Revised Common Lectionary (Complementary)
Maskil ni Asaf.
74 O Diyos, bakit mo kami itinakuwil magpakailanman?
Bakit ang iyong galit ay umuusok laban sa mga tupa ng iyong pastulan?
2 Alalahanin mo ang iyong kapulungan na iyong binili noong una,
na iyong tinubos upang maging lipi ng iyong mana!
At ang bundok ng Zion na iyong tinahanan.
3 Itaas mo ang iyong mga hakbang sa mga walang hanggang guho;
winasak ng kaaway ang lahat ng bagay sa santuwaryo!
4 Ang mga kaaway mo'y nagsisisigaw sa gitna ng iyong dakong tagpuan,
itinaas nila ang kanilang mga watawat na palatandaan.
5 Sila'y tila mga tao na nagtaas ng mga palakol
sa kagubatan ng mga punungkahoy.
6 At lahat ng mga kahoy na nililok
ay kanilang binasag ng palakol at mga pamukpok.
7 Kanilang sinunog ang iyong santuwaryo;
hanggang sa lupa,
nilapastangan nila ang tahanang dako ng pangalan mo.
8 Sinabi nila sa kanilang sarili, “Ganap namin silang lulupigin,”
kanilang sinunog ang lahat ng dakong tagpuan ng Diyos sa lupain.
9 Hindi namin nakikita ang aming mga palatandaan;
wala nang propeta pa;
at walang sinuman sa amin na nakakaalam kung hanggang kailan.
10 O Diyos, hanggang kailan manlilibak ang kaaway?
Lalapastanganin ba ng kaaway ang iyong pangalan magpakailanman?
11 Bakit mo iniuurong ang iyong kamay?
Mula sa loob ng iyong dibdib, puksain mo sila!
12 Gayunman ang Diyos na aking Hari ay mula nang una,
na gumagawa ng pagliligtas sa gitna ng lupa.
13 Hinawi(A) mo ang dagat sa pamamagitan ng iyong kalakasan,
binasag mo ang mga ulo ng mga dambuhala sa mga tubigan.
14 Dinurog(B) mo ang mga ulo ng Leviatan,
ibinigay mo siya bilang pagkain para sa mga nilalang sa ilang.
15 Ang mga bukal at mga batis ay iyong binuksan,
iyong tinuyo ang mga batis na palagiang dinadaluyan.
16 Iyo ang araw at ang gabi man;
iyong inihanda ang mga tanglaw at ang araw.
17 Itinakda mo ang lahat ng mga hangganan ng daigdig;
iyong ginawa ang tag-init at ang taglamig.
18 Alalahanin mo ito, O Panginoon, kung paanong nanlilibak ang kaaway,
at isang masamang bayan ang lumalait sa iyong pangalan.
19 Sa mababangis na hayop, ang kaluluwa ng iyong kalapati ay huwag mong ibigay,
huwag mong kalimutan ang buhay ng iyong dukha magpakailanman.
20 Magkaroon ka ng pagpapahalaga sa iyong tipan;
sapagkat ang madidilim na dako ng lupa ay punô ng mga tahanan ng karahasan.
21 Ang naaapi nawa'y huwag bumalik na may kahihiyan;
purihin nawa ng dukha at nangangailangan ang iyong pangalan.
22 Bumangon ka, O Diyos, ang usapin mo'y ipaglaban;
alalahanin mo kung paanong nililibak ka ng masasama buong araw!
23 Huwag mong kalilimutan ang sigawan ng iyong mga kaaway,
ang ingay ng iyong mga kaaway na patuloy na pumapailanglang!
17 Nang makita ni Ahab si Elias, sinabi ni Ahab sa kanya, “Ikaw ba iyan, ikaw na nanggugulo sa Israel?”
18 Siya'y sumagot, “Hindi ako ang nanggugulo sa Israel; kundi ikaw at ang sambahayan ng iyong ama, sapagkat inyong tinalikuran ang mga utos ng Panginoon, at sumunod sa mga Baal.
19 Ngayon nga'y magsugo ka, at tipunin mo sa akin ang buong Israel sa bundok Carmel, ang apatnaraan at limampung propeta ni Baal, at ang apatnaraang propeta ni Ashera na kumakain sa hapag ni Jezebel.”
Ang Paligsahan sa Bundok ng Carmel
20 Kaya't nagsugo si Ahab sa lahat ng mga anak ni Israel, at tinipon ang mga propeta sa bundok Carmel.
21 Si Elias ay lumapit sa buong bayan, at nagsabi, “Hanggang kailan kayo magpapatalun-talon sa dalawang magkaibang kuru-kuro? Kung ang Panginoon ay Diyos, sumunod kayo sa kanya, ngunit kung si Baal, sa kanya kayo sumunod.” At ang bayan ay hindi sumagot sa kanya kahit isang salita.
22 Nang magkagayo'y sinabi ni Elias sa bayan, “Ako at ako lamang ang naiwang propeta ng Panginoon; ngunit ang mga propeta ni Baal ay apatnaraan at limampung lalaki.
23 Bigyan ninyo kami ng dalawang baka; pumili sila para sa kanila ng isang baka, katayin, ilagay sa ibabaw ng kahoy, at huwag lagyan ng apoy sa ilalim. Ihahanda ko naman ang isang baka at ilalagay ko sa kahoy, at hindi ko ito lalagyan ng apoy.
24 Tawagin ninyo ang pangalan ng inyong diyos, at tatawagin ko ang pangalan ng Panginoon. Ang Diyos na sumagot sa pamamagitan ng apoy, ay siyang Diyos.” At ang buong bayan ay sumagot, “Mabuti ang pagkasabi.”
25 Pagkatapos ay sinabi ni Elias sa mga propeta ni Baal, “Pumili kayo ng isang baka para sa inyo, at una ninyong ihanda sapagkat kayo'y marami. Tawagin ninyo ang pangalan ng inyong diyos, ngunit huwag ninyong lagyan ng apoy.”
26 Kanilang kinuha ang baka na ibinigay sa kanila, kanilang inihanda, at tumawag sa pangalan ni Baal mula umaga hanggang tanghaling tapat, na nagsasabi, “O Baal, dinggin[a] mo kami.” Ngunit walang tinig at walang sumasagot. At sila'y lumukso sa palibot ng kanilang ginawang dambana.
27 Nang tanghaling tapat na, nilibak sila ni Elias, na sinasabi, “Sumigaw kayo nang malakas, sapagkat siya'y isang diyos; baka siya'y nagmumuni-muni, o nananabi, o nasa paglalakbay, o baka siya'y natutulog at kailangang gisingin.”
28 At sila'y nagsisigaw nang malakas, at sila'y naghiwa sa kanilang sarili ng tabak at mga patalim ayon sa kanilang kaugalian hanggang sa bumulwak ang dugo sa kanila.
29 Nang makaraan ang tanghaling tapat, sila'y nagngangawa hanggang sa oras ng paghahandog ng alay sa hapon, ngunit wala kahit tinig, walang sumasagot, walang nakikinig.
30 Pagkatapos ay sinabi ni Elias sa buong bayan, “Lumapit kayo sa akin.” At ang buong bayan ay lumapit sa kanya. Kanyang inayos ang bumagsak na dambana ng Panginoon.
31 Kumuha(A) si Elias ng labindalawang bato, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Jacob, na sa kanya ay dumating ang salita ng Panginoon na sinasabi, “Israel ang magiging pangalan mo.”
32 Sa pamamagitan ng mga bato ay nagtayo siya ng dambana sa pangalan ng Panginoon; at kanyang nilagyan ng hukay ang palibot ng dambana na ang lalim ay masisidlan ng dalawang takal na binhi.
33 Kanyang iniayos ang kahoy, kinatay ang baka at ipinatong sa kahoy. At kanyang sinabi, “Punuin ninyo ang apat na tapayan ng tubig, at ibuhos ninyo sa handog na sinusunog at sa kahoy.”
34 Kanyang sinabi, “Gawin ninyo ng ikalawang ulit,” at kanilang ginawa ng ikalawang ulit. At kanyang sinabi, “Gawin ninyo ng ikatlong ulit;” at kanilang ginawa ng ikatlong ulit.
35 Ang tubig ay umagos sa palibot ng dambana at napuno ng tubig ang hukay.
36 Sa oras ng paghahandog ng alay sa hapon, si Elias na propeta ay lumapit, at nagsabi, “O Panginoon, Diyos ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel. Ipakilala mo sa araw na ito, na ikaw ay Diyos sa Israel, at ako ay iyong lingkod, at aking ginawa ang lahat ng bagay na ito sa iyong pag-uutos.
37 Sagutin mo ako, O Panginoon. Sagutin mo ako, upang malaman ng bayang ito na ikaw Panginoon ay Diyos, at iyong pinanunumbalik ang kanilang mga puso.”
38 Nang magkagayo'y ang apoy ng Panginoon ay bumagsak at tinupok ang handog na sinusunog, ang kahoy, mga bato, alabok, at dinilaan ang tubig na nasa hukay.
39 Nang makita iyon ng buong bayan, sila'y nagpatirapa at kanilang sinabi, “Ang Panginoon ang siyang Diyos; ang Panginoon ang siyang Diyos.”
40 At sinabi ni Elias sa kanila, “Hulihin ninyo ang mga propeta ni Baal; huwag hayaang makatakas ang sinuman sa kanila.” At kanilang dinakip sila; sila'y ibinaba ni Elias sa batis ng Kison at pinatay roon.
Ang Pagkagapi kay Satanas
7 At kung matapos na ang isang libong taon, si Satanas ay pakakawalan sa kanyang bilangguan,
8 at(A) lalabas upang dayain ang mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, sa Gog at sa Magog, upang tipunin sila para sa pakikipagdigma; ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat.
9 Umakyat sila sa malawak na lupa at pinaligiran ang kampo ng mga banal, at ang lunsod na minamahal; ngunit bumaba ang apoy mula sa langit, at sila'y natupok.
10 At ang diyablo na dumaya sa kanila ay inihagis sa lawa ng apoy at asupre, na kinaroroonan din naman ng halimaw at ng bulaang propeta; at sila'y pahihirapan araw at gabi magpakailanpaman.
Ang Paghuhukom
11 At(B) nakita ko ang isang malaking tronong puti at ang nakaupo roon; ang lupa at ang langit ay tumakas sa kanyang harapan at walang natagpuang lugar para sa kanila.
12 At nakita ko ang mga patay, mga dakila at mga hamak, na nakatayo sa harapan ng trono, at binuksan ang mga aklat. Binuksan din ang isa pang aklat, ang aklat ng buhay. At ang mga patay ay hinatulan ayon sa kanilang mga gawa, ayon sa nakatala sa mga aklat.
13 At iniluwa ng dagat ang mga patay na nasa kanya, at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila, at hinatulan ang bawat tao ayon sa kanilang mga gawa.
14 Ang kamatayan at ang Hades ay itinapon sa lawa ng apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, ang lawa ng apoy;
15 at ang sinumang hindi natagpuang nakasulat sa aklat ng buhay ay itinapon sa lawa ng apoy.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001