Revised Common Lectionary (Complementary)
8 Narinig nila ang tinig ng Panginoong Diyos na lumalakad sa halamanan sa malamig na bahagi ng maghapon. Nagtago ang lalaki at ang kanyang asawa sa Panginoong Diyos sa mga punungkahoy sa halamanan.
9 Tinawag ng Panginoong Diyos ang lalaki at sa kanya'y sinabi, “Saan ka naroon?”
10 Sinabi niya, “Narinig ko ang iyong tinig sa halamanan at ako'y natakot, sapagkat ako'y hubad; at ako'y nagtago.”
11 At sinabi niya, “Sinong nagsabi sa iyong ikaw ay hubad? Kumain ka ba ng bunga ng punungkahoy, na iniutos ko sa iyong huwag mong kainin?”
12 Sinabi ng lalaki, “Ang babaing ibinigay mo na aking makakasama ang nagbigay sa akin ng bunga ng punungkahoy at ito'y aking kinain.”
13 Sinabi(A) ng Panginoong Diyos sa babae, “Ano itong iyong ginawa?” Sinabi ng babae, “Dinaya ako ng ahas, at ako'y kumain.”
Ang Diyos ay Naggawad
14 Sinabi ng Panginoong Diyos sa ahas,
“Sapagkat ginawa mo ito
ay isinumpa ka nang higit sa lahat ng hayop,
at nang higit sa bawat mailap na hayop sa parang;
ang iyong tiyan ang ipanggagapang mo,
at alabok ang iyong kakainin
sa lahat ng mga araw ng iyong buhay.
15 Maglalagay(B) ako sa iyo at sa babae ng pagkapoot sa isa't isa,
at sa iyong binhi at sa kanyang binhi.
Ito ang dudurog ng iyong ulo,
at ikaw ang dudurog ng kanyang sakong.”
Awit ng Pag-akyat.
130 Mula sa kalaliman, O Panginoon, ako sa iyo'y dumaing!
2 Panginoon, tinig ko'y pakinggan!
Mga pandinig mo'y makinig sa tinig ng aking mga karaingan!
3 Kung ikaw, Panginoon, ay magtatala ng mga kasamaan,
O Panginoon, sino kayang makakatagal?
4 Ngunit sa iyo'y may kapatawaran,
upang ikaw ay katakutan.
5 Ako'y naghihintay sa Panginoon, naghihintay ang aking kaluluwa,
at sa kanyang salita ako ay umaasa;
6 sa Panginoon ay naghihintay ang aking kaluluwa,
higit pa kaysa bantay sa umaga;
tunay na higit pa kaysa bantay sa umaga.
7 O Israel, umasa ka sa Panginoon!
Sapagkat sa Panginoon ay may tapat na pagmamahal,
at sa kanya ay may saganang katubusan.
8 Ang(A) Israel ay tutubusin niya,
mula sa lahat niyang pagkakasala.
13 Yamang(A) tayo ay mayroong parehong espiritu ng pananampalataya, na ayon sa bagay na nasusulat, “Sumampalataya ako, kaya't ako ay nagsasalita,” kami rin ay sumasampalataya, kaya't kami ay nagsasalita;
14 na aming nalalaman na ang bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa amin na kasama ni Jesus, at dadalhin kaming kasama ninyo sa kanyang harapan.
15 Sapagkat ang lahat ng mga bagay ay alang-alang sa inyo, upang ang biyaya, habang parami nang parami ang mga taong naaabot nito, ay magparami ng pagpapasalamat sa ikaluluwalhati ng Diyos.
Pamumuhay sa Pananampalataya
16 Kaya't kami ay hindi pinanghihinaan ng loob, bagamat ang aming panlabas na pagkatao ay nabubulok, ang aming panloob na pagkatao ay binabago sa araw-araw.
17 Sapagkat inihahanda tayo nitong magaan at panandaliang kapighatian para sa walang hanggan at di-masukat na kaluwalhatian,
18 sapagkat hindi kami tumitingin sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na hindi nakikita, sapagkat ang mga bagay na nakikita ay may katapusan, subalit ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.
5 Sapagkat nalalaman namin na kung mawasak ang aming tolda sa lupa, mayroon kaming isang gusaling mula sa Diyos, bahay na hindi gawa ng mga kamay, walang hanggan sa sangkalangitan.
Si Jesus at si Beelzebul(A)
20 At pumasok siya sa isang bahay, at muling nagkatipon ang maraming tao, kaya't sila'y hindi man lamang makakain.
21 Nang mabalitaan iyon ng kanyang sambahayan, lumabas sila upang siya'y pigilan sapagkat sinasabi ng mga tao, “Wala siya sa sarili.”
22 At(B) sinabi ng mga eskriba na bumaba mula sa Jerusalem, “Nasa kanya si Beelzebul. Sa pamamagitan ng pinuno ng mga demonyo ay nagpapalayas siya ng mga demonyo.”
23 Sila'y kanyang pinalapit sa kanya at nagsalita sa kanila sa mga talinghaga, “Paanong mapapalayas ni Satanas si Satanas?
24 Kung ang isang kaharian ay nagkakabaha-bahagi laban sa kanyang sarili, hindi makakatayo ang kahariang iyon.
25 At kung ang isang bahay naman ay nagkakabaha-bahagi laban sa kanyang sarili, hindi makakatayo ang bahay na iyon.
26 Kung maghihimagsik si Satanas laban sa kanyang sarili at magkabaha-bahagi, hindi siya makakatayo, kundi siya'y magwawakas.
27 Ngunit walang makakapasok sa bahay ng malakas na tao upang samsamin ang kanyang mga ari-arian, malibang gapusin muna niya ang malakas na tao; at kung magkagayo'y malolooban niya ang bahay nito.
28 “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na patatawarin ang lahat ng mga kasalanan ng anak ng mga tao at anumang paglapastangan na kanilang sabihin.
29 Ngunit(C) sinumang magsalita ng paglapastangan laban sa Espiritu Santo ay walang kapatawaran magpakailanman, kundi nagkakasala ng isang kasalanang walang hanggan,”
30 sapagkat sinabi nila, “Siya'y may masamang espiritu.”
Ang Ina at ang mga Kapatid ni Jesus(D)
31 Dumating ang kanyang ina at ang kanyang mga kapatid na lalaki. At nakatayo sila sa labas, nagpasugo sa kanya, at siya'y tinawag.
32 Nakaupo ang maraming tao sa palibot niya at sinabi nila sa kanya, “Nasa labas ang iyong ina at ang iyong mga kapatid, at hinahanap ka.”
33 Sumagot siya sa kanila, “Sino ang aking ina at ang aking mga kapatid?”
34 Tiningnan niya ang mga nakaupo sa palibot niya at sinabi, “Narito ang aking ina at ang aking mga kapatid!
35 Sapagkat sinumang gumaganap ng kalooban ng Diyos, ay siyang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ina.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001