Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mikas 3:5-12

Ganito ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa mga bulaang propeta na naging dahilan ng pagkaligaw ng bayang Israel: “Nangangako sila ng kapayapaan sa mga nagsusuhol sa kanila, ngunit pinagbabantaan nilang didigmain ang ayaw magsuhol sa kanila.”

“Sasapit ang gabi ngunit hindi kayo magkakaroon ng pangitain; lalaganap ang dilim subalit hindi kayo tatanggap ng pahayag mula sa Diyos. Lulubog na ang araw para sa mga propeta; malagim ang kahihinatnan nila. Mapapahiya ang mga manghuhula, pagtatawanan ang kanilang mga pahayag, sapagkat hindi na sila sinasagot ng Diyos.

“Subalit ako'y puspos ng kapangyarihan, ng espiritu ni Yahweh, ng katarungan at kapangyarihan upang ipahayag sa mga Israelita ang kanilang mga kasalanan. Makinig kayo, lahat ng mga pinuno ng Israel. Nasusuklam kayo sa katarungan at binabaluktot ninyo ang katuwiran! 10 Itinayo ninyo ang Zion sa pamamagitan ng pagpatay; itinatag ninyo ang Jerusalem sa pamamagitan ng kasamaan. 11 Ang kanyang mga pinuno'y nagpapasuhol muna bago humatol, nagpapaupa ang mga pari para magturo, at ang mga propeta nama'y nanghuhula dahil sa salapi. Gayunman, umaasa sila kay Yahweh at sinasabi, ‘Nasa kalagitnaan natin si Yahweh kaya walang kasamaang darating sa atin.’”

12 Kaya't(A) dahil sa inyo, ang Zion ay bubungkalin tulad ng isang bukirin, magiging isang bunton ng gumuhong bato ang Jerusalem, at ang burol na kinatatayuan ng Templo'y magiging gubat.

Mga Awit 43

Panalangin ng Isang Dinalang-bihag(A)

43 Hatulan mong ako'y walang kasalanan, Panginoon,
    at laban sa masasama, ako'y iyong ipagtanggol;
    sa masama't sinungaling, ilayo mo ako ngayon!
Diyos na aking sanggalang, bakit mo ako iniwan?
Bakit ako nagdurusa sa pahirap ng kaaway?

Ang totoo't ang liwanag, buhat sa iyo ay pakamtan,
    upang sa Zion ay mabalik, sa bundok mong dakong banal
    sa bundok mong pinagpala, at sa templo mong tirahan.
Sa dambana mo, O Diyos, ako naman ay dudulog,
    yamang galak at ligaya ang sa aki'y iyong dulot;
sa saliw ng aking alpa'y magpupuri akong lubos,
    buong lugod na aawit ako sa Diyos, na aking Diyos!

Bakit ako nababahala, bakit ako nahahapis?
    Sa Diyos ako ay aasa at sa kanya mananalig.
Muli akong magpupuri sa Diyos ko't Tagapagligtas,
    itong aking pagpupuri sa kanya ko ihahayag!

1 Tesalonica 2:9-13

Mga kapatid, tiyak na natatandaan pa ninyo kung paano kami nagtrabaho at nagsikap araw-gabi para hindi kami makabigat kaninuman habang ipinapahayag namin sa inyo ang Magandang Balitang mula sa Diyos.

10 Saksi ang Diyos at saksi rin namin kayo, kung paanong naging dalisay, matuwid, at walang kapintasan ang aming pakikitungo sa inyo na mga sumasampalataya. 11 Tulad ng alam ninyo, kami'y naging parang ama sa bawat isa sa inyo. 12 Pinayuhan namin kayo, pinalakas namin ang inyong loob, at inatasan na mamuhay nang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos na tumawag sa inyo upang mapabilang sa kanyang kaharian at kaluwalhatian.

13 Kaya nga, palagi kaming nagpapasalamat sa Diyos, sapagkat nang ipangaral namin sa inyo ang kanyang salita, hindi ninyo ito tinanggap bilang salita ng tao, kundi bilang tunay na salita ng Diyos, at ang bisa nito'y nakikita sa buhay ninyo na mga sumasampalataya.

Mateo 23:1-12

Ang Katuruan tungkol sa Pagpapakumbaba(A)

23 Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad, “Ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises.[a] Kaya't gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos, ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang ginagawa sapagkat hindi nila isinasagawa ang kanilang ipinapangaral. Nagpapataw sila ng mabibigat na pasanin sa mga tao, ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagpasan ng mga iyon. Pawang(B) pakitang-tao ang kanilang mga gawa. Nilalaparan nila ang mga lalagyan ng talata sa kanilang noo at braso, at hinahabaan ang palawit sa laylayan ng kanilang mga damit.[b] Ang nais nila ay ang mga upuang pandangal sa mga handaan at ang mga pangunahing upuan sa sinagoga. Gustung-gusto nilang binabati sila sa mga palengke, at tawaging ‘guro.’ Ngunit, huwag kayong patawag na ‘guro,’ sapagkat iisa ang inyong Guro at kayong lahat ay magkakapatid. Huwag ninyong tawaging ama ang sinumang tao sa lupa sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Ama na nasa langit. 10 Huwag kayong patawag na tagapagturo, sapagkat iisa ang inyong tagapagturo, ang Cristo. 11 Ang(C) pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo. 12 Ang(D) nagmamataas ay ibababa, at ang nagpapakumbaba ay itataas.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.