Revised Common Lectionary (Complementary)
IKAAPAT NA AKLAT
Ang Diyos at ang Tao
Panalangin ni Moises, ang lingkod ng Diyos.
90 Panginoon naming Diyos, ikaw ang aming tahanan,
buhat pa nang simulang lumitaw ang aming angkan.
2 Wala pa ang mga bundok, hindi mo pa nilalalang,
hindi mo pa nililikha itong buong daigdigan,
ikaw noon ay Diyos na,
pagkat ika'y walang hanggan.
3 Yaong taong nilikha mo'y bumabalik sa alabok,
sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
4 Ang(A) sanlibong mga taon ay para bang isang araw,
sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang;
isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.
5 Mga tao'y pumapanaw na para mong winawalis,
parang damo sa umagang tumubo sa panaginip.
6 Parang damong tumutubo, may taglay na bulaklak,
kung gumabi'y nalalanta't bulaklak ay nalalagas.
7 Sa tindi ng iyong galit, para kaming nauupos,
sa simbuyo ng galit mo'y lubos kaming natatakot.
8 Aming mga kasalanan, sa harap mo'y nahahayag,
mga sala naming lihim ay kita mo sa liwanag.
9 Sa kamay mo'y nagwawakas itong hiram naming buhay,
parang bulong lamang ito na basta lang dumaraan.
10 Buhay(A) nami'y umaabot ng pitumpung taóng singkad,
minsan nama'y walumpu, kung kami'y malakas;
ngunit buong buhay namin ay puno ng dusa't hirap,
pumapanaw pagkatapos, dito sa sangmaliwanag.
11 Ang tindi ng iyong galit sino kaya ang tatarok?
Sino kaya ang susukat niyong ibubungang takot?
12 Dahil itong buhay nami'y maikli lang na panahon,
itanim sa isip namin upang kami ay dumunong.
Ang Pahayag Laban sa mga Bundok ng Israel
6 Sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Humarap ka sa mga bundok ng Israel at magpahayag laban sa kanila. 3 Sabihin mo, ‘Mga bundok ng Israel, dinggin ninyo itong ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: Tutugisin ko kayo ng tagâ. Gigibain ko ang inyong dambana sa mga burol. 4 Gagawin kong pook ng lagim ang inyong mga altar. Gigibain ko ang dambanang sunugan ninyo ng insenso, at papatayin ko kayo sa harap ng inyong mga diyus-diyosan. 5 Ang mga patay na Israelita'y ibubunton ko sa harapan ng inyong mga diyus-diyosan, at ikakalat ko sa inyong altar ang mga buto ninyo. 6 Saanman kayo magtayo ng bayan, ito'y gigibain ko. Wawasakin ko ang inyong dambana sa mataas na dako. Dudurugin ko ang inyong mga diyus-diyosan, ibabagsak ang inyong mga dambanang sunugan ng insenso, at ipagtatatapon ang inyong mga ginawa. 7 Maraming mamamatay sa inyo. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.’
8 “May ilan akong ititira sa inyo ngunit mangangalat sila sa iba't ibang panig ng daigdig, 9 at mabibihag ng ibang bansa. Kapag sila'y naroon na sa dakong pagdadalahan sa kanila, maaalala nila kung gaano kalaki ang pagdaramdam ko dahil sa pagtalikod nila sa akin upang maglingkod sa mga diyus-diyosan. At sila mismo'y masusuklam sa kanilang sarili dahil sa ginawa nilang kasamaan. 10 Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh at malalaman nilang hindi panakot lamang ang parusang ipapataw ko sa kanila.”
Ang mga Kasalanan ng Israel
11 Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh, “Pumalakpak ka't pumadyak, at sabihing mabuti nga sa sambahayan ng Israel. Uubusin kayo sa pamamagitan ng tabak, ng salot at ng taggutom. 12 Ang nasa malayo ay mamamatay sa salot, at sa tabak naman ang nasa malapit. Ang matirang buháy ay papatayin naman sa gutom. Ganyan ang gagawin ko upang ipadama sa kanila ang aking matinding galit. 13 Makikilala nga nilang ako si Yahweh kapag nakita nilang naghalang ang patay sa harap ng kanilang mga diyus-diyosan, sa mga burol, mga bundok, sa ilalim ng mga punongkahoy at malalagong puno ng ensina, o sa alinmang dakong handugan nila ng mababangong samyo para sa kanilang mga diyus-diyosan. 14 Paparusahan ko nga sila at alinmang lugar na tirahan nila'y paghaharian ko ng lagim mula sa kaparangan ng Diblat. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”
Ang mga Mangkok ng Poot ng Diyos
16 Mula sa templo'y narinig ko ang isang malakas na tinig na nag-uutos sa pitong anghel, “Humayo na kayo at ibuhos ninyo sa lupa ang laman ng pitong mangkok ng poot ng Diyos.”
2 Kaya(A) umalis ang unang anghel at ibinuhos sa lupa ang laman ng dala niyang mangkok. At nagkaroon ng mahahapdi at nakakapandiring pigsa ang mga taong may tatak ng halimaw at sumamba sa larawan nito.
3 Ibinuhos ng ikalawang anghel ang laman ng kanyang mangkok sa dagat. Ang tubig nito ay naging parang dugo ng patay na tao, at namatay ang lahat ng nilikhang may buhay na nasa dagat.
4 Ibinuhos(B) naman ng ikatlong anghel ang laman ng kanyang mangkok sa mga ilog at mga bukal, at naging dugo rin ang mga ito. 5 At narinig kong sinabi ng anghel na namamahala sa mga tubig,
“Ikaw ang Matuwid, na nabubuhay ngayon at noong una, ang Banal,
sapagkat hinatulan mo ang mga bagay na ito.
6 Ang mga nagpadanak ng dugo ng mga hinirang ng Diyos at ng mga propeta
ay binigyan mo ng dugo upang kanilang inumin.
Iyan ang nararapat sa kanila!”
7 At narinig ko ang isang tinig mula sa dambana na nagsasabi,
“Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
talagang matuwid at tama ang mga hatol mo!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.