Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ng Pag-akyat.
130 Mula sa kalaliman, O Panginoon, ako sa iyo'y dumaing!
2 Panginoon, tinig ko'y pakinggan!
Mga pandinig mo'y makinig sa tinig ng aking mga karaingan!
3 Kung ikaw, Panginoon, ay magtatala ng mga kasamaan,
O Panginoon, sino kayang makakatagal?
4 Ngunit sa iyo'y may kapatawaran,
upang ikaw ay katakutan.
5 Ako'y naghihintay sa Panginoon, naghihintay ang aking kaluluwa,
at sa kanyang salita ako ay umaasa;
6 sa Panginoon ay naghihintay ang aking kaluluwa,
higit pa kaysa bantay sa umaga;
tunay na higit pa kaysa bantay sa umaga.
7 O Israel, umasa ka sa Panginoon!
Sapagkat sa Panginoon ay may tapat na pagmamahal,
at sa kanya ay may saganang katubusan.
8 Ang(A) Israel ay tutubusin niya,
mula sa lahat niyang pagkakasala.
4 Ito ang kasaysayan tungkol sa langit at lupa, sa araw na likhain ng Panginoong Diyos ang langit at lupa.
Ang Halamanan ng Eden
5 Nang sa lupa ay wala pang tanim sa parang, at wala pang damo na tumutubo sa parang,—sapagkat hindi pa nagpapaulan ang Panginoong Diyos sa lupa at wala pang taong nagbubungkal ng lupa,
6 ngunit may isang ulap[a] na pumaitaas buhat sa lupa at dinilig ang buong kapatagan ng lupa.
7 At(A) nilalang ng Panginoong Diyos ang tao mula sa alabok ng lupa, at hiningahan ang mga butas ng kanyang ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging buháy na kaluluwa.
8 Naglagay ang Panginoong Diyos ng isang halamanan sa silangan ng Eden, at inilagay niya roon ang taong kanyang nilalang.
9 At(B) pinatubo ng Panginoong Diyos sa lupa ang lahat ng punungkahoy na nakakalugod sa paningin, at mabuting kainin; gayundin ang punungkahoy ng buhay sa gitna ng halamanan, at ang punungkahoy ng pagkaalam ng mabuti at masama.
10 May isang ilog na lumabas mula sa Eden upang diligin ang halamanan, at mula roo'y nahati at naging apat na ilog.
11 Ang pangalan ng una ay Pishon na siyang umaagos sa palibot ng buong lupain ng Havila, na doo'y may ginto;
12 at ang ginto sa lupang iyon ay mabuti; mayroon doong bedelio at batong onix.
13 Ang pangalan ng ikalawang ilog ay Gihon; na siyang umaagos sa palibot ng buong lupain ng Cus.
14 Ang pangalan ng ikatlong ilog ay Tigris na siyang umaagos sa silangan ng Asiria. At ang ikaapat na ilog ay ang Eufrates.
Ang Talinghaga ng Manghahasik(A)
4 Nang magtipon ang napakaraming tao at dumating ang mga tao mula sa bayan-bayan ay nagsalita siya sa pamamagitan ng isang talinghaga:
5 “Ang isang manghahasik ay humayo upang maghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, ang ilan ay nahulog sa tabi ng daan, napagyapakan, at ito'y kinain ng mga ibon sa himpapawid.
6 Ang iba'y nahulog sa bato at sa pagtubo nito, ito ay natuyo, sapagkat walang halumigmig.
7 At ang iba'y nahulog sa mga tinikan, at ang mga tinik ay tumubong kasama nito at ito'y sinakal.
8 At ang iba'y nahulog sa mabuting lupa, tumubo, at nagbunga ng tig-iisang daan.” Pagkatapos niyang sabihin ang mga bagay na ito, siya ay sumigaw, “Ang may mga taingang pandinig ay makinig.”
Ang Layunin ng mga Talinghaga(B)
9 Nang tanungin siya ng kanyang mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinghagang ito,
10 sinabi(C) niya, “Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga hiwaga ng kaharian ng Diyos; subalit sa iba'y nagsasalita ako sa mga talinghaga upang sa pagtingin ay hindi sila makakita, at sa pakikinig ay hindi sila makaunawa.
Ipinaliwanag ni Jesus ang Talinghaga ng Manghahasik(D)
11 “Ngayon, ito ang talinghaga: Ang binhi ay ang salita ng Diyos.
12 Ang mga nasa tabi ng daan ay ang mga nakinig, pagkatapos ay dumating ang diyablo, at inagaw ang salita mula sa kanilang mga puso upang hindi sila sumampalataya at maligtas.
13 At ang mga nasa bato ay sila na pagkatapos makarinig ay tinanggap na may galak ang salita, subalit ang mga ito'y walang ugat; sila'y sumampalataya nang sandaling panahon lamang at sa panahon ng pagsubok ay tumalikod.
14 Ang nahulog naman sa tinikan ay ang mga nakinig subalit sa kanilang pagpapatuloy ay sinakal sila ng mga alalahanin, mga kayamanan, at mga kalayawan sa buhay at ang kanilang bunga ay hindi gumulang.
15 At ang nahulog sa mabuting lupa ay sila na pagkatapos marinig ang salita, ay iningatan ito sa isang tapat at mabuting puso at nagbubunga na may pagtitiyaga.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001