y pinutungan mo ng kaluwalhatian at ng karangalan,
    at siya'y inilagay mo sa ibabaw ng mga gawa ng iyong mga kamay.[b]
Ipinasakop mo ang lahat ng bagay sa ilalim ng kanyang mga paa.”

Nang masakop niya ang bawat bagay, wala siyang iniwan na hindi niya nasasakop. Ngunit ngayon ay hindi pa natin nakikitang nasasakop niya ang lahat ng mga bagay,

kundi nakikita natin si Jesus, na sa sandaling panahon ay ginawang mababa kaysa mga anghel, na dahil sa pagdurusa ng kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan, upang sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ay maranasan niya ang kamatayan alang-alang sa lahat.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001