Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos(A)
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit. Inaawit tuwing mag-aalay ng handog pang-alaala.
70 Iligtas mo ako ngayon, Yahweh, ako ay iligtas,
tulungan mo ako, O Diyos, nang di mapahamak!
2 Mga taong nagtatangkang kumitil sa aking buhay,
bayaan mong mangalito't mag-ani ng kabiguan;
iyon namang natutuwa sa taglay kong kahirapan,
bayaan mong mapahiya at magapi ng kalaban.
3 Sila namang ang layunin ay magtawa at mangutya,
sa kanilang pagkatalo, bayaan ding mapahiya.
4 Ang lahat ng lumalapit sa iyo ay magkatuwa,
gayon din ang nagmamahal sa pagtubos mong ginawa,
at sabihing lagi nila: “O Diyos, ikaw ay dakila!”
5 Lubos akong naghihirap, tunay na nanghihina,
lumapit ka sana agad, O Diyos, sana'y lumapit ka;
O aking tagapagligtas, katulong ko sa tuwina,
huwag mo akong paghintayin, Yahweh, sana'y mahabag ka!
1 Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Amos, isang pastol na taga-Tekoa. Ang mga bagay na tungkol sa Israel ay ipinahayag sa kanya ng Diyos dalawang taon bago lumindol. Si Uzias noon ang hari ng Juda, at si Jeroboam namang anak ni Joas ang hari ng Israel.
2 Sinabi(B) ni Amos,
“Dumadagundong mula sa Bundok ng Zion ang tinig ni Yahweh,
mula sa Jerusalem ang kanyang tinig ay naririnig.
Natutuyo ang mga pastulan,
nalalanta pati ang mga damo sa Bundok Carmel.”
Paghatol sa mga Karatig-bansa ng Israel
Sa Siria
3 Ganito(C) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Damasco,
kaya sila'y paparusahan ko.
Pinagmalupitan nila ang Gilead,
dinurog nila ito sa giikang bakal.
4 Susunugin ko ang palasyo ni Hazael,
at tutupukin ko ang mga tanggulan ni Ben-hadad.
5 Wawasakin ko ang pintuan ng Lunsod ng Damasco;
pupuksain ko ang mga taga libis ng Aven,
pati ang may hawak ng setro sa Beth-eden;
ang mga taga-Siria naman ay dadalhing-bihag sa Kir.”
Sa Filistia
6 Ganito(D) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Gaza,
kaya sila'y paparusahan ko.
Binihag nila ang isang bansa
at ipinagbili sa mga taga-Edom.
7 Susunugin ko ang mga pader ng Gaza;
tutupukin ko ang mga tanggulan doon.
8 Aalisin ko ang mga pinuno ng Asdod,
at ang may hawak ng setro sa Ashkelon.
Hahanapin ko ang Ekron,
at lilipulin ko ang mga Filisteo roon.”
Sa Tiro
9 Ganito(E) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Tiro,
kaya sila'y paparusahan ko.
Ipinagbili nila sa Edom ang libu-libo nilang bihag;
sinisira nila ang kasunduan ng pagkakapatiran.
10 Susunugin ko ang mga pader ng Tiro;
tutupukin ko ang mga palasyo roon.”
Sa Edom
11 Ganito(F) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Edom,
kaya sila'y paparusahan ko.
Hinabol nila ng tagâ ang mga kapatid nilang Israelita
at hindi sila naawa kahit bahagya.
Hindi naglubag ang kanilang poot kailanman.
12 Susunugin ko ang Teman,
tutupukin ko naman ang mga tanggulan sa Bozra.”
Sa Ammon
13 Ganito(G) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Ammon,
kaya sila'y paparusahan ko.
Sa labis nilang kasakiman sa lupain,
nilaslas nila ang tiyan ng mga buntis sa Gilead.
14 Susunugin ko ang mga pader sa Rabba;
tutupukin ko ang mga tanggulan doon.
Magsisigawan sila sa panahon ng labanan;
mag-aalimpuyo ang labanan tulad ng isang bagyo.
15 Mabibihag ang kanilang hari,
gayundin ang kanyang mga tauhan.”
Sa Moab
2 Ganito(H) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Moab,
kaya sila'y paparusahan ko.
Sinunog nila at pinulbos ang mga buto ng hari ng Edom.
2 Susunugin ko ang lupain ng Moab;
tutupukin ko ang mga tanggulan sa Keriot.
Masasawi ang mga taga-Moab sa gitna ng ingay ng labanan,
sa sigawan ng mga kawal at tunog ng mga trumpeta.
3 Papatayin ko ang hari ng Moab,
gayundin ang mga pinuno sa lupaing iyon.”
Sa Juda
4 Ganito ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Juda,
kaya sila'y paparusahan ko.
Hinamak nila ang aking mga katuruan;
nilabag nila ang aking mga kautusan.
Iniligaw sila ng mga diyus-diyosang
pinaglingkuran ng kanilang mga ninuno.
5 Susunugin ko ang Juda;
tutupukin ko ang mga tanggulan ng Jerusalem.”
Ang Pitong Trumpeta
6 At(A) humanda ang pitong anghel na may pitong trumpeta upang hipan ang mga ito.
7 Hinipan(B) ng unang anghel ang kanyang trumpeta at umulan ng batong yelo at apoy na may halong dugo. Nasunog ang ikatlong bahagi ng lupa, ang ikatlong bahagi ng mga punongkahoy at lahat ng sariwang damo.
8 Hinipan ng ikalawang anghel ang kanyang trumpeta at bumagsak sa dagat ang isang parang malaking bundok na nasusunog. Naging dugo ang ikatlong bahagi ng dagat, 9 namatay ang ikatlong bahagi ng mga nilalang na naroon at nawasak ang ikatlong bahagi ng mga sasakyang-dagat.
10 Hinipan(C) ng ikatlong anghel ang kanyang trumpeta at nahulog mula sa langit ang isang malaking bituing nagliliyab na parang sulo, at bumagsak sa ikatlong bahagi ng mga ilog at mga bukal. 11 Ang(D) bituin ay tinatawag na Kapaitan. Pumait ang ikatlong bahagi ng tubig, at maraming tao ang namatay pagkainom nito.
12 Hinipan(E) ng ikaapat na anghel ang kanyang trumpeta at napinsala ang ikatlong bahagi ng araw, ang ikatlong bahagi ng buwan, at ang ikatlong bahagi ng mga bituin, kaya't nawala ang ikatlong bahagi ng kanilang liwanag. Nagdilim ang ikatlong bahagi ng maghapon, at walang tumanglaw sa ikatlong bahagi ng magdamag.
13 Pagkatapos ay nakita ko ang isang agilang lumilipad sa kalawakan, at narinig ko itong sumisigaw, “Kalagim-lagim! Kalagim-lagim! Talagang kalagim-lagim ang sasapitin ng lahat ng nasa lupa pagtunog ng mga trumpetang hihipan ng tatlo pang anghel!”
9 Hinipan ng ikalimang anghel ang kanyang trumpeta at nakita kong nahulog sa lupa ang isang bituin; ibinigay rito ang susi sa bukana ng napakalalim na hukay. 2 Binuksan(F) ng bituin ang napakalalim na hukay at may lumabas na makapal na usok, tulad ng usok ng malaking hurno, kaya't nagdilim ang araw at ang himpapawid. 3 Mula sa usok ay(G) may naglabasang mga balang na kumalat sa lupa. Binigyan sila ng kapangyarihang tulad ng sa mga alakdan. 4 Ipinagbilin(H) sa kanila na huwag sirain ang mga damo, punongkahoy o anumang halaman. Ang mga tao lamang na walang tatak ng Diyos sa noo ang maaari nilang saktan. 5 Hindi pinahintulutan ang mga balang na patayin ang mga taong ito, kundi pahirapan lamang sa loob ng limang buwan. Parang kagat ng alakdan ang kirot na dulot ng mga balang na ito. 6 Sa(I) loob ng panahong iyon, hahanapin ng mga tao ang kamatayan ngunit hindi ito matatagpuan. Nanaisin nila ang kamatayan ngunit lalayuan sila nito.
7 Ang(J) anyo ng mga balang ay tulad sa mga kabayong handa na sa pakikipagdigma. Sa kanilang ulo ay may parang koronang ginto, at parang mukha ng tao ang kanilang mukha. 8 Parang(K) buhok ng babae ang kanilang buhok at parang ngipin ng leon ang kanilang mga ngipin. 9 Natatakpan(L) ng parang mga baluting bakal ang kanilang dibdib at ang pagaspas ng kanilang pakpak ay parang dagundong ng maraming karwaheng hila ng mga kabayong lulusob sa labanan. 10 Sila ay may mga buntot na may tulis gaya ng sa alakdan. Nasa buntot nila ang kapangyarihang manakit ng mga tao sa loob ng limang buwan. 11 Ang pinuno nila'y ang anghel na bantay sa napakalalim na hukay. Ang kanyang pangalan sa wikang Hebreo ay Abadon,[a] at sa wikang Griego'y Apolion.[b]
12 Nakaraan na ang unang lagim; dalawa pang lagim ang darating.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.