Revised Common Lectionary (Complementary)
Pasasalamat sa Diyos Dahil sa Kanyang Katarungan
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng Muth-labben.[a]
9 Pupurihin kita, Yahweh, nang buong puso ko,
mga kahanga-hangang ginawa mo'y ipahahayag ko.
2 Dahil sa iyo, ako ay aawit na may kagalakan,
pupurihin kita, O Diyos na Kataas-taasan.
3 Makita ka lang ay umuurong na ang aking mga kaaway,
sila'y nabubuwal at namamatay sa iyong harapan.
4 Patas at makatarungan ka sa iyong paghatol,
matuwid kong panig ay iyong ipinagtanggol.
5 Binalaan mo ang mga bansa, nilipol ang masasama;
binura mo silang lahat sa balat ng lupa.
6 Ang mga kalaban nami'y naglaho nang lubusan,
ang kanilang mga lunsod, iyo nang winakasan,
at sa aming alaala'y nalimot nang tuluyan.
7 Ngunit si Yahweh ay naghaharing walang putol,
itinatag niya ang kanyang trono para sa paghahatol.
8 Pinapamahalaan niya ang daigdig ayon sa katuwiran,
hinahatulan niya ang mga bansa ayon sa katarungan.
9 Si Yahweh ang takbuhan ng mga pinahihirapan,
matibay na kanlungan sa oras ng kaguluhan.
10 Nananalig sa iyo, Yahweh, ang kumikilala sa iyong pangalan,
dahil wala pang lumapit sa iyo na iyong tinanggihan.
11 Kay Yahweh na hari ng Zion ay umawit tayo ng papuri,
sa lahat ng bansa ang ginawa niya'y ipagbunyi!
12 Inaalala ng Diyos ang mga nahihirapan,
mga karaingan nila'y di niya nakakalimutan.
13 O(A) Yahweh, ako sana'y iyong kahabagan,
masdan ang pahirap na dinaranas ko mula sa kaaway!
Iligtas mo ako sa bingit ng kamatayan,
14 upang sa harapan ng Lunsod ng Zion, aking isalaysay.
Dahil sa iyong pagliligtas, papuri ko'y ibibigay.
Ang Pangitain tungkol sa Lalaking may Panukat
2 Muli akong tumingin at may nakita akong isang lalaking may dalang panukat. 2 Tinanong ko ito, “Saan kayo pupunta?”
“Susukatin ko ang luwang at haba ng Jerusalem,” sagot niya.
3 Walang anu-ano, lumakad ang anghel na kausap ko at sinalubong siya ng isa pang anghel. 4 Sinabi nito sa kanya, “Bilisan mo! Habulin mo ang binatang may dalang panukat at sabihin mo sa kanya na ang Jerusalem ay titirhan ng napakaraming tao at hayop tulad ng bayang walang pader. 5 Si Yahweh mismo ang magiging pader na apoy ng Jerusalem, at ang kaluwalhatian niya'y lulukob sa buong lunsod.”
Ang Pangitain tungkol sa Kasulatang Lumilipad
5 Muli akong tumingala at may nakita akong kasulatang lumilipad. 2 Tinanong ako ng anghel, “Ano ang nakikita mo?” “Isa pong kasulatang lumilipad. Ang haba po nito ay siyam na metro at apat at kalahating metro naman ang lapad,” sagot ko.
3 Sinabi niya sa akin, “Diyan nakasulat ang mga sumpa sa daigdig. Sa kabila ay sinasabing aalisin sa lupain ang lahat ng magnanakaw; sa kabila naman ay sinasabing aalisin din ang lahat ng sinungaling. 4 Ipadadala ko ito sa sambahayan ng mga magnanakaw at sa sambahayan ng mga sinungaling. Mananatili ito sa sambahayang iyon upang ubusin sila nang lubusan.”
Pangwakas na Tagubilin at Pagbati
12 Mga kapatid, ipinapakiusap namin na igalang ninyo ang mga nagpapakahirap sa pamamahala at pagtuturo sa inyo alang-alang sa Panginoon. 13 Pag-ukulan ninyo sila ng lubos na paggalang at pag-ibig dahil sa kanilang gawain. Makitungo kayo sa isa't isa nang may kapayapaan.
14 Mga kapatid, ipinapakiusap din namin na inyong pagsabihan ang mga tamad, pasiglahin ang mahihinang-loob, at kalingain ang mga mahihina. Maging matiyaga kayo sa kanilang lahat. 15 Huwag ninyong paghigantihan ang gumawa sa inyo ng masama; sa halip, magpatuloy kayo sa paggawa ng mabuti sa isa't isa at sa lahat.
16 Magalak kayong lagi, 17 palagi kayong manalangin, 18 at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.