Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ng Pagpupuri kay Yahweh
95 Tayo na't lumapit
kay Yahweh na Diyos, siya ay awitan,
ang batong kublihan,
atin ngang handugan, masayang awitan!
2 Tayo na't lumapit,
sa kanyang presensya na may pasalamat,
siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.
3 Sapagkat si Yahweh,
siya ay dakila't makapangyarihang Diyos,
ang dakilang Haring
higit pa sa sinuman na dinidiyos.
4 Nasa kanyang palad
ang buong daigdig, pati kalaliman;
ang lahat ay kanya
maging ang mataas nating kabundukan.
5 Kanya rin ang dagat
at pati ang lupa na kanyang nilalang.
6 Tayo na't lumapit,
sa kanya'y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap
ni Yahweh na siyang sa ati'y may lalang.
7 Siya(A) (B) ang ating Diyos,
at tayo ang bayan sa kanyang pastulan,
mga tupang kanyang inaalagaan.
At ngayon kanyang salita'y ating pakinggan:
Ang Pahayag ni Micaya
13 Sinabi ng sugong pinapunta kay Micaya, “Iisa ang sinasabi ng lahat ng mga propeta: magtatagumpay ang hari. Ganoon din ang sabihin mo!”
14 Sumagot si Micaya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] kung ano ang sabihin niya sa akin, iyon din ang aking sasabihin.”
15 Pagdating niya sa harapan ng hari, siya'y tinanong, “Micaya, sasalakayin ba namin ang Ramot-gilead?”
“Salakayin po ninyo at magwawagi kayo. Magtatagumpay kayo sa tulong ni Yahweh.”
16 Ngunit siya'y muling tinanong ng hari, “Ilang ulit ko bang sasabihin sa iyo na pawang katotohanan lamang ang sasabihin mo sa pangalan ni Yahweh?”
17 Kaya't(A) sinabi ni Micaya,
“Nakita kong nagkawatak-watak ang hukbo ng Israel,
nagkalat sa kabundukan parang tupang walang pastol!
Narinig kong sinabi ni Yahweh, ‘Sila'y walang tagapanguna
kaya't pauwiin na silang mapayapa.’”
18 Kaya't sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Di ba't sinabi ko na sa iyo na kailanma'y hindi niya ako binigyan ng mabuting pahayag, lagi na lang masama.”
19 Ngunit(B) nagpatuloy si Micaya, “Pakinggan ninyo si Yahweh: Nakita ko si Yahweh na nakaupo sa kanyang trono. Nasa kanyang harapan, sa kaliwa at sa kanan, ang buong hukbo ng langit. 20 Nagtanong siya, ‘Sino ang hihikayat kay Ahab na salakayin ang Ramot-gilead?’ Kanya-kanyang sagot ang mga espiritu. 21 Ngunit mayroong isang tumayo at nagsalita ng ganito: ‘Ako po ang hihikayat kay Ahab.’
“‘Sa paanong paraan?’ tanong ni Yahweh.
22 “‘Pupunta po ako roon at magiging espiritung sinungaling na magsasalita sa pamamagitan ng kanyang mga propeta,’ sagot ng espiritu.
“‘Ikaw ang humikayat sa kanya at magtatagumpay ka,’ sabi ni Yahweh.”
23 At patuloy ni Micaya, “Ngayon, nakikita mo kung paanong nagsalita ang espiritu ng kasinungalingan sa bibig ng iyong mga propeta. Ngunit si Yahweh ang nagtakda ng iyong kapahamakan.”
Ang Awit ng mga Tinubos
14 Tumingin(A) ako, at nakita ko ang Kordero na nakatayo sa Bundok ng Zion, kasama ang isandaan at apatnapu't apat na libong tao (144,000). Nakasulat sa kanilang noo ang pangalan ng Kordero at ang pangalan ng kanyang Ama. 2 At narinig ko mula sa langit ang isang tinig na sinlakas ng rumaragasang tubig at dagundong ng kulog. Ang tinig na narinig ko'y parang tugtugan ng mga manunugtog ng alpa. 3 Sila'y umaawit ng isang bagong awit sa harap ng trono, at sa harap ng apat na nilalang na buháy at sa harap ng matatandang pinuno. Walang matututong umawit sa awit na iyon kundi ang isandaan at apatnapu't apat na libong (144,000) tinubos mula sa daigdig. 4 Ito ang mga lalaking nanatiling walang dungis at hindi nakipagtalik sa mga babae. Nanatili silang mga birhen. Sumusunod sila sa Kordero saanman siya magpunta. Sila'y tinubos mula sa buong sangkatauhan bilang mga unang handog sa Diyos at sa Kordero. 5 Hindi(B) sila nagsinungaling kailanman at wala silang anumang kapintasan.
Ang Tatlong Anghel
6 Nakita ko rin ang isa pang anghel na lumilipad sa himpapawid, dala ang walang hanggang Magandang Balita upang ipahayag sa mga tao sa lupa, sa lahat ng bansa, lipi, wika, at bayan. 7 Sinabi niya nang malakas, “Matakot kayo sa Diyos at luwalhatiin ninyo siya! Sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghatol. Sambahin ninyo ang Diyos na lumikha ng langit, lupa, dagat, at mga bukal ng tubig!”
8 Sumunod(C) naman ang ikalawang anghel na nagsasabi, “Bumagsak na! Bumagsak na ang makapangyarihang Babilonia, na nagpainom sa lahat ng mga bansa ng alak ng kanyang kahalayan!”
9 At sumunod sa dalawa ang ikatlong anghel na sumisigaw, “Sinumang sumasamba sa halimaw at sa larawan nito, at nagpatatak sa kanyang noo o sa kamay, 10 ay(D) paiinumin ng Diyos ng purong alak ng kanyang poot na ibinuhos sa kopa ng kanyang galit. Pahihirapan sila sa apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel at sa harapan ng Kordero. 11 Ang(E) usok mula sa apoy na nagpapahirap sa kanila ay patuloy na tataas magpakailanman. Araw at gabi ay maghihirap nang walang pahinga ang mga sumamba sa halimaw at sa kanyang larawan, at ang mga natatakan ng kanyang pangalan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.